Walang laya sa paggawa kung walang laya ang mga bakla
Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagratipika sa Violence and Harassment Convention. Malaking hakbang paabante ito, ngunit kailangan ng katapat na batas sa bansa para tunay ang pagkilala.
“Sa loob ng company, kilala nila akong lahat. Ang tawag nila sa akin ay ‘Mother.’”
May kumpiyansa pero mahinahon magkuwento si Andy Bernarte, machine operator sa Technol Eight Philippines Corporation, pagawaan ng spare parts ng mga sasakyan ng Toyota. “Kasi pumasok talaga ako doon na ito na ako. Hindi ko na kailangang baguhin ‘yong sarili ko,” sabi niya.
Walang kumpiyansa ang nahulog lang mula sa kawalan—lalo na para sa mga bading, para sa mga kailangan pang depensahan ang pagkatao nila. Ang kay Bernarte, bilang trans woman at manggagawa, pinanday ng sariling pagsusumikap at damayan ng mga kapwa obrero at unyonista.
Sa 11 taon ni Bernarte sa Technol Eight, may dalawang taon na sa ahensiya pa siya nakadugtong.
“Ang laki ng pagkakaiba kapag agency ka lang at regular ka na,” sabi ni Bernarte. Hindi nga niya maintindihan noon bakit walang masilungan na patakaran ang mga mula ahensiya.

Lahat ng kailangan nilang sundin noong hindi pa siya regular, puro pagbabawal. Bawal ang makeup. Bawal ang mahabang buhok na may kulay sa mga itinakdang lalaki sa papel. Lahat, taliwas sa kalayaan niyang maging siya.
Kaya nang matagumpay na maregularisa, sumali sa Technol Eight Philippines Workers Union (TEPWU-OLALIA-KMU) si Bernarte. Sa by-laws ng unyon, bawal ang diskriminasyon. Bawal ang panlalait at pangangantiyaw.
“Kaya malayang-malaya na ako simula noong maregular ako noong year 2017,” kuwento ni Bernarte. Sumali siya hindi lang para magawa lahat ng gusto niya, pero “para sa lahat na rin.”
Vice chairperson ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) sa Timog Katagalugan si Bernarte. Malaking tagumpay na ang magkaroon ng masiglang unyon, na ngayo’y doble pa dahil sa mas malawak na tipunan.
“Isa kami sa mga lokal [na unyon] na bumuo ulit sa samahan para every time may mga isyu ng kababaihan, sama-sama kami kikilos para sa trabaho at karapatan,” sabi niya. Bakas sa mukha ni Bernarte ang tuwa. Wala ngang madali sa pag-oorganisa, pero walang sayang.

Sa gabay ng regular na pag-aaral, kasama ng labor federation Organized Labor Associations in Line Industries and Agriculture (OLALIA-KMU) at ng grupong kababaihang Gabriela, at konsultasyon sa mga kasapi, tuloy-tuloy ang pagtulak nila ng mas makataong mga patakaran sa lugar ng paggawa. Kada bagong collective bargaining agreement (CBA), pinapanukala nila ang makaobrerong mga benepisyo.
“Actually next year, sa CBA namin, magkakaroon kami ng proposal ng women’s desk sa loob ng pagawaan,” sabi ni Bernarte. Kung sa mga barangay nga, mayroon, bakit hindi puwedeng tapatan ng pribadong sektor?
“So naisip namin ‘yong women’s desk para every time may concern ang kababaihan sa mga karapatan nila, malaya silang lumapit,” dagdag niya. Puno ng pag-asa si Bernarte. Aniya, marami pang magagandang inobasyon ang puwedeng pangunahan ng unyon.
Nagwagi, nagpatuloy
Lokal man o internasyonal, kaliwa’t kanan na ang pag-abante ng mga patakaran sa bisa ng kaisahan ng mga manggagawa, kababaihan at ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer (LGBTQ+).
Noong June 2019, nakabalangkas sa International Labour Organization (ILO) Convention No. 190 (C190) ang karapatan ng lahat sa lugar-paggawa na walang karahasan, kasama na ang karahasang batay sa kasarian o gender-based violence. Itinatampok itong bilang unang internasyonal na tratado na may komprehensibong lapit sa isyu ng workplace violence at harassment.
Pilipinas ang unang bansa sa Asya na pumirma at nangakong tatalima sa ILO C190. Malaking hakbang paabante ito, ngunit kailangan ng katapat na batas sa bansa para tunay ang pagkilala.
Kaya mula noong 2024, ikinakampanya na ng BPO Industry Employees Network (BIEN), bilang bahagi ng Women Workers United, kasama ang Makabayan bloc ang panukala na maging enabling law, ang House Bill (HB) 8606 o Safe World of Work Act.

