Aeta ng Tarlac, umalma sa pagpapalayas ng Air Force
Sama-samang nagmartsa patugong Colonel Ernesto Ravina Air Base sa Capas, Tarlac ang nasa 3,000 na Aeta at magsasaka noong Hulyo 14 laban sa pagkamkam ng Philippine Air Force sa kanilang lupang ninuno para gawing reservation camp.
Sama-samang nagmartsa patungong Colonel Ernesto Ravina Air Base sa Capas, Tarlac ang nasa 3,000 na Aeta at magsasaka noong Hulyo 14 laban sa pagkamkam ng Philippine Air Force (PAF) sa kanilang lupang ninuno para gawing reservation camp.
“Igalang at kilalanin ang karapatan ng mga katutubo sa lupang ninuno, [Republic Act] 8371, [ang Indigenous Peoples’ Rights Act],” panawagan nila sa 790th Air Base Group (ABG) at Air Installation and Base Development Command (AIBDC).
“Doon na po kami lumaki, doon na po lumaki ang aming mga lolo’t lola. Tapos papaalisin po kami, hindi na po pang karapatan ginagawa nila. Kaya po ipaglalaban namin lupang ninuno namin,” sabi ng isa sa mga katutubo.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Christina Basco, itinuturing na “danger zones” ang limang barangay dahil ginagamit ito ng Air Force para sa live-fire exercises. Dagdag pa rito, pinagbabawalan rin ng PAF ang pagpasok pati ang mga materyales sa pagpapatayo ng bahay.
Buwelta ng mga katutubo, nauna na sila bago pa ang Bases Conversion and Development Act of 1992. Dahil sa mabagal na proseso ng pagkuha ng Certificate of Ancestral Domain, hindi pa rin kinikilala ang pananatili nila sa lupain kung saan sila ipinanganak at lumaki.
Maliban sa pagbabase ng mga sundalo, kasabay rin nito ang pagdating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mag-inspeksiyon sa National Academy of Sports sa New Clark City, bahagi ng proyektong Sports Hub na itinayo rin sa lupang ninuno ng mga Aeta.
“Mga malalaking proyekto n’yo hindi namin hinahadlangan, bakit ang simpleng tahanan ng taumbayan [ang] inyong pinahihirapan,” sabi ng mga katutubo sa protesta.
Maliban sa pangangamkam ng PAF at pagtatayo ng Sports Hub, balak ding itayo sa lupang ninuno ng mga Aeta sa loob ng New Clark City ang economic security zone na Pax Silica ng United States na umaani ngayon ng pagtuligsa mula sa mga residente ng Tarlac at Pampanga at iba pang mamamayan.