Mary Jane Veloso, ganap na malaya matapos ang 16 taon


“Ito po ang araw na pinakahihintay ko at dumating na po s’ya,” wika ni Veloso sa isang press conference nitong Set 26 sa Quezon City.

Walang pagsidlan ng tuwa ang dating overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane Veloso nang makalaya nitong gabi ng Set. 25 mula sa 16 na taong pagkakapiit, 14 na taon sa Indonesia at dalawang taon sa Pilipinas.

“Ito po ang araw na pinakahihintay ko at dumating na po s’ya,” wika ni Veloso sa isang press conference nitong Set 26 sa Quezon City.

Nakalaya si Veloso, biktima ng human trafficking at illegal recruitment, sa bisa ng absolute pardon na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Set. 24 matapos ang halos dalawang taong panawagan para sa executive clemency ng pamilya Veloso, mga taong simbahan, mga tanggol-karapatan at iba pang grupo.

“Nagpapasalamat ako sa ating Poong Maykapal. Alam ko lahat ng nangyari sa akin na kabutihan ngayong araw na ’to ay nagmula sa Kanya,” sabi ni Veloso.

Nagpasalamat din si Veloso sa lahat ng tumulong sa kanyang paglaya kabilang ang Migrante International, Gabriela Women’s Party, mga abogado, mga taong simbahan at sa pangulo.

“Maraming salamat po talaga sa lahat ng sumusuporta, sa mga naniniwala na wala akong kasalanan,” aniya.

Nakulong si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia noong Abril 2010 dahil sa drug trafficking. Hindi niya alam na ilegal na droga ang laman ng bagaheng ipinadala sa kanya ng kanyang recruiter na si Maria Kristina Sergio.

Nahatulan siya ng parusang kamatayan, ngunt dahil na rin sa kolektibong pagkilos ng iba’t ibang organisasyon at sektor sa loob at labas ng Pilipinas, napigilan ang pagbitay sa kanya sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 2015.

Noong Disyembre 2024 naman, inilipat siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City mula sa Yogyakarta matapos ang mga pag-uusap sa pagitan ng mga gobyerno ng Indonesia at Pilipinas.

“Ang kuwento ni Mary Jane ay tungkol sa pambihirang katapangan at katatagan. Isang migranteng manggagawa at biktima ng trafficking na muntik nang bitayin, hindi siya nawalan ng pag-asa,” pahayag ng National Union of Peoples’ Lawyers sa Ingles.

Ayon kay Josalee Deinla, isa sa mga abogado ni Veloso, marami pang mga OFW ang kumakaharap ng mga kaso sa ibayong dagat na nangangailangan ng kagyat na tulong.

Sa datos ng Department of Migrant Workers nitong Disyembre 2025, nasa 3,000 OFW ang kumakaharap sa kaso sa ibang bansa at nasa 24 ang nasa death row. Wala pang bagong datos na inilalabas ang kagawaran hinggil sa mga kaso ng mga OFW.

Iginiit naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago na hindi dapat hayaan ng gobyerno ng Pilipinas ang pang-aabuso sa kababaihang OFW.

Patuloy ding panawagan ng Migrante International at iba pang grupo ang disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod sa loob ng bansa upang hindi na mapilitan ang mga Pinoy na mangibang bayan para magkaroon ng sapat na ikabubuhay para sa kanilang pamilya.

Sa ngayon, mananatili si Veloso sa piling kanyang pamilya sa Nueva Ecija at babawi sa matagal na pagkakawalay sa kanyang dalawang anak.