Bakit magtitiis sa dilim at uhaw ang kabataan para sa Pax Silica?
Bukod sa kuryente, tubig at lupa, binigyang-diin din ng mga kritiko ang heopolitikal na panganib ng proyekto.
“Inilaan ang humigit-kumulang 1,600 ektarya sa New Clark City para sa semiconductor manufacturing, data centers at artificial intelligence (AI) sa ilalim ng US-led Pax Silica Initiative,” ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa unang tingin, tila magandang pangarap ito para sa kabataang lumaki sa internet. Sino ba sa aming henerasyon ang ayaw sa modernisasyon? Nakikita ng marami sa aming mga kaibigang kumukuha ng mga kursong information technology at computer science ang pag-asa na baka sa hinaharap, hindi na natin kailangang umalis pa sa bansa para magkaroon ng disenteng sahod at trabaho.
Ngunit mula sa malalaking pangakong ito ng mga gobyerno Pilipinas at United States (US), sumusulpot ang mas malalim na tanong: Katha ba ng tunay na kaunlaran ang Pax Silica, o isa lang itong bagong banta sa ating likas-yaman at soberanya?
Araw-araw, nakalagay ang aking charger sa mesa at puno ang mga timba’t planggana sa aming palikuran. Sa nararanasang matinding ulan at banta ng kawalan ng supply ng kuryente at tubig, naging bahagi na ito ng aking routine bilang estudyante upang hindi ma-low batt o mawalan ng magagamit sa bahay.
Ngunit ang simpleng pangangailangang ito ng karaniwang mamamayan ay mistulang malalagay sa alanganin kapag natuloy na ang Pax Silica.
Batay sa ulat ng mga siyentipiko at ng Philippine Daily Inquirer, kakailanganin ng Pax Silica Economic Security Zone ng humigit-kumulang 1.5 hanggang 3 gigawatts (GW) ng kuryente kapag fully operational na ito—katumbas ng 15% hanggang 20% ng kabuuang suplay ng kuryente sa buong Luzon grid. Kakain din ito ng 80 hanggang 130 milyong litro ng tubig kada araw, na kasingdami ng pang-araw-araw na konsumo ng hanggang 600,000 na pamilya.
Hindi masamang mangarap ang kabataan ng isang modernong Pilipinas. Gusto nating sumabay sa teknolohiya ng mundo. Ngunit ang tunay na kaunlaran ay hindi dapat kapalit ng ating likas-yaman, ng kabuhayan ng ating mga magsasaka at ng seguridad ng mamamayan.
Minsan, habang nagce-cellphone ako sa aking kuwarto sa gabi at bigla na lang nawalan ng power supply ang aming barangay, hindi ko maiwasang mapaisip: Kung ngayon pa lang ay pinoproblema na natin ang brownout at kawalan ng tubig, magtitiis ba ang mamamayan at mga estudyante na magsindi ng kandila sa dilim habang nag-e-enjoy ang malalaking dayuhang kompanya sa ating enerhiya?
Mariing binatikos ng grupo ng mga siyentipiko na Agham-Advocates of Science and Technology for the People ang kawalan ng malalim na pagsusuri sa social at environmental impact ng proyekto. Ayon sa kanila, apektado ang mga sakahan sa barangay ng O’Donnell at Santa Lucia sa Capas, Tarlac dahil sa paglaki ng lupaing kailangan para sa pasilidad at kaugnay nitong mga solar farm at reservoir.
“Hindi naman masamang umunlad, pero paano naman kaming mga nabubuhay sa lupa?” tanong ng isang magsasaka sa Tarlac sa isang panayam.
Nakalulungkot na sa ngalan ng itinutulak na “modernisasyon,” ang mismong mga pamilyang nagpapakain sa atin at ang mga katutubong Aeta ang puwedeng mawalan ng sariling lupang sakahan at lupang ninuno.
Bukod sa kuryente, tubig at lupa, binigyang-diin din ng mga kritiko ang heopolitikal na panganib ng proyekto. Ang Pax Silica ay panukala ng US upang makipagkarera sa Tsina sa usapin ng teknolohiya at semiconductor supply chain.
Sa pagpapapasok ng pamahalaang Marcos Jr. sa proyektong ito, tila iginapos ang Pilipinas sa tinatawag na “Tech Cold War”. Hindi dapat lumaki ang kabataan sa isang bayang ginagawang direktang target ng sabotahe, cyberattacks o away ng dalawang superpower dahil lang ginamit ang ating lupa bilang pasilidad ng dayuhan.
Isa sa mahahalagang punto ng talakayan ay ang pagkakaiba ng paghahabol sa modernisasyon at ng pagpoprotekta sa pambansang interes.
Hindi masamang mangarap ang kabataan ng isang modernong Pilipinas. Gusto nating sumabay sa teknolohiya ng mundo. Ngunit ang tunay na kaunlaran ay hindi dapat kapalit ng ating likas-yaman, ng kabuhayan ng ating mga magsasaka at ng seguridad ng mamamayan.
Kami ang magmamana ng mga desisyong ginagawa ng pamahalaan ngayon. Sa gitna ng itinutulak na Pax Silica, isang bagay ang malinaw sa datos at sa boses ng komunidad: Ang pambansang kaunlaran ay hindi usapin ng simpleng pagpapasok ng dayuhang pasilidad, ito’y usapin ng likas-yaman, kabuhayan at pambansang soberanya.
Bago ipahawak sa bansa ang matalim na kutsilyo ng Pax Silica, dapat tiyakin ng mga namumuno na hindi ang leeg ng aming henerasyon at ng karaniwang mamamayan ang tatamaan nito sa hinaharap.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.