Duterte: Mahihirap, sumusuporta sa mga rebelde, di matatalo
“Hindi mo puwedeng suspendihin ang usapan habang may rebolusyon sa harap mo.” – Mayor Duterte

DAVAO CITY — Giniit ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte Jr. na pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at di madugong giyera kontra-insurhensiya ng gobyerno ang kailangan para matugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
Nagsalita si Duterte sa courtesy call ng mga miyembro ng National Humanitarian and Fact-Finding Mission para imbestigahan ang militarisasyon sa Timog Mindanao. Dito, sinabi niya na di magagapi ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) dahil suportado ito ng mga maralita sa malalayong lugar na walang presensiya ng gobyerno.
Kabilang dito ang bulubunduking distrito ng Paquibato sa Davao City.
Tinutulungan
“Sinabihan ko sila (militar) na sa Paquibato, kailangan mong ituring na mahal ng lahat ng tao ang NPA. ‘Yan ang buhay nila. Naging tao na sila diyan, sa paghihirap. At tinutulungan sila ng NPA,” paliwanag ni Duterte.
Sinabi pa ng alkalde na nakiusap siya sa militar na sa halip na takutin at abusuhin sila, kumbinsihin na kunin na lamang ang loob nila.
“Kung gusto nila (mga militar), puwede nilang idaan sa barangay captain (ang pag-imbita sa mga residente sa anti-komunistang mga seminar). Ang barangay captain siguro ang magpapaabot sa isang residente na imbitado siya. Kapag ayaw niya, ibig sabihin’y wala siyang ganang maniwala sa militar. Iwan na lang nila doon. Ano ang gusto mo, papatayin mo (sila)?” sabi ni Duterte.
Ang distrito ng Paquibato sa Davao City ang isa sa mga lugar sa Timog Mindanao na binuhusan ng tropang militar. Tinatayang aabot sa 60 porsiyento ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay matatagpuan na ngayon sa Mindanao, at mayorya rito ay nasa Timog Mindanao.
Naitala ng National Humanitarian and Fact-Finding Mission sa pangunguna ng Karapatan-Southern Mindanao ang maraming kaso ng pagkampo ng militar sa sibilyang mga gusali at imprastaktura, tulad ng barangay hall, eskuwelahan, health centers at kabahayan sa Paquibato, Arakan at Magpet sa North Cotabato, Maco sa Compostela Valley at Talaingod sa Davao del Norte.
Isa sa pinakamalalang kaso ng militarisasyon ang naganap kamakailan sa bayan ng Talaingod, kung saan mahigit 1,300 residenteng Manobo ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga komunidad. Halos 1,000 sa kanila ang nagbakwit sa Davao City dahil sa pagbabanta ng militar.
“Doon lang sa Talaingod, napuwersa akong makialam kasi naghihirap na ang mga tao. Sabi ko sa militar, kailangan ninyong dumalo sa seminar (kasama ang mga tao) para sagutin ninyo (ang kanilang mga tanong),” sabi pa ni Duterte.
Ipagpatuloy ang usapan

Sinabi pa niya na tanggap naman niyang AFP ang sundalo ng republika, pero “hindi ito gagalangin” kung itutulak nito ang kampanyang “pasipikasyon” sa mga sibilyang sumusuporta sa mga rebolusyonaryo.
“Kailangang matuto tayo sa kasaysayan at sa mga kaganapan tungkol sa rebelyon at insurhensiya sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” sabi pa ni Duterte.
Kinatigan ni Duterte ang panawagan ng progresibong mga kongresista ng Koalisyong Makabayan na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas (GPH) at rebolusyonaryong National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Naniniwala ang alkalde na hindi sinsero ang GPH sa pagkamit ng kapayapaan kung inuuna pa nito ang implementasyon ng madugong giyera kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan sa halip na seryosong harapin ang usapang pangkapayapaan.
“Ayokong sabihin ito, pero wala pa akong nakikitang sinseridad sa bahagi ng gobyerno. Hindi mo puwedeng suspendihin ang usapan habang may rebolusyon sa harap mo,” ani Duterte.
Binatikos ni Satur Ocampo, presidente ng Makabayan, ang mga negosyador ng gobyerno sa patuloy na pagtangging bumalik sa usapan nang walang precondition.
“Ang gobyerno ngayon ang hindi sumasagot sa initiatives para magkaroon ng informed discussions muna hinggil sa ilang doables at short term discussions,” sabi pa ni Ocampo.
Sinabi ni Teresita Quintos-Deles, presidential adviser on the peace process, na gusto ng mga negosyador ng gobyerno na mapag-usapan muna ang mga isyung mas madaling tugunan at may takdang panahon para matapos (time-bound).
“Sumagot si Louie Jalandoni (punong negosyador ng NDFP). Sabi niya, puwede ba, mag-usap tayo hinggil sa Hacienda Luisita sa loob ng tatlong buwan at tapusin na ang isyung ito. Tapos mag-usap tayo sa problema ng mga biktima ng Yolanda,” kuwento ni Ocampo. Hindi umano tumugon si Deles kahit opisyal na ipinaabot na ito ni Jalandoni.
Sumang-ayon naman si 1-BAP Rep. at dating punong neogsyador ng GPH na si Silvestre Bello III na kailangang ituloy ang usapang pangkapayapaan. Balak umano niyang mamagitan sa gobyerno at NDFP para makatulong na magpatuloy ang usapan.
“Susubukan kong hilingin sa Espiker na payagan akong pumunta sa opisyal na biyahe patungong the Netherlands, para kausapin si Chairman Jalandoni. Pero bago ko ito gagawin, kakausapin ko sana (si Teresita Deles) para itanong sa kanya kung may posibilidad na bumalik sa mesa ang dalawang partido nang walang precondition,” paliwanag ni Bello.
Sinabi ni Duterte na kabilang sa pangunahing adyenda para magutugunan ang ugat ng armadong tunggalin ay ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.