Utang ng Pilipinas, lagpas P19T na
Mas mataas ito ng higit 10% mula sa nakaraang taon at lagpas na sa inasahan ng gobyerno na malilikom na utang na P19.06 trilyon sa pagtatapos ng 2026.
Lumobo na sa P19.07 trilyon ang utang ng gobyerno ng Pilipinas nitong Hunyo, ayon sa Bureau of the Treasury. Mas mataas ito ng higit 10% mula sa nakaraang taon at lagpas na sa inasahan ng gobyerno na malilikom na utang na P19.06 trilyon sa pagtatapos ng 2026.
Ayon sa administrasyon, mahalagang may mapagkukunan ng pondo para sa mga serbisyo publiko at proyektong pang-imprastruktura. Kailangan rin daw na tingnan ito sa konteksto ng paglago ng ekonomiya.
Ngunit nasa 2.6% lang ang inilago ng ekonomiya, mas mababa sa target ng gobyerno na 3.5% hanggang 4.5% para sa 2026. Ibinaba na ito mula sa orihinal na target na 5% hanggang 6%.
“Hindi sana lalaki nang ganito ang utang kung hindi dahil sa gahiganteng mga tax cut para sa mayayamang pamilya at malalaking korporasyon sa bisa ng mga batas na Train, Create at Create More,” sabi ni Sonny Africa ng Ibon Foundation, na matagal nang nananawagan sa pagbubuwis ng mga bilyonaryo.
Mas malaki ang pondo ng gobyerno na napupunta sa sa debt servicing o pagbabayad ng utang na nasa P1.15 trilyon mula Enero hanggang Mayo, kumpara sa pondo na P458 bilyon para sa sektor ng kalusugan sa buong taon, puna ni Dr. Tony Leachon, isa sa mga advocate ng reporma sa sektor.