Kuwentong Kabataan

Tagu-taguan


Kilala ko ang aking magulang, pero hindi nila ako kilala.

Mula sa aking pagkabata, mahilig na ‘kong maglaro ng tagu-taguan. Madali para sa aking maliit na katawan magtago sa mga sikot o sa iyong mismong harapan. At kahit tapos na ang oras ng paglalaro, nakatago pa rin ako.

Ngunit sa aking buhay, kailan mauubos ang oras ng aking pagtatago? Matagal na akong hindi kilala ng aking magulang. Bilang parte ng isang tradisyonal na Katoliko at makakanang pamilya, matagal ko nang tinanggap na hindi ako matatanggap. Bagama’t kada linggo akong umuuwi sa kanilang bahay, ibang anak ang humaharap sa kanila. Kaya’t sa aking takot natutuhan kong magtago.

Takot ako na makita nila. Makita nila ang isang babae na nagnanais rin ng isang babae at gawin itong natatanging rason kung bakit tinalikuran ko ang matatag na buhay na maaga kong binuo, isang buhay kasama ang lalakeng taos-pusong nagmamahal sa akin at makapagbibigay ng buhay na pinapanggarap ng iba.

Takot ako na marining nila. Marining nila ang aking boses na lumalaban sa mga taong kinampanya nila at lumalaban para sa masang unti-unti nilang tinatalikuran. Takot ako marining dahil alam kong hindi ito pakikinggan.

Takot ako na hawakan nila. Hawakan nila ang aking kamay na ilang oras bago humarap ay muntikan nang lumamig. Ang kamay na lumaking makalyo dulot ng hindi natitiis na galit na linalabas nila gamit ang sandok at sinturon.

Takot at na maamoy nila. Maamoy nila ang usok ng Maynila mula sa sandamakmak na trabahong sinimulan ko sa edad na 14 upang bayaran ang therapy.

Buong buhay kong inakala na pagpatak ng 18 anyos ay aalis na ’ko sa aming bahay. Ngunit, paunti-unti kong inayos ang aming relasyon kaya’t ngayon, takot ako na isang maling hinga ay mawawala agad ang lahat aming binuo. Kilala ko ang aking magulang, pero hindi nila ako kilala. Hindi naman siguro malaking sakripisyo ang magpanggap?

Pagbukas ko ng pintuan, isang perpektong anak ang humaharap. Isang ngiti at mano habang pinag-uusapan ang bugbugang akademya na mula kinder ay pinagmumukha kong “mani-mani lang.”

Konseho, pag-ulat, agham, sining, pati pageant ay sinasalihan ko noon. Hindi na bago ang manalo para sa akin noong mga panahon na iyon pero talo sa pagkilala mula sa magulang ko. Nasanay akong itapon ang mga medalya bago umuwi dahil hindi ako handang harapin ang walang kibong reaksiyon.

Noong elementary, isang linggo kong iniyakan ang “with honors” ko dahil hindi ako napabilang sa Top 5. Nang imbitahan ko ang aking ama sa graduation ang sabi niya lang, “Tingnan natin.” Hindi ako nagising noong araw na iyon. 

Bagama’t mapanakit, naniniwala ako na mahusay silang magulang. Hindi ako magtatago kung naniniwala akong pabaya sila. Sinubukan nila akong palakihin sa kanilang kaalaman at kakayahan.

Kaya ngayon, sa kanilang mata, ang lakas at indepensiya na ito ang rason kung bakit pinili ko mag-isa. Ang kanilang naririnig ay isang bata na kayang sumakay sa sistema at napanghahawan nila ang aking lakas ipagtanggol ang aking sarili kaya’t mahimbing silang natutulog.

Hindi man ito malaking problema ngunit, minsan kinakain ako ng lungkot na hindi ko mapakilala ang aking sarili sa mismo kong magulang dahil ayaw kong mawala sa kanilang buhay.

Baklang aktibista na may sakit sa utak. Ito ang tatak na ibibigay sa akin kung ako man ay magpapakita. Isang tatak na pinagmamalaki ko sa kalsada na itinuturing kababuyan sa bahay. Mga salitang madali nilang bitawan sa pang araw-araw at gagamitin sa aking pagtakwil.

Tapos na magbilang ang aking kalaro ngunit nagtatago pa rin ako. Paano matatapos ang laro na ito kung ang bawat wakas ay kawasakan ko? Sa paglabas ng istorya na ito, isang taon na akong aktibista. Kilala na ‘ko ng buong mundo, dahil mas madali magpakita sa publiko kaysa harapin ang pamilya ko.