Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Padaluyin ang biyaya ng tubig at buhay

Sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Sangnilikha, matuto tayong makita ang mga biyayang madalas nating hindi napapansin.

Kapistahan ng Sangnilikha – Karunungan 13:1-9 | Salmo 19 | Colosas 1:15–20| Mateo 6:24–34 

Aaminin ko: gumagamit ako ng AI. Kadalasan, ginagamit ko ito para sa grammar, paglilinaw ng ideya o paghahanap ng ibang paraan upang maipahayag ang gusto kong sabihin.

Kaya hindi rin ako komportableng basta na lang tawaging masama ang isang teknolohiyang ginagamit ko rin. May mga pagkakataong malaking tulong ito, lalo na kapag kailangan kong ayusin ang isang ideyang hindi ko pa maipahayag nang malinaw.

Pero may mga pagkakataong napapaisip ako habang nag-i-scroll sa feed ko. Nakakakita ako ng mga AI-generated na sulat, pero mas kapansin-pansin ang dami ng mga AI-generated na poster.

Aminin natin, napadali ng AI ang buhay natin. Sa ilang segundo lang, maaari nang makabuo ng content. Isang prompt, kaunting refinement, pindot rito, pindot doon, at voila! May poster ka na. Madali, mabilis at convenient. Ngunit sa likod ng convenience na ito, may mga bagay na hindi natin agad nakikita.

Sa likod ng isang AI-generated image ay mga computer at data center na kailangang patakbuhin at palamigin. Nangangailangan ang mga ito ng enerhiya at, sa ilang bahagi ng AI infrastructure, tubig.

Kaya habang tinitingnan ko ang isang magandang larawang nabuo sa screen, naiisip ko rin ang tubig na hindi ko nakikita. Hindi dahil hindi natin nakikita ay wala na ito. Maraming resources ang ginagamit upang maging simple at mabilis ang mga bagay na tinatanggap natin bilang bahagi ng pang-araw-araw na buhay.

Ngayong taon, sa ating pagdiriwang ng Season of Creation, naririnig natin ang temang “Tubig ng Buhay, Daluyan ng Biyaya”, mula sa “Immersion in Living Water”. Madaling isipin ang tubig bilang simbolo ng biyaya ng Diyos. Ngunit kung tunay na biyaya ang tubig, paano natin ito ginagamit? Paano natin ito pinahahalagahan? At paano natin iniiwasang masayang ang biyayang ipinagkaloob sa atin?

Kapag binuksan natin ang gripo, hindi natin nakikita ang watershed na pinagmumulan ng tubig. Kapag nag-charge tayo ng cellphone, hindi natin agad naiisip ang enerhiya at mga materyales na kinakailangan upang gumana ito. At kapag nag-generate tayo ng larawan gamit ang AI, hindi rin natin nakikita ang mga pisikal na resources na nasa likod ng ilang segundong paghihintay.

Dito nagiging mahalaga ang pagiging mapanuri sa ating paggamit ng teknolohiya, lalo na kapag ginagamit natin ito para sa mensahe ng pangangalaga sa sangnilikha. Maaari tayong gumawa ng magandang poster tungkol sa kalikasan gamit ang teknolohiyang may sarili ring ecological footprint.

Hindi ibig sabihin nito na mali agad ang paggamit ng AI. May mga pagkakataong tunay itong nakatutulong. Ngunit maaari rin nating itanong kung kailangan ba talaga nitong palitan ang gawa ng isang artist, designer, writer o photographer.

Sa paggawa ng tao, may oras at kasanayang inilaan. May mga pagkakamali, pagtatangka at pagkamalikhain na nabubuo mula sa karanasan. Kapag ang lahat ay kailangang maging mas mabilis at mas madali, baka may mga bagay tayong nakakalimutang pahalagahan.

Sa Laudato Si’ at Laudate Deum, ipinaalala ng yumaong Papa Francisco na ang pangangalaga sa ating iisang tahanan ay umaabot sa paraan ng ating pamumuhay at sa ating mga pang-araw-araw na gawi. Madaling magsalita tungkol sa pangangalaga sa kalikasan. Mas mahirap kapag ang paanyayang iyon ay umabot sa paraan ng paggamit natin ng teknolohiya.

Sa Linggong ito, sa Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan, naririnig natin na ang kagandahan ng mga nilikha ay maaaring maghatid sa tao sa pagkilala sa Maylikha. Sabi rin ng Salmista, “Ipinahahayag ng kalangitan ang kaluwalhatian ng Diyos.” Sa Ebanghelyo, itinuro ni Jesus ang mga ibon sa himpapawid at mga bulaklak sa parang upang ipakita ang pagkalinga ng Ama. Ang sangnilikha ay maaaring maging guro natin, ngunit tayo ba ay handang makinig?

Kasunod nito ang babala ni Jesus, “Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa salapi.” Kapag ang buhay ay nakasentro sa pagkakaroon ng higit, paggawa nang mas mabilis at pagkonsumo nang mas marami, madaling maging simpleng resources na lang ang mga nilikha sa ating paningin. Maging ang tubig, na dapat sana nating tanggapin bilang biyaya, ay maaaring maging invisible resource na ginagamit natin nang hindi na iniisip kung saan ito nanggaling at ano ang halaga nito.

Sabi ni San Pablo, “Sa kanya nilikha ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa.” Ang lahat ay nilikha sa pamamagitan ni Kristo at para kay Kristo. Kung gayon, ang mundo ay hindi lang para sa atin. Hindi rin ito ginawa para sa ating convenience. Kasama rito ang tubig, ang enerhiyang nagpapatakbo sa ating teknolohiya, ang mga materyales na ginagamit natin at ang paggawa ng mga taong maaaring basta na lang nating palitan.

Hindi naman kailangang itapon natin ang ating gadgets o gawing kaaway ang AI. Marahil, ang unang hakbang ay mas simple: matuto tayong tumigil at magtanong.

Kailangan ko ba talaga itong gamitin o ginagamit ko lang ito dahil convenient? May bagay ba akong maaaring gawin sa sarili kong kakayahan? May taong ang gawa ay maaari kong pahalagahan sa halip na palitan? May resource bang hindi ko nakikita ngunit ginagamit ko?

Nawa’y sa ating pagdiriwang ng Kapistahan ng Sangnilikha, matuto tayong makita ang mga biyayang madalas nating hindi napapansin. Nawa’y maging mas maingat tayo sa ating paggamit ng tubig, enerhiya, teknolohiya, at maging sa talento at paggawa ng kapwa. At nawa’y magpakalunod tayo sa ganda ng sangnilikha, sa agos ng buhay at biyaya, upang tayo rin ay maging mga daluyan ng biyaya para sa mundong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.