Suring Balita

‘Basurang’ pamamahala sa tambakan sa Pilipinas

Ngayong 2026, may apat na trahedya sa malalaking sanitary landfill sa bansa na ang kumitil at nagpahirap sa buhay ng mga manggagawa at mga komunidad na nakapalibot dito. 

Ngayong 2026, may apat na trahedya sa malalaking sanitary landfill sa bansa na ang kumitil at nagpahirap sa buhay ng mga manggagawa at mga komunidad na nakapalibot dito. 

Sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, dapat may kapasidad at pasok sa mga pamantayan at kuwalipikasyon ang mga magpapatakbo ng isang sanitary landfill para hindi nakapipinsala sa kapaligiran.

Hindi lang basta tambakan ng basura ang landfill. Kailangang matiyak na maayos ang pagpoproseso sa mga materyales at kemikal na naiipon dito.

Hanapbuhay na rin para sa maraming mangangalakal ng basura ang mga landfill. Naghahanap sila ng materyales na puwedeng ibenta at nararapat silang maprotektahan. Ilan sila sa mga binigo ng gobyerno at ng mga kompanya.

Isang malinaw na halimbawa nito ang 40 ektaryang Navotas Sanitary Landfill na dating pinamahalaan ng PhilEco. Isinara ito noong Agosto 2025 matapos ang halos dalawang dekada, ngunit muling naging laman ng balita dahil sa malaking sunog nitong Abril.

Aerial view ng sunog sa Navotas Sanitary landfill. Jilson Tiu/Greenpeace 

Tumagal ng mahigit isang buwan at naglabas ng mabahong usok na malubhang nakaapekto sa mga lugar sa Kamaynilaan at lalawigan ng Bulacan. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, hindi natupad ang safe closure at rehabilitasyon ng landfill. 

Pagmamay-ari na ng San Miguel Aerocity Inc., subsidiary ng San Miguel Corporation, ang lupa ng landfill sa Navotas noon pang 2023. Pero ayon sa kanila, nanatili ang operasyon ng landfill sa kamay ng PhilEco.

Ayon kay Analiza Sarmiento, residente ng Obando, Bulacan na malapit sa Navotas landfill, nabahala sila nang mabalot ng maitim at mabahong usok ang kanilang barangay.

“Noong nagkaroon ng sunog, sumakit ang dibdib, masakit sa ilong, pero pinaka apektado ay yung dibdib. Halos lahat kami ay naapektuhan,” kuwento ni Analiza.

Tanaw ang Navotas Sanitary Landfill mula sa Obando, Bulacan. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

“Naisip din namin kasi ‘yong sa amoy pa lang, ‘di ba? ‘Pag basura, mabaho na. Tapos, e syempre, kung may tagos ‘yan, kung sakali man meron, ‘yong mga isda na nasa dagat, maapektuhan din. Diyan din kumukuha ng hanapbuhay ‘yong asawa ko,” dagdag niya.

Bukod sa sunog, malaking banta rin ang pagguho ng bundok ng basura sa mga landfill. Gaya ng lamang ng nangyari noong Peb. 20 sa Rizal Provincial Sanitary Landfill sa bayan ng Rodriguez na hawak ng Green Leap Solid Waste Management. Daan-daang mangangalakal ang naipit mula sa isang libong trabahador na naroon sa nang mangyari ang trahedya.

Nasa 19 ektarya ang landfill at tinatayang tumatanggap ito ng 30,000 tonelada ng basura araw?araw mula sa 18 lungsod at bayan, karamihan galing sa Kamaynilaan.

Bahagi ng gumuhong bundok ng basura sa Rodriguez, Rizal. Michael Beltran/Pinoy Weekly

May mga biktima pa rin na hindi mahanap sa search and rescue mission. Hindi rin agad pinapasok ang mga medical personnel sa landfill. Sabi ng ilang mga saksi, inutusan pa ang mga trak na tabunan pa ng basura ang lugar kung saan marami pa ang naipit.

Ayon sa mga manggagawa sa landfill, hindi inintindi ng manedsment ng landfill ang mga nadisgrasya at nagpatuloy na lang ng operasyon na para bang walang nangyari.

Hindi nalalayo rito ang sinapit ng ng Binaliw Sanitary Landfill sa Cebu City kung saan namatay ang 36 na manggagawa na nagtatrabaho matapos gumuho ang bundok ng basura.