Paliwanag ni Marky Magindara, organisador mula sa BIEN, ang pinanghahawakan lang sa ngayon ay mga polisiyang nariyan na tulad ng Anti-Discrimination Law at Safe Spaces Act. Kailangan ng batas na may pangil laban sa mga oportunistang kompanya.
“Nile-label ang sarili as ‘diverse workplaces’ pero on the ground, iba ang nangyayari. Hindi fully accepted ang mga bakla. Sa usapin pa lang ng sahod, ang baba na,” sabi ni Magindara sa Pinoy Weekly. “Ang hipokrito ng mga kompanya na nagsasabing pro-inclusivity sila pero discriminatory sa pasahod.”
Pinupuna rin ng LGBTQ+ ang mga kompanya at korporasyon na pakitang tao lang o gumagamit ng rainbow washing—sige sa paggamit ng bahaghari pero walang tunay na makataong puso.
Isa sa mga pinuna na hakbang para sa selebrasyon ng Pride Month sa Pilipinas ang pagtanggap sa Aboitiz Power bilang isa sa mga sponsor ng Love Laban 2026 na itinatampok bilang pinakamalaking pagdiriwang ng Pride sa Southeast Asia.
“Hindi lang ito basta sponsorship. Ito ay pagbibigay ng espasyo sa mga korporasyon na nagmamantini ng isang sistemang nagpapapayag sa private energy, mahal na kuryente, at pagpapalayas ng komunidad,” ni Rachelle Junsay, national coordinator ng Youth Advocates for Climate Action Philippines, sa isang Instagram post.
Nitong Mayo lang, kinailangan magkaroon ng environmental mission ang mga tanggol-katutubo at tanggol-kalikasan sa Zambales matapos ang sunod-sunod na banta sa mga Aeta na apektado ng pagtatayo ng Olongapo solar power plant project ng Aboitiz Renewables, subsidiary ng Aboitiz Power.
“Nakakagalit kasi makita kung paano ginagamit ng mga korporasyon ang Pride para i-rainbow wash ang mga sarili nila kahit ipinapahamak nila ang kalikasan at mga tao,” sabi ni Junsay.
Pride ay protesta

Sa mga tunay na sumusubaybay at nakikilahok sa Pride, malinaw na hindi lang ito selebrasyon ng identidad. Tulad nga ng sabi ni Bernarte, taon-taon nila pinaghuhusayan ang pagdepensa sa sarili, kapwa at paglaban sa pang-aapi sa LGBTQ+.
“Nasaksihan ko at danas na ang miyembro ng LGBT community at mga trans ay kadalasang nagagamit ng malalaking kompanya para ihikayat at sabihing ‘priority’ ang mga ito sa hiring,” sabi ni Kris Altar, trans woman na limang taon nang nagtatrabaho sa mga business process outsourcing (BPO) company.
Marami nang masasakit na salitang narinig si Altar laban sa kanya at pati kaibigan niya, habang nagtatrabaho. Pati ang paggamit nila ng CR ng mga babae, kinukuwestiyon. “Kung pumasok kami sa CR ng panlalaki, ano ang magiging reaksiyon nila?” sabi ni Altar.
Ngayon, masaya si Altar sa kasalukuyang kompanya. Kuwento niya, “Talagang nirerespeto nila ang identidad ko. Ginagamit nila ang aking mga pronouns sa mga opisina, letters at emails.”
Mas madali magtrabaho kapag ‘di kailangang magtago ng identidad. Kaya kasama si Altar sa mga nananawagan ng tunay na pagkakapantay-pantay sa lugar-paggawa at tunay na pagkilala sa lakas ng mga manggagawa.
Dahil kung pagkakamal ng kita pa rin naman ang tulak ng mga kompanya, “magiging overworked at underpaid pa rin ang mga [miyembro ng LGBT].”
Sa BIEN at BPO Employees Gays, Lesbians and Allies for Genuine Acceptance and Democracy (Be Glad) kung saan kasapi si Altar, bitbit rin ang panawagan sa pagpasa ng HB 5166 o Magna Carta for BPO Workers.
“Masisiguro nito ang seguridad sa trabaho, proteksiyon sa mga manggagawa at miyembro ng LGBT, at pagpapaigting ng Safe Spaces Act sa mga workplaces,” sabi ni Altar.
Pati ang SOGIESC Equality bill na higit dalawang dekada nang nababalahaw, kailangan na ipasa para maprotektahan ang identity ng bawat isa, hindi lang LGBTQ+.
Ganito ang matagal nang pangarap ni Bernarte, Altar at marami pang miyembro ng LGBTQ+: ang kalayaan maging sila sa lipunang tunay na mapagpalaya.
Sabi ni Altar, “Hindi man namin makamit ang tunay na pagkapantay-pantay ngayong buhay o ngayong lifetime na ito, sisiguraduhin namin na patuloy na may sisibol na sumunod na henerasyon.” /May ulat ni Marty Apuhin