NUSP: Siyam na taon na ng ‘di talaga libreng edukasyon
Bagaman tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga kabataan at estudyante ang nasabing batas, patuloy umanong binabarat ng estado ang kabataan sa pondo lalo na sa state universities and colleges.
Binigyan ng bagsak na grado ng mga kabataang mag-aaral ang ikasiyam na taon ng pagpapatupad ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education.
Sa pangunguna ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) nitong Ago. 4 sa University of the Philippines (UP) Diliman, nilista ng mga lider-estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan ang mga bayarin na pinapasan ng kabataan tulad ng nagmamahal na presyo ng pagkain, dormitoryo, laboratory fees, gastos sa out-of-school activities at marami pang iba.
“Para sa estudyante na ang pamilya ay umaasa sa free tuition, na ang mga magulang ay manggagawa o magsasaka na kakarampot ang kinikita araw-araw, mabigat na pasanin ang bawat pisong dagdag na bayarin para lang makapagpatuloy sa pag-aaral,” sabi ni Iya Trinidad, national president ng NUSP, sa isang pahayag.
Ilan sa mga tukoy na halimbawa nila ng dagdag na singil ang printing fee para sa exam at laboratory manual sa Pampanga State University, ang renta sa mga dormitoryo ng UP na umaabot ng P3,000 kada buwan at libo-libong singil para makagamit ang mga student organization ng pasilidad para sa pagtitipon.
Hindi rin daw karapat-dapat na ipagmalaki ng gobyerno ang makasaysayang pondo para sa edukasyon.
“Tapos na po ang pandemic at lahat-lahat samantalang ang Pamantasang Normal ng Pilipinas ay nanatili at hindi makausad sa online class dahil sa kakulangan ng pasilidad at pondo sa edukasyon,” sabi ni Adleann Biol, lider-estudyante mula sa Philippine Normal University.
Bagaman tagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga kabataan at estudyante ang nasabing batas, patuloy umanong binabarat ng estado ang kabataan sa pondo lalo na sa state universities and colleges.
Naging usapin rin ang opt-out mechanism sa batas na nagagamit ng ilang SUC upang makapaningil ng matrikula tulad sa Tarlac State University.
Patuloy namang pinag-aaralan ng Kabataan Partylist ang pagrepaso sa batas para tunay na maglingkod sa interes ng mga kabataan sa pagkakamit ng totoong libre, aksesible at makamasang edukasyon.