Ilusyong hatid ng natatanging lamyos
Kailan ba humihinto ang pagnanasa at kailan dapat tumigil ang pag-aasam ng pagmamahal?
Kung ang lumbay ay nagluluwal ng pangungulila at ang kaguluhan, sa loob man ng sarili at sa mga espasyong ginagalawan, ay nanganganak ng walang katapusang agam-agam, ang natatanging lamyos na lang ang tanging tiyak sa mga pagkakataong ito.
Unti-unting nagiging malinaw ang hungkag na pagmamahal at inilalantad ang kasakimang hatid ng imperyalistang puwersa. Ginagamit ng puwersang ito ang ating aspirasyon at pangangarap upang bilugin ang ating kamalayan sa isang kaisipang maghahatid sa atin sa kapahamakan.
Ito marahil ang mahusay na binaybay ng pelikulang “Status: Rejected” ni Vahn Leinard Pascual, bahagi ng 2026 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Ngunit bago ang kanyang paggawa ng feature-length na pelikula, naging bahagi na rin ng Cinemalaya ang kanyang maikling pelikulang “Mary Go Round, Mary Go Round” (2023) sa ilalim ng Next Gen, special non-competition program ng festival.
Makikita rin sa kanyang filmograpiya ang pagtalakay sa kasarian. Inilalagay niya ang mga karakter sa mga pagkakataong sumusubok sa kanilang pag-iral at binibigyang-diin ang kanilang kakayahang alpasan ang mga bagay na dudurog sa pangarap nilang payapa at mapagkalingang lipunan.
Nariyan halimbawa, ang “Sina Alexa, Xander, at ang Universe” (2020). Nagbibigay ito ng depiksiyon sa paglalantad ng baklang karakter na si Alexander at ng kanyang agam-agam na hindi matanggap ng kanyang ina, ngunit sa huli, nang mabisto ang kaniyang pagtatanghal bilang beauty queen sa loob ng kanyang kuwarto, tanging pag-unawa ng ina ang sasalubong sa kaniya.
Kapansin-pansin din ang paglalaro ni Pascual sa porma at anyo ng paglalahad ng kaniyang naratibo, mula sa kaniyang maikling pelikulang “Mundong Walang Katiyakan” (2021), “Alingasngas ng mga Kuliglig” (2022), hanggang sa kanyang panibagong pelikulang “Status: Rejected” na siyang gumagalugad sa 69 taong gulang na si Biring sa kanyang kagustuhang makapunta sa Amerika upang muling makapiling ang panganay na anak.
Ngunit sa proseso nito makikilala niya si Steve, isang sundalong Amerikanong retirado, sa digital na mundo na magsisilbing tulak sa kanyang pag-aasam at pupunan ang kanyang pangungulila sa lamyos.
Mainam na sipatin kung paano umiiral ang karakter na si Biring na mahusay na ginampanan ni Ruby Ruiz na siyang nagbigay sa kanya ng Best Actress Award. Sa pagdaloy ng pelikula, lantad na lantad kung paanong ang pagsuway ni Biring sa lahat ng sinasabi ng kanyang anak ang nagsisilbing puwersa nito upang bigyang-diin ang kaniyang kayayahang sa sariling pagpapasiya.
Ang pagiging matigas ng ulo ang dahilan kung bakit mayroong distansiya at lamat ang relasyon ng kanyang pamilya, na sa kanya isinisisi ni Anna, ginampanan ni Alessandra de Rossi, ang mga pangyayaring alam niyang hindi pa maaayos sa kasalukuyang dinamiko ng kanilang pamilya.
Sa rebelyong ito, nagiging matingkad ang karakter ni Biring bilang matandang babaeng ginagalugad ang muling pakiramdam ng pagmamahal na yumayakap sa kanyang pagkatao lagpas sa kaniyang edad. Sa mga pagkakataong ito, lumalabas ang tanong: Kailan ba humihinto ang pagnanasa at kailan dapat tumigil ang pag-aasam ng pagmamahal?
Higit itong lumalabas lalo na kung ang espasyong ginagalawan ang siyang nagbibigay ng mga dahilan upang hanapin natin ito sa iba. Ngunit sa paghahanap na ito, hindi lang ang inaasam na pag-ibig ang nananahan, unti-unti rin nitong binibigyang imahen ang trahedyang kaakibat ng pagsuong sa isang espasyong ‘di pamilyar sa kamalayan ni Biring.
