Balik-Tanaw

Paglilimbag sa ‘Communist Manifesto’ nina Marx at Engels


Ang “Manifesto of the Communist Party” ang pundasyong teorya ng Marxismo sa pagkilala sa pag-inog ng mundo at ng sangkatauhan.

“Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!”

Isinulat ito ni Karl Marx sa tulong ni Friedrich Engels, ang sulating ito na pundasyong teorya ng Marxismo sa pagkilala sa pag-inog ng mundo at ng sangkatauhan.

Mula sa pagbaybay sa kasaysayan ng mundo at relasyon ng mga tao, mula sa primitibo komunal hanggang sa kasalukuyang sistemang kapital, inilatag ni Marx na sa bawat umiiral na sistema sa bawat panahon, ang pinakamahalagang aralin ang pagtukoy sa tunggalian ng mga uri at ang relasyon ng mga ito sa moda ng produksiyon.

Tinutukoy dito na may tunggalian ang mga uri, tulad ng kasalukuyang namamayaning sistemang kapital.

Ang pagkatali at pagkakabusabos ng mga manggagawa sa sahod-alipin na dulot ng pagkabundat sa tubo ng mga kapitalista ang malinaw na kontradiksiyon o tunggalian ng manggagawa at burgesyang kapitalista.

Sinabi dito ni Marx na walang ibang patutunguhan ang sistemang kapital kundi ang pagguho nito. 

Pero ayon kay Marx, sa pagwasak sa sistemang kapital, dapat na magkaisa ang lahat ng manggagawa ng buong mundo at maglunsad ng rebolusyon, gapiin ang uring burgesya upang maitatag ang pamumuno ng uring proletaryo, at itayo ang komunismo kung saan kolektibo ang pag-aari sa kagamitan sa produksiyon.

Mahalagang ipinunto ng sulatin na dapat ding wasakin ang pribadong pag-aari na siyang ugat ng pagsasamantala.

Nakasaad din sa “Communist Manifesto” na ang pagpawi sa lahat ng uri ang lulutas sa pagsasamantala ng tao sa tao.