Marubdob na debosyong Bikolnon kay Ina
Tuwing Setyembre, ‘di mahulugang karayom ang mga lansangan ng Naga City sa Camarines Sur para sa Peñafrancia Festival.
Tuwing Setyembre, ‘di mahulugang karayom ang mga lansangan ng Naga City sa Camarines Sur para sa Peñafrancia Festival. Nagiging makulay ang mga daanan at napupuno ito ng mga palamuti at pasalubong para sa mga bumibisitang peregrino.
Kadalasang pumapatak ang pista ng Nuestra Señora de Peñafrancia, na tinatawang na Ina ng mga deboto, sa ikatlong Linggo ng Setyembre. Ngunit mas tumpak na sabihing ang kapistahan ay sa araw ng Linggo pagkatapos Set. 15, ang Oktaba ng Pagsilang sa Mahal na Birheng Maria.
Nauunang ipagdiwang sa lungsod ang pista ng El Divino Rostro, siyam na araw bago ang pista ng Birhen ng Peñafrancia. Parehong inililipat ang mga imahen mula sa Peñafrancia Basilica patungong Naga Metropolitan Cathedral upang doon magnobena sa parehong larawan sa loob ng 18 araw.

Kilala ang Naga City bilang ang “Pilgrim City” dahil sa pinakamalaking debosyon sa Birheng Maria sa buong Asya.
Nagsimula ito sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Isang nayon sa tabi ng ilog lang ang Naga noon bago dumating ang Espanyol na si Juan de Salcedo noong 1573. Namangha siya sa adelantadong pamumuhay sa nayon at kalauna’y nagtatag siya ng lungsod sa kabilang bahagi ng ilog.
Kilala noon ang Naga City sa pangalang Ciudad de Nueva Caceres kung saan makikita ang central business district ng lungsod ngayon.

Naging maunlad na lungsod ang Nueva Caceres, isa sa mga unang itinatag ng mga Espanyol sa Pilipinas kasunod ng Cebu at Maynila. Isinama sa lungsod ang nayon ng mga katutubo at ipinakilala ang kultura, edukasyon at relihiyon ng mga Espanyol sa kanila.
Noong 1712, nagpakomisyon ang Dominikong prayle na si Miguel Robles de Covarrubias ng imahen ng Birheng Maria na halaw sa Virgen de la Peña de Francia sa santuwaryo ng mga Dominikano sa Salamanca, Espanya bilang personal na pasasalamat sa pagpapagaling at ligtas na paglalakbay.

Naging susing pangyayari sa kasaysayan ng debosyon ang epidemya ng kolera sa Nueva Caceres noong 1882.
Sinasabing dinala sa Naga Cathedral ng paring si Pedro de la Rosa ang pintang larawan ng El Divino Rostro na halaw sa larawan ng belo ni Sta. Veronica sa Espanya upang doon manalangin ang mamamayan na isalba sila sa kolera na noo’y wala pang lunas. Ipinag-utos naman ng obispo ng Nueva Caceres noon na si Casimiro Herrera na dalhin sa katedral ang imahen ng Peñafrancia mula sa kanyang kapilya upang doon magkasamang dalanginan.

Mula noon, hindi na mapaghiwalay ang debosyon sa El Divino Rostro at Birhen ng Peñafrancia. Hanggang ngayon, ipinagpatuloy sa Naga City ang Peñafrancia Festival bilang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng sinagot na panalangin ng pagpapagaling sa sakit at iba pang kahilingan.
Bilang pagtatapos sa mga nobenaryo, dadalhin ang mga imahen mula sa katedral pabalik sa tahanan ng mga ito sa Peñafrancia Basilica sa isang fluvial procession sa Naga River sa bisperas ng pista ng Birhen ng Peñafrancia, isang tradisyong pinasimulan noong 1864 ni Nueva Caceres Bishop Francisco Gainza.
Sa opisyal na mga tala, umabot sa 1.2 milyong katao ang dumalo sa Peñafrancia Festival sa Naga City ngayong taon. Inabot naman ng 11 p.m. ang fluvial procession na naantala dahil sa mababang antas ng tubig sa ilog.