Akademya at AI
Ang isyu ng paggamit ng generative AI sa klase ay isang malapit na usapin para rin sa mga guro ng wika, panitikan, pagsusulat at iba pang katulad.
Ikalawa sa dalawang bahagi
Kailangan ng matibay na pundasyon sa wika, pagkatuto, independent na pag-iisip, at komprehensiyon bago sumabak sa paggamit ng generative artificial intelligence (AI) o maghanap ng anumang alternatibo.
Hindi maaaring laktawan ang mga mahahalagang hakbang upang buong-buong maunawaan at malinaw na makita ang limitasiyon sa pagtuwang ng AI sa anumang nililikha ng tao. Sa pagtukoy ng mga hangganang ito rin mas mauunawaan kung bakit maraming etikal na konsiderasiyon sa paggamit ng generative AI sa akademya.
Maaalalang naglabas din ang University of the Philippines College of Law ng kontekstuwalisadong polisiya nila hinggil sa paggamit ng AI.
Inilahad nilang nagiging problema na sa kanilang mga estudyante ang pagiging AI-dependent at nakikita na rin ito sa kalidad ng kanilang trabaho pagpasok sa mga law firm at ibang institusyon pagka-graduate.
Kinilala ng kolehiyo ang pag-iral ng AI, ngunit nilinaw nilang hindi nito kailanman mapapalitan ang kakayahan ng tao na mangatwiran at makipag-argumento hinggil sa batas.
Ang isang naging solusyon nila’y ang tuluyang pagbabawal sa paggamit ng AI at mga piling porma ng teknolohiya sa mga core subjects ng mga estudyante sa unang taon ng programang Juris Doctor.
Simple ngunit natutumbok nito ang problema kung bakit hindi maaaring nakaasa sa AI ang mga nagpapakadalubhasa sa batas at nagnanais magpatupad ng hustisiya.
Nagpokus naman ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa kung ano ang dapat na pagturing sa AI—hindi dapat kinatatakutan bagkus ay dapat gamitin sa dokumentasyon at pananaliksik.
Noon, nagkaroon din ng debate noong lumipat na ang mga tao mula sa manual na computing tungo sa mekanikal dahil sa imbensiyon ng mga makabagong instrumento. Ngayon, maaaring mas niyayakap ng mga disiplinang ito ang AI at hindi katulad ng reserbasiyon sa mga nasa humanidades at agham panlipunan.
May implikasyong takot ang nararamdaman ng mga tao rito, kahit na ang pagkilala sa mga panganib na maaaring idulot nito ay hindi nangangahulugang pagkatakot dito. Maaaring nakaugnay sa patuloy na pagsakop ng generative AI sa mga pamamaraan sa pagkatuto at basic skills na dapat natututuhan ng kabataan.
Wala ring inilahad na pagtatasa ang KWF sa inaabot ng pananaliksik sa wikang Filipino dahil mahalagang maiugnay ito sa proyekto nilang bumuo ng pambansang korpus gamit ang AI.
Ang isyu ng paggamit ng generative AI sa klase ay isang malapit na usapin para rin sa mga guro ng wika, panitikan, pagsusulat at iba pang katulad.
Ang tutok ng mga kursong ito’y kung paano natututo ang tao ng iba’t ibang prinsipyo at estilo ng panulat sa pamamagitan ng pagsusuri sa wika at makabuluhang paghahabi ng mahahalagang paksa at tema ng panahon.
Nilalayong maunawaan ang tao at pananaw nito sa mundo at paano rin maaarmasan ang tao upang umugnay sa iba—at halos lahat ng ito’y umuusbong sa relasyon ng tao sa kaniyang wika.
Ang pagsusulat ay ginagamitan ng kritikal na pag-iisip, kaya ang pagtatanggal sa proseso ng paglikha ay pagtatanggal din ng oportunidad sa taong paunlarin at hasain ang kaniyang sarili.
Maaaring iba ang pagtanggap sa pananaw na ito ng mga larangan o disiplinang iba rin ang gamit sa AI.
Noon, nagkaroon din ng debate noong lumipat na ang mga tao mula sa manual na computing tungo sa mekanikal dahil sa imbensiyon ng mga makabagong instrumento. Ngayon, maaaring mas niyayakap ng mga disiplinang ito ang AI at hindi katulad ng reserbasiyon sa mga nasa humanidades at agham panlipunan.
Gayunpaman, mahalaga pa rin sa mga nasa agham pangkomyuter at iba pang katulad na disiplina na nauunawaan ng mga estudyante ang mga proseso at dahilan sa mga ito. Tao pa rin naman ang magpapasya kung ano ang dapat gawin, pinadadali lang ng makabagong teknolohiya ang pagpapatupad.
Sa mga susunod na panahon at lalo habang nagpapatuloy ang mga giyera sa mundo, mayroon at mayroong darating na bagong teknolohiya. Ang kalakhan sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga makapangyarihang bansa tulad ng Estados Unidos at saka ibinebenta o ini-impose sa iba pang mga bansa.
Totoong hindi laging dapat iisa ang pakikitungo sa mga ito at kailangang masusing suriin muna kung ano ang maaaring maging epekto nito sa paggawa, edukasyon, medisina, kalikasan at iba pa.
Mahalaga ring isanib ang mga pagtatayang ito sa kasalukuyang kalagayan ng bansa upang matiyak na papaunlad ang tao sa halip na paatras. Ginagamit na pantuwang ang makabagong teknolohiya at hindi ito ginagamit upang sanayin ang taong maging instrumento lang din—wala nang sariling pag-iisip at ginagawa na lang kung ano ang nasasaad sa prompt.