San Francisco ng Assisi, patron ng ekolohiya
Kapistahan ni San Francisco ng Assisi tuwing Okt. 4 na kilala dahil sa kanyang panata sa kahirapan at pag-ibig para sa lahat ng buhay sa mundo.
Kapistahan ni San Francisco ng Assisi tuwing Okt. 4. Kilala sa Simbahang Katoliko at iba pang Kristiyanong simbahan ang santo dahil sa kanyang panata sa kahirapan at masidhing pag-ibig para sa lahat ng buhay sa mundo, kasama na ang mga hayop at kalikasan. Kaya naman nakagawian na ng ilan na dalhin ang kanilang mga minamahal na alagang hayop sa simbahan para mabasbasan.
Sa kanyang kathang “The Canticle of Creatures” na awit ng papuri, isa-isang nagpasalamat si San Francisco sa pagmamahal ng Diyos na nagbunga sa kaligiran na bumubuhay sa ating lahat, kasama ang araw, buwan at bituin, hangin, tubig, mga halaman at mga hayop.
Ayon sa mga nag-aaral sa buhay si San Francisco, naniwala ang santo na tungkulin ng lahat na alagaan ang kalikasan hindi lang dahil may nakukuha ang mga tao mula sa likas na yaman, kundi dahil bahagi rin ito ng walang-patid na pag-ibig ng Diyos.
Noong 1979, idineklara ni Pope John Paul II si San Francisco bilang patron ng ekolohiya. Sa usapin ng ekolohiya, binibigyang pansin ang kahalagahan ng paniniguradong balanse ang gamit at ang pag-aalaga ng mga komunidad sa kalikasan.
Pinili rin ni Pope Francis na gamitin ang pangalan ng santo bilang pagpupugay na ayon sa kanya’y kasangga ng kapayapaan at nagmahal at nagtanggol sa lahat ng nilikha.
Isang mahalagang dokumento ang encyclical ng kasalukuyang Santo Papa na inilabas noong 2015 na “Laudato Si’” para gabayan ang mga mamamayan ng daigdig sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Ginugunita ng mga Simbahang Orthodox, Simbahang Katoliko at World Council of Churches sa buong mundo ang Season of Creation tuwing Set. 1 hanggang Okt. 4 para itaguyod ang mga karapatang pangkalikasan at kapakanan ng mga mamamayang apektado ng pagkasira nito.