Sa pagpasok nito sa digital na espasyo, mas nabigyang-diin ang pag-iral ni Biring bilang isang karakter. Habang binabaybay niya ang digital na espasyo at ang kanyang relasyon sa isang retiradong Amerikanong sundalo, unti-unti ring lumilitaw ang pagpasok at pakikipagtunggalian ng naratibo sa imperyalistang puwersang Amerika.
Ipinakikita rin kung paano nito hinuhubog ang kamalayan mula sa mga salita nitong hinahagod ang ating kaisipan tungo sa bitag ng hungkag na pagmamahal (para sa kaso ni Biring) at walang katotoohanang pagmamalasakit (mula kay Biring tungo sa mundong ginagalawan nito).
Kung iisipin, maaari ngang hindi naman ganap na biktikma si Biring dahil nga simula’t sapul ay hawak niya ang ahensiya sa sariling pagpapasiya. Kahit malinaw na para kay Biring ang huwad na mga pangako ni Steve at ang kanyang pag-aasam ng pagmamahal ay ginagamit na lang nito upang mapasunod siya, nananaig pa rin sa kanya ang pag-intindi.
Ang pag-unawa na bunga ng masalimuot na sitwasyon sa kanyang pamilya, na mas pipiliin pa nitong harapin ang walang-katiyakan sa kaniyang nakilalang Amerikanong sundalo kaysa bigyang-linaw ang lugmok na lugmok nang relasyon sa pamilya, higit lalo kay Anna.
Sa kabilang banda, tila alegorikal din ang pagtutunggali at pagbaybay na ito ni Biring. Nagiging depiksiyon ng pamamaraan ng pagromansa ng Estados Unidos sa bansang Pilipinas. Ang love scam, ang digital na espasyong malimit na tipunan ng trahedyang naglulugmok sa atin, ang naging moda ng relasyong namumutawi sa Estados Unidos at Pilipinas, at makikita na ang tanging may benepisyo lang sa relasyong ito ay ang imperyalistang puwersang Estados Unidos.
Si Biring, Si Anna, si Tessie, na kapwa mga babaeng binabaybay ang isang lipunang walang-katiyakan at salat sa oportunidad, maging sa pagkalinga ang siyang nagiging pinto ng mga katulad ni Steve upang samantalahin ang kahinaan, ang matinding pag-aasam, para paiukitin sa mga bagay na siya lang ang makikinabang.
Habang papalapit ang pagtatapos ng pelikula, makikitang masalimuot ang naging muling pagdadalaga ni Biring. Kinakasangkapan na ang kanyang pangarap, ang kanyang pag-aasam, habang hindi tiyak kung matatahi pa ba ang mga sugat ng relasyon na mayroon siya sa kaniyang pamilya, higit lalo kay Anna. Ang mga pagkakataon kung saan susubukang ayusin at punan ang mga puwang sa kanilang sirang relasyon ang siya pa ngang nagdudulot ng iba pang sugat.
Tila hindi rin hinahayaan ng pelikula na komprontahin ang mga problemang ito, marahil ay upang lumayo sa nananahang depiksyong spektakulo ng pamilyang Pilipino sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. At marahil, ito na lang ang tiyak na sagot: ang pangangapa ng paki sa katahimikan, ang pagtanggap sa mga pasibo-agresibong pagpapaalala bilang pagmamalasakit na sa hinagap, ay mayroon pa ring natitirang lamyos sa kabila ng distansiya.
Kapansin-pansin din ang mahusay na paghagod at pagbingwit ng sinematograpiya at paghahabi ng pelikula na siyang nagpapataas ng tensiyon at pagbibigay imahen sa mga detalyeng binibigyang buhay ang naratibo, maging ang mga imaheng nagtutulak upang maipakita ang lambot at lungkot ng karakter na si Biring. Ang pagod at yamot ng pagdanas ni Anna bilang tumatayong kinatawan ng bahay at bumubuhay sa kaniyang pamilya. Higit lalo, ang lugmok at hinagpis ng isang espasyong may kinikimkim at nagsisilbing kanlungan sa lahat ng pag-aasam at pagnanasa.
Sa kabuuan ng lahat ng ito, sa pagliit ng mundo ni Biring, isa lang ang naging tiyak: kapag ang mismong pangarap natin ay kinasangkapan na rin ng mismong imperyalistang puwersa (mula kay Steve at ng mismong Estados Unidos na buhay na buhay sa pagdaloy ng pelikula), ang matitira na lang sa atin ay ang mga ilusyon kapalit ng lamyos, higit lalo ang paggising ng ating kamalayang kahit kailanman hindi magkakaroon ng paki at hindi magiging tao ang mga kagaya ni Steve, na sana’y mahigpit na pinanghawakan ng pelikula.