Isa na namang unyonista, inaresto


Isang araw bago ang pagdating sa bansa ng misyon ng International Labor Organization (ILO) para imbestigahan ang panunupil sa kilusang paggawa, isa na namang lider-unyonista ang inaresto para sa isa umanong “gawa-gawang kaso.” Sa isang entrapment operation, inaresto ng mga elemento ng Philippine Army (PA) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Declard Cangmaong, 36, sa  Southern […]

Isang araw bago ang pagdating sa bansa ng misyon ng International Labor Organization (ILO) para imbestigahan ang panunupil sa kilusang paggawa, isa na namang lider-unyonista ang inaresto para sa isa umanong “gawa-gawang kaso.”

Sa isang entrapment operation, inaresto ng mga elemento ng Philippine Army (PA) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Declard Cangmaong, 36, sa  Southern Tagalog sa Angono, Rizal bandang ala-sais ng gabi noong Setyembre 21.

Nagbabakasyon kasama ng kanyang pamilya si Cangmaong sa bahay ng kanyang kapatid nang sugurin at biglang pinosasan ng pitong armadong miyembro ng CIDG, ayon sa ulat ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik)- Kilusang Mayo Uno.

Umano’y walang ipinakitang warrant of arrest ang mga operatiba at hinalughog pa ang bahay.

Dinala si Cangmaong, ang kanyang asawa, at dalawang anak na babae sa Fort Bonifacio. Kinabukasan, Setyembre 22, dinala ang lider-unyonista sa Camp Crame at kinasuhan ng multiple murder with quadruple frustrated murder at damage to government property na isinampa sa korte sa Misamis Oriental.

Sa umaga bago ang insidente, dalawang tauhan ng PA, na nagpakilala sa pangalang Zaldy Rubia at Ricky, ang dinala sa bahay ni Fernando Cagmaong, ama ni Declard. Pinipilit umano ng dalawa si Fernando na isuko ang kanyang anak na umano’y lider ng New People’s Army.

Ayon kay Shiela Cangmaong-dela Cruz, kapatid ni Declard, niloko ng mga sundalo ang kanyang ama na naroroon sila para “linisin” ang pangalan ng lider-unyonista.

“Tinanggap namin sila bilang mga bisita pero tinraydor kami,” sabi ni dela Cruz.

Dagdag niya, lubhang natakot sa insidente ang kanyang mga anak at mga anak ng kanyang kapatid.

Si Cangmaong ay aktibong miyembro ng unyon ng Sensuous Lingerie, isang garments factory sa Calamba, Laguna bago isinara ang kompanya noong Hulyo 2008. Lumipat siya ng kompanya pero nanatiling aktibo sa pagsuporta sa mga isyu ng manggagawa, ayon kay Hermie Marasigan, tagapagsalita ng Pamantik-KMU.

“Pinatutunayan lamang nito na nagpapatuloy sa ilalim ng administrasyong Arroyo ang panunupil sa kilusang paggawa sa pamamagitan ng malisyosong pagbibintang sa mga lider-unyonista,” sabi ni Marasigan.

Nanawagan ang Pamantik-KMU sa ILO na imbestigahan ang kaso ng umano’y ilegal na pag-aresto at detensiyon ni Cangmaong.