Migrante

Pagregularisa ni GMA sa donasyon ng OFW, binatikos


Binatikos ng Migrante-Middle East si Pangulong Arroyo sa pag-uutos nitong iregularisa ang mga donasyon mula sa ibayong dagat para sa mga biktima ng bagyong Ondoy. Ayon sa grupo makababagal lamang ito sa pagdaloy ng mga tulong na lubhang kinakailangan ng mga nasalanta. Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Arroyo noong Setyembre 29 na “hindi sisingilan ng buwis […]

Binatikos ng Migrante-Middle East si Pangulong Arroyo sa pag-uutos nitong iregularisa ang mga donasyon mula sa ibayong dagat para sa mga biktima ng bagyong Ondoy. Ayon sa grupo makababagal lamang ito sa pagdaloy ng mga tulong na lubhang kinakailangan ng mga nasalanta.

Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Arroyo noong Setyembre 29 na “hindi sisingilan ng buwis o kukumpiskahan ng Bureau of Customs ang mga donasyon ng pagkain at kagamitan mula sa ibang bayan, basta’t ito ay naka-assign sa DSWD (Deparment of Social Welfare and Development.”

“Napakamakasarili ang kautusang ito ni Gng. Arroyo na makapipigil sa nakolektang donasyon ng mga cause-oriented group at non-government organization para sa kapakinabangan ng libu-libong biktima ng bagyo,” ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME.

“Ibig sabihin, kung ang mga donasyon ay hindi ididirekta sa DSWD, kukumpiskahin ng Bureau of Customs ang mga darating na donasyon sa Pilipinas. Napaka-absurdo nito,” aniya pa.

Idinagdag pa ni Monterona na hindi makatwiran ang kautusan. Marami umanong donasyon mula sa mga komunidad at organisasyong Filipino ang nagtitiwala ng kanilang donasyon sa Migrante at iba pang grupo at hindi sa mga embahada dahil wala silang tiwala sa gobyernong Arroyo.

Nililimitahan din umano ng kautusan ang kalayaan ng mga mamamayan na handang tumulong sa abot ng kanilang makakaya para sa mga biktima.

“Dapat libre sa buwis ang mga donasyon at hindi dapat ipailalim sa mahigpit na regulasyon at kumpisaksyon lalo na kung mga ito ay nanggaling sa mga kapwa Filipino na nasa ibang bansa,” giit ni Monterona.

Samantala, sinabi naman ng National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON), miyembrong organisasyon ng Migrante International sa US na maaaring magdulot ng pagdadalawang-isip ang kautusan para magpadala ng donasyon sa bansa ang mga OFW.

Tinawag ng NAFCON na ‘arogante’ ang hakbang na ito ni Pangulong Arroyo para lamang magmukhang may ginagawa ang gobyerno para sa mga biktima ng bagyo.