6 na aktibista sa Cagayan Valley, inakusahan ng ‘terrorism financing’
“Ang marahas at labis na pampulitikang pag-uusig na ito ay sinasabing naglalayong patahimikin ang panawagan ng masa na makalaya mula sa bulok na sistema,” sabi ng Karapatan Cagayan Valley.
Naghain ng counter-affidavit ang tatlo sa anim na aktibistang pinagbibintangan ng paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 sa Office of the Provincial Prosecutor sa Tuguegarao City, Cagayan para kuwestiyunin ang mga alegasyon sa kanila.
Nagsumite ng kani-kanilang kontra-salaysay nitong Set. 2 sina Renato Gameng ng Danggayan Dagiti Mannalon iti Isabela, dating Kabataan Partylist-Cagayan Valley regional coordinator Jhames Paredes, at National Council of Churches in the Philippines program officer at Taripnong Cagayan Valley secretariat member Anne Pascual sa tulong ng National Union of Peoples’ Lawyers.
Kasama rin sa mga inaakusahan ng sina Bayan Muna Cagayan Valley coordinator Nelson Escalante, Punganay Cagayan Valley coordinator Marifel Macalanda at Kabataan Partylist-Cagayan Valley regional coordinator Walter Villegas.
Pinaratangan ang anim na aktibista matapos magbigay ng pahayag ang mga umano’y asset ng militar na sina Elnan Tul-ag at Rex Pagbilao na nagsabing nakatanggap sila ng mga suplay mula sa mga aktibista sa loob ng isang kampo ng New People’s Army noong 2019.
Ayon sa ulat, nakarekober ang pulisya at militar ng mga lalagyan ng bigas na naging bahagi umano ng batayan ng reklamong may kaugnayan sa pagpopondo sa terorismo.
“Ang marahas at labis na pampulitikang pag-uusig na ito ay sinasabing naglalayong patahimikin ang panawagan ng masa na makalaya mula sa bulok na sistema,” sabi ng Karapatan Cagayan Valley.
Sa loob ng dalawang taon, nakapagtala ng grupo na umaabot sa 28 na aktibista’t tanggol-karapatan sa Cagayan Valley ang nahaharap sa banta ng pag-aresto dahil sa mga maling paratang.
Noong Enero 2025, naunang kinasuhan ng “terrorism financing” sina Isabelo Adviento ng Anakpawis Partylist, Agnes Mesina ng Makabayan Cagayan Valley, Cita Managuelod ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Jackie Valencia ng Karapatan.
Kabilang din si Deo Montesclaros na istap ng Pinoy Weekly at dating correspondent ng Northern Dispatch sa mga kinasuhan na nag-ulat hinggil sa kalagayan ng mga magsasaka at kalikasan sa rehiyon.
Patuloy na nananawagan ang Karapatan Cagayan Valley na ibasura ang mga gawa-gawang kaso at kondenahin ang ang mga anila’y pag-atake laban sa mga aktibista sa rehiyon.
“Ang mga mamamayan ng Cagayan Valley, kasama ang kanilang mga kaalyado at tagasuporta, sa loob at labas ng rehiyon, ay patuloy na humahakbang pasulong at nagpapatuloy sa pakikibaka,” ayon sa grupo.