Kuwentong Kabataan

Pagkatalo ni Marcos Jr. sa UN Security Council


Sinisisi ng Palasyo ang anilang “political noise” sa pagkatalo ng Pilipinas. Ang tinatawag nilang “political noise” ay mga panawagan para sa hustisya.

Alas-otso pa lang ng umaga, nasa harap na ng United Nations (UN) Headquarters sa New York City ang aming mga kasama upang magpamigay ng mga flyer. Nilalaman nito ang impormasyon tungkol sa pagtakbo ng Pilipinas sa UN Security Council (UNSC) at kung bakit hindi karapat-dapat na mahalal si Ferdinand Marcos Jr. dito. Siya ang mastermind ng maraming panlabag sa karapatang pantao, kasama na ang pagmasaker sa Toboso 19.

Ayon sa ulat ng Inquirer, sinisisi ng Palasyo ang anilang “political noise” sa pagkatalo ng Pilipinas. Ang tinatawag nilang “political noise” ay mga panawagan para sa hustisya.

Hustisya para sa mga naditenang Pilipinong migrante sa loob ng mga ICE detention facility. Hustisya para sa mga ginugutom na magbubukid at mangingisda dahil sa imperyalismong nagdudulot ng korapsyon, militarisasyon at krisis ekonomiya. Hustisya para sa mga pinaslang ng Armed Forces of the Philippines, kabilang na ang dalawang Pilipino-Amerikanong aktibista na sina Kai Sorem at Lyle Prijoles sa Toboso, Negros Occidental.

Nang makapanayam ng isang kasama ang delegado ng UN bago ang eleksiyon, sinabi nito na sigurado na siyang mapapanalunan ng Pilipinas ang puwesto sa UNSC laban sa Kyrgyzstan. Gumastos ang gobyerno ng tumataginting na P20 milyong sa kampanya nito para sa isang non-permanent seat. Lubos naming tinutulan ito dahil hindi lang ito pagwawaldas ng pera ng bayan, kundi dahil magdudulot din ito ng mas matindi pang represyon at pandarahas ng estado sa ngalan ng seguridad.

Kaya nang malaman namin na nakuha nga ng Kyrgyzstan ang dalawang-katlong boto ng iba’t ibang bansa sa UNSC, lubos na nagsaya ang mga kasama. Ito’y tagumpay na nakamit dahil sa walang tigil na pagdemanda ng kilusan na itaguyod ng international humanitarian law sa Pilipinas at paglalantad sa iba’t ibang UN Missions sa tunay na kalagayan ng bansa na hindi ipinapakita nina Marcos Jr. at Foreign Affairs Secretary Tess Lazaro, ang kinatawan ng bansa sa pagpupulong ng UN, sa international community.

Sa labas ng Konsulado ng Pilipinas sa Manhattan, nagdiwang kami bitbit ang paninindigan na hindi pasismo ang may huling halakhak. Ito’y tagumpay ng mga Pilipinong migrante, mga magbubukid at mangingisda, at pati na rin ng Toboso 19. Itinuloy namin ang kilos-protesta dala ang pag-asa na makakamit din ang hinihintay na hustisya. Unti-unti man ang pag-usad nito ay mapangyayari pa rin ang paglaya sa patuloy na pag-oorganisa at paghamig sa masa.

“El payaso se perdí la silla
Porque Marcos es un gran ladrón
Cantaré con mucha alegría
Con las Filipinas de revolución”

Sa aming programa, umawit ang isa naming kaalyansa sa Juventud Unida Por la Independencia, isang pambansa demokratikong kilusan ng mga taga-Puerto Rico, ng isang plenita. “‘Di napanalo ng payaso ang puwesto dahil si Marcos ay isang magnanakaw,” ika niya sa Espanyol, “Kaya’t ako’y aawit ng may ligaya kasama ang mga Pilipino ng rebolusyon.”

Patunay ang pagkatalo ni Marcos Jr. sa UNSC na nakikita ng buong mundo ang tunay na kulay ng kanyang administrasyon. Hindi niya kinakatawan ang interes ng mga Pilipino. Ang masang nag-iingay para sa hustisya’t kalayaan ay hindi kailanman mapapatahimik ng anumang dahas.