Pinalayas ng bayan, pinabalik ni Marcos Jr.
Makalipas ang 35 taon, ibinalik nang mas marami, mas masaklaw at mas permanente ang presensiya ng tropang Kano sa Pilipinas.
Setyembre 16, 1991, pinalayas ng mga Pinoy ang mga base militar ng United States (US) sa Subic at Clark. Makalipas ang 35 taon, ibinalik nang mas marami, mas masaklaw at mas permanente ang presensiya ng tropang Kano sa Pilipinas.
Ibinunga ng malawak na pagkakaisa at pagtutol ng mamamayan ang pagbasura sa 1947 US-RP (Republic of the Philippines) Military Bases Agreement. Kahit sa ilalim ng batas militar, malakas na lumaban ang mamamayan para palayasin ang mga base militar ng US. Naglunsad noon ng mga militante at malalaking martsa-protesta sa Kamaynilaan, Subic at Clark, na sinabayan ng mga welga ng mga manggagawa.
Noong 1991, lampas 170,000 ang nagprotesta sa labas ng Senado at naitulak ang 12 senador na bumoto laban sa pagpapalawig ng naturang kasunduan. Sinundan ito ng tuluyang pagpapasara ng Subic Bay Naval Base at Clark Air Base ng US.
Pero ang pinalayas, hindi talaga umalis. Mula nagpabalik-balik ang tropang Kano sa at mga joint military exercises gaya ng Balikatan. Noong 1998, lalong pinaigting ng Visiting Forces Agreement ang presensiya ng mga tropang Kano sa Pilipinas. Naging mas permanente pa ang presensiyang militar ng US nang pirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca) noong 2014.
Tatlumpu’t limang taon mula palayasin ng sambayanan, ibinalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa US ang Subic at Clark. Sa ilalim ng Pax Silica at Luzon Economic Corridor (LEC), hindi na lang base militar ang mga ito, kundi pabrika at susing daluyan ng suplay para sa makinaryang pandigma ng US.
Sa pagpapabalik sa mga pinalayas nang base militar ng US, isinusuko ni Marcos Jr. hindi lang ang teritoryo, soberanya ng Pilipinas, pati ang kalikasan, kabuhayan, karapatan at kaligtasan ng mamamayan.
Sa New Clark City, pinapalayas ngayon ang mga Aeta sa kanilang lupang katutubo para pabalikin ang mga Amerikano. Sa kanilang sakahan at komunidad itinatayo ang 1,600 ektaryang Pax Silica site, mga pagawaan at pasilidad ng artificial intelligence (AI) para sa teknolohiyang pandigma ng US. Itinatag naman ang LEC bilang daluyan ng suplay para sa teknolohiya at industriyang pandigma ng US, mula Subic, Clark, Kamaynilaan hanggang Batangas.
Pagkaupo pa lang ni Marcos Jr., tinuloy-tuloy niya na ang pagpapabalik sa mga pinalayas na Kano. Binigyan niya ang US ng apat na dagdag Edca site, mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na libreng pinapagamit bilang base ng tropang Kano.
Taon-taon, ipinapatustos din sa mamamayan ang paparaming Balikatan at iba pang ehersiyong militar. Pinayagan pa ang US na magtambak ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma sa bansa na labag sa soberanya at Konstitusyon ng Pilipinas.
Hindi lang sa Clark at Subic. Sa Zamboanga, ipapagamit ang pasilidad ng pamahalaang lokal ng Pagadian City para sa operasyong “kontra-terorismo” ng US.
Hindi tinukoy na Edca site, pero may itatayo ring pasilidad militar ang US sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority sa Casiguran, Aurora. Inanunsiyo na rin mismo ng administrasyong Marcos Jr. ang mga plano para sa pagtatayo ng mga refueling at repair hub para sa US Navy at pagawaan ng baril at bala ng US Army, sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ikinabahala na nga ng Malaysia ang presensiya at pagbase ng militar ng US sa Balabac Island sa Palawan na ilang kilometro lang mula sa Sabah. Bukod sa pangambang maipit sa nalilikhang tensiyon sa China, matagal na ring may usapin sa pag-aari sa Sabah ang Malaysia at Pilipinas.
Ginagamit na palusot ng administrasyon ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas para ikatuwiran ang pagpapabalik ng mga base ng US sa bansa. Habang umaastang tumitindig laban sa China, ipinayuyurak naman ni Marcos Jr. ang soberanya ng bansa at ipinapagamit ang Pilipinas bilang base ng pain sa mga walang katapusang giyera ng US.
Sa pagpapabalik sa mga pinalayas nang base militar ng US, isinusuko ni Marcos Jr. hindi lang ang teritoryo, soberanya ng Pilipinas, pati ang kalikasan, kabuhayan, karapatan at kaligtasan ng mamamayan.
Pero gaya noon, nag-aalab pa rin ang diwang makabayan ng mga Pinoy ngayon. Patunay dito ang lumalapad at lumalakas na pagkakaisa at pagtutol ng mamamayan sa Pax Silica at LEC. Hindi lang sa social media, dumarami ang mga nagsasalita at kumikilos sa lansangan para tutulan ang pagpapagamit ni Marcos Jr. sa bansa para sa militaristang agenda ng US.
Tagumpay ng mamamayan ang pagpapalayas sa mga base militar ng US sa Pilipinas. Hindi basta papayag ang mga Pinoy na bawiin ito ni Marcos Jr. at ng US. Napatunayan na ng mga Pilipino na kayang ipaglaban ang soberanya sa sariling lakas at sama-samang pagkilos. Kaya nila ulit patunayan na ang pinalayas na, hindi na dapat pabalikin pa.