Mary Jane Veloso, makakalaya na
Makakalaya na ang biktima ng human trafficking na si Mary Jane Veloso matapos ang 16 na taong pagkakakulong.
Matapos ang 16 na taon ng pagkakakulong, inaasahang makalaya na si Mary Jane Veloso matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang absolute pardon sa kanya nitong Set. 24, kasunod ng mahigit isang dekadang panawagan ng pamilya at mga iba’t ibang grupo sa loob at labas ng bansa para sa clemency.
Nanatili si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City nang makabalik siya Pilipinas mula Indonesia noong Disyembre 2024.
“Sa puso ng pandaigdigang kampanyang ito ang walang maliw na determinasyon ng mga magulang at pamilya ni Mary Jane na hindi pinanghinaan ng loob sa paggigiit ng katarungan sa kabila ng mga balakid na kanilang hinarap,” pahayag ng Migrante International sa Ingles.
Ilang ulit nang umapela ang pamilya ni Veloso para sa executive clemency, habang sinabi ng Malacañang noong Disyembre 2024 na rerepasuhin ng mga legal na eksperto ng gobyerno ang kanilang hiling.
Nakulong si Veloso sa Indonesia mula nang maaresto noong 2010 at nahatulan ng kamatayan dahil sa kasong drug trafficking.
Noong 2015, ilang oras bago ang nakatakdang pagbitay sa kanya, ipinagpaliban ang pagpapatupad ng sentensiya matapos makiusap ang pamahalaang Pilipinas sa Indonesia dahil na rin sa malawak na panawagan ng iba’t ibang grupo at sektor sa Pilipinas at ibayong dagat.
Ayon sa grupong Gabriela, ito’y bunga ng matagal na paninindigan para sa kanyang kalayaan.
“Isang malaking tagumpay ang araw na ito para kay Mary Jane, sa kanyang pamilya, at sa lahat ng nanindigan para sa kanya,” ani Gabriela secretary general Clarice Palce.
Ayon naman sa National Union of Peoples’ Lawyers na tumayong abogado ni Mary Jane, ang paglaya ni Veloso ay hindi lang dahilan para ipagdiwang, kundi nagsisilbi ring paalala sa pangangailangang protektahan ang mga biktima ng trafficking at tiyaking makakamit nila ang hustisya.
Matapos ang mahabang panawagan para sa kaniyang paglaya, hinihintay na lang ang mga susunod na hakbang para sa tuluyang pagpapalaya kay Veloso.