Pop Off, Teh!

Basa-basa rin


Tapos na ang Buwan ng Wika, na siya ring Buwan ng Kababaihan sa Pagsasalin. Kaya bago ko pa okrayin ang mga Ingles nang Ingles, magrerekomenda na lang ako ng ilang libro.

Aaminin ko, pet peeve ko ang mga batang Ingles nang Ingles kahit kausap ang mga magulang nila. Hindi naman sa hinuhusgahan ko ang pagpapalaki sa kanila—ano naman ang pakialam ko roon, ‘di ba?

Ngunit may sinasabi rin ito sa kung paano natin pinahahalagahan ang wikang Filipino. Sino nga ba ang nagtuturo sa kanila—si Peppa Pig o si Cocomelon?

May napanood akong make-up vlogger na, dahil Buwan ng Wika, sinubukang mag-Tagalog kasama ang asawa niya habang nagme-make up. Tagalog with accent, sabi nila.

Nang mahirapan silang ipaliwanag sa Filipino ang ilang termino at bumaliko na ang kanilang mga dila, tawa na lang sila nang tawa. Hindi ko tuloy mawari kung ang tinatawanan nila ay ang sarili nila o ang wika. Ano nga ba ang katawa-tawa sa pagsasalita ng Filipino?

Tapos na ang Buwan ng Wika, na siya ring Buwan ng Kababaihan sa Pagsasalin. Kaya bago ko pa okrayin ang mga Ingles nang Ingles, magrerekomenda na lang ako ng ilang libro.

Hindi naman masamang magbasa sa Ingles—ako mismo, nagbabasa nito. Ngunit marami ring akdang naisalin, nasa Filipino o bilingguwal na likha at salin ng kababaihan. Narito ang ilang sulit basahin.

“Slant of Light/Hilig ng Liwanag” ni Emily Dickinson, salin ni Faye Cura. Isa sa pinakamahuhusay na makata sa Ingles, bumalikwas si Dickinson sa mga inaasahan sa kababaihan noong kanyang panahon. Mahirap isalin ang kanyang masasalimuot na tula, ngunit mahusay itong naitawid ni Cura. Basahin ninyo kapag naghahanap ng liwanag sa gitna ng sala-salabat nating mundo.

“Little Women/Mga Munting Babae” ni Louisa May Alcott, salin nina Rowena Festin at Pia Perez. Kung minahal ninyo ang magkakapatid na March, para sa inyo ito. Malayo man ang kanilang konteksto sa Pilipinas, maaari tayong makiisa sa kanilang mga pangarap, tunggalian, pag-ibig at paghahanap ng sariling lugar sa mundo.

“Ang Sariling Silid/A Room of One’s Own” ni Virginia Woolf, salin ni Pauline Hernando. Dinala niya sa Filipino ang paglilimi ni Woolf sa panulat, kababaihan at mga materyal na kondisyong kailangan ng isang babae upang makapagsulat—isang mahalagang teksto sa feministang panitikan.

“Rainbow Chronicles and Other Poems” ni Merlita Lorena Tariman. Nasa Ingles at Filipino ang mga tulang tungkol sa kasaysayan, pakikibaka at buhay ng kababaihan, na nakaugat din sa Bikol. May mga salin din dito mula sa mga makatang babae at iba pang makata.

“Nanay Magsasaka” ni Marites Nicart. Tungkol ito sa pakikibaka ng kababaihang magsasaka sa Lupang Ramos. Paalala itong hindi lang sa silid-aralan o mga kinikilalang klasiko nabubuhay ang wika. Naroon din ito sa bukid, pagkilos at paglaban.

“Pansamantalang Mundo”, sinulat ng mga kababaihang bilanggong politikal at inilathala ng Paper Trail Projects. Narito ang kanilang araw-araw na buhay, mga pangarap at pakikibaka tungo sa paglaya.

Sapat na muna ang mga librong iyan para higit nating pahalagahan ang pagbasa, pagsulat, pagsasalin at pagsasalita sa Filipino.

Huwag katakutan ang mga salitang hindi pamilyar o pagtawanan ang sariling dila kapag nahihirapan itong bigkasin ang mga ito. Natututuhan ang wika sa paggamit nito. Kaya magbasa nang magbasa upang mamulat at lumaya. Sa gitna ng pagbubura sa kasaysayan at katotohanan, ang pagbasa, pagsasalin at paglikha ay mga paraan din ng pag-alala.