Tanggol-karapatan, tinangkang patayin sa Gensan


Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon ng tanggol-karapatan na si Warren Cahayag sa ospital matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap ng kanyang tindahan sa Gen. Santos City.

Inimbestigahan ng Scene of the Crime Operations ng pulisya ang pinangyarihan ng pamamaril kay Warren Cahayag sa harap mismo ng kanyang sariling tindahan sa Gen. Santos City. RMN GENSAN

Ikinabahala ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang tangkang pagpaslang kay Warren Cahayag, isang tanggol-karapatan at dating paralegal ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM), na binaril ng dalawang hindi kilalang saspek na sakay ng motorsiklo sa Barangay Calumpang, Gen. Santos City nitong Hul. 29.

Kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon si Cahayag sa ospital matapos tamaan ng limang bala. Ayon sa UPLM, bahagi ng tuloy-tuloy na panunupil sa mga tanggol-karapatan sa Mindanao.

Nitong Hun. 23, pinaslang si Ali Macalintal, dating paralegal ng UPLM, habang nananatiling hindi pa nalulutas ang kaso ng pagpatay sa abogadong si Juan Macababbad noong 2021.

Inilalarawan ng grupo ang karahasan bilang sistematikong pananakot at pagpapatahimik sa mga tanggol-karapatan na nagdudulot ng “climate of impunity” o kawalan ng pananagutan sa mga krimeng ginawa sa rehiyon at maging sa buong bansa.

Nanawagan ang NUPL sa pamahalaan, partikular na kay Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III, tubong South Cotabato, na magtatag ng isang espesyal na task force upang pangunahan ang pag-iimbestiga mismo sa sunod-sunod na pagpaslang sa mga tanggol-karapatan sa Mindanao.

“Dapat hindi tumigil ang imbestigasyon sa pagkilala sa mga gunman. Kailangan siyasatin ang chain of command at potensiyal na pagkasangkot ng estado rito,” pahayag ng NUPL sa wikang Ingles.

“Ang kawalan ng sapat na proteksiyon at masusing pagtatanong sa mga kasong ito ay nagpapalalim lang ng kawalan ng pananagutan sa ilalim ng sunod-sunod na mga administrasyon. ” dagdag ng NUPL.

Hinihikayat din ng grupo ang publiko na ipanawagan ang pagtigil sa karahasan at ipaglaban ang tunay na hustisya para sa mga biktima.