Editoryal

Pilipinas at buong mundo laban sa imperyalismo


Hindi kapayapaan ang dala ng United States at Israel sa Gitnang Silangan, kung hindi interbensiyon at kolonyalismo. Hindi maiwasang ikompara ng marami ang ginawa ng Amerika sa Iran sa nangyari noong 2003 sa Iraq.

Protesa ng mga progresibong grupo sa pagkondena sa atake ng US at Israel sa Iran noong Hun. 22, 2025. Michael Beltran/Pinoy Weekly

Ginimbal muli ng United States (US) ang buong mundo matapos nitong pasabugan ang mga nuclear facility ng Iran nitong Hun. 22. Ipinagmalaki ng dalawang pasistang lider na sina Donald Trump ng US at Benjamin Netanyahu ng Israel ang kanilang kolaborasyon sa pagsalakay sa Iran, bahagi umano ng kanilang misyong isulong ang kapayapaan sa rehiyon.

Hindi kapayapaan ang dala ng US at Israel sa Gitnang Silangan, kung hindi interbensiyon at kolonyalismo. Hindi maiwasang ikompara ng marami ang ginawa ng US sa Iran sa nangyari noong 2003 sa Iraq. Ang naratibo ng pananakot at mga walang batayang espekulasyon sa mga umano’y “weapons of mass destruction” ang pinamudmod ng US para bigyang-katuwiran ang pambobomba sa Iran. 

Harap-harapang tinapakan ng Amerika ang soberanya ng Iran. Sa likod ng naratibo ng US ang katotohanang ang Iran ang tumatayong pinakamalaki at makapangyarihang balakid sa kanyang paghahari sa rehiyon. Nagkukumahog ang US na palawakin pa ang kanyang mga sinasakop na teritoryo bilang pansalba sa naghihingalong sistemang kapitalista. Nais ng US na patuloy na kopohin ang mga likas na yaman, mahahalagang trade route sa rehiyon, kumita mula sa pagbebenta ng armas at pangkabuuang konsolidasyon sa kanyang naagnas na hegemonya.  

Sa likod ng mga retorikang pangkapayapaan ng US, malinaw sa buong mundo na sila, kasama ang Zionistang Israel, ang utak sa likod ng henosidyo sa Palestine at pangunahing instigador ng mga digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo. Para sa mga biktima ng walang habas na mga pambobomba at pananakop ng US, sila ang numero unong terorista at banta sa kapayapaan. 

Ang pambobomba ng US sa mga nuclear facility ng Iran ay nagsisilbing babala nito sa iba pang bansang mayroong pasilidad nukleyar, parehong mga bansang kumakalaban sa paghahari ng US—Russia, China at kahit North Korea. Ito’y bahagi ng pangkabuuang pangangalaga sa pampolitika at pang-ekonomiyang interes ng Amerika, kapalit ang mga inosenteng buhay at soberanya ng iba’t ibang bayan. 

Sa pagkokonsolida ng US ng kapangyarihan sa buong mundo, mahalagang sangkap ang Pilipinas, lalo sa pagsusubok na tablahin ang lumalaking kapangyarihan ng China.

Simula sa pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto, hinayaan niyang gawing isang malaking base militar ng US ang bansa. Pinarami ang mga base militar ng US sa iba’t ibang panig ng bansa, nagsagawa ng pinalaki at pinaraming mga ehersisyong militar, at pinapasok ang mga kagamitang pang-atake kagaya na lang ng Typhon missile. Sa huling balita, sabik na sabik pa si Marcos Jr. at National Defense Secretary Gilbert Teodoro na buksan ang ekstensiyon ng industriya ng armas ng US sa Pilipinas.

Traydor si Marcos Jr. sa totoong interes ng mamamayang Pilipino para sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa. Sa direksiyon ng kanyang patakarang panlabas, ginagawang open target ni Marcos Jr. ang bansa sa mga karibal ng Amerika sa rehiyong Asya-Pasipiko.

Sa kabila ng mga pahayag para sa kapayapaan, tigil-putukan sa Gitnang Silangan, pagkilala sa international humanitarian law at human rights, gayundin ang walang tigil na pagsuporta ng rehimeng Marcos Jr. sa US at pakikipagkaibigan sa Zionistang Israel. 

Hindi natin dapat hayaang kaladkarin tayo ng Amerika at ng rehimeng Marcos Jr. sa digmaang wala naman tayong kinalaman. Sa naagnas na yugto ng kapitalismo, sa yugto ng imperyalistang paghahari, dapat lalong tumindig ang sambayanang Pilipino at palakasin ang kontra-imperyalistang pakikibaka nito.

Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamahabang kasaysayan ng organisadong pakikipaglaban sa imperyalismong US. Nagsisilbi tayong inspirasyon sa iba’t ibang bansa para sa pagpapalakas ng kani-kanilang pakikibaka. Kakapit-bisig ang iba’t ibang lahi, patuloy tayong manindigan para sa Palestine, sa Iran at sa iba pang biktima ng terorismo at giyerang agresyon ng US.

Sa huli, walang ibang makakakapagbagsak sa US kung hindi ang mamamayang desididong ipagtanggol ang ating soberanya at pambansang kalayaan.