Gumuhong budok ng basura sa Binaliw Sanitary Landfill sa Cebu City. Larawan mula sa GreenDev

Pagmamay-ari ng Prime Integrated Waste Solution ang nasabing landfill sa Cebu City na may refuse-derived fuel system. Subsidiary ito ng Prime Infrastructure Capital Inc. ni Enrique Razon, isa sa pinakamayamang negosyante sa bansa. 

Nitong Abril 10, nagkaroon ng pulong-balitaan ang mga residente at ang mga manggagawa kasama ang kaanak nila.

Ayon sa kanila, hinahayaang sumuong sa panganib na hindi angkop sa kanilang gawain ang mga waste worker na nagtatrabaho sa Binaliw. 

Sabi pa ni Howell Villacrusis ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (AMA Sugbo-KMU), maraming pamantayan sa occupational safety ang nababaliwala. Kulang ang personal protective equipment, tela lang na guwantes at uniporme ang suot nila habang nangagalakal sila.

Kamakailan lang, muli ito nasundan sa Davao City Sanitary Landfill na nananatiling lugmok sa matinding problema matapos ang nakamamatay na pagguho noong Mayo 20.

Bundok ng basura sa Davao City Sanitary Landfill. Larawan mula sa Davao City Information Office

Isang 31 anyos na lalaki ang nasawi, habang dalawang senior citizen ang naiulat na nawawala pa rin. Ilang residente sa paligid ng landfill ang pinalikas at pinagbawalang bumalik sa kanilang mga tahanan.

Para sa mga komunidad na nakapalibot sa lugar, ang trahedya’y hindi lang usapin ng isang aksidente, kundi ng pangambang tuluyan na silang mawalan ng tahanan at kabuhayan.

Ayon sa Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD), kinakailangang magkaroon ng panlabas na proteksyon ang mga landfill upang hindi ito mag-leak o makaapekto sa kapaligiran. Kinakailangan din ng proper drainage system na hindi deretso sa nakapalibot na lupa. 

“Kaming mangingisda, mag-isip ka, ‘yong katas noon saan napupunta? Samantala, naglagay sila ng liner na para ’wag makapit sa lupa,” sabi ni Ka Ador, ‘di niya tunay na pangalan, mangingisda sa Obando, Bulacan.

“Talagang sumusunod sila sa batas. Meron silang planta doon na liner na hanggang ngayon ay buhay pa. Kaya lang, ang tanong, sa tagal ng kanilang operation, hindi ba mapupunit?” tanong ni Ka Ador.

Batid ng IOHSAD na komplikado ang waste management, mayroong mga tambakan na lumalabag sa batas na hindi agad naipasasara. Bukod sa epekto sa kapaligiran, apektado rin ng hindi pagtalima sa wastong pamamahala sa mga landfill ang panganib sa kalusugan ng mga manggagawa at mga residente sa mga komunidad na malapit.

“Kahit na sabihin natin mayroong polisiya, kung kunwari may polisiya pero hindi na siya nasunod in the first place,” ayon sa grupo.

Facemask na ipinamamahagi sa mga residente ng Obando, Bulacan bilang proteksiyon sa makapal na usok. Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Para sa Greenpeace Philippines, sanhi ng patuloy na masamang epekto ng mga tambakan ng basura ang kapabayaan ng gobyerno. Hindi anila pinapansin ang mga babala mula sa mga grupong makakalikasan at mga residente.

“Kahit walang naitalang insidente mula sa landfill, ang mga nakatira malapit dito ay nakakaranas ng pinsala tulad ng pagdami ng insekto o peste, kontaminasyon ng tubig at lupa, at polusyong naglalagay sa kanilang buhay at kaligtasan sa panganib,” sabi ng grupo.

Layon ng IOHSAD, Greenpeace Philippines at mga residenteng nakatira malapit sa mga landfill na magkaroon ng mas mahigpit na proteksiyon at polisiya na mag-aalis sa panganib ang kanilang mga buhay.

Ang mga sakuna sa mga landfill ay bahagi ng mas malaking problema: ang basura at polusyon ay patuloy na sumisira sa sistema ng pagkain, nagpapalala ng pagbaha, nakakaapekto sa kalusugan ng publiko at nagtutulak sa mas malalang krisis.