Nasa Palasyo ang utak ng korupsiyon
Sa kabila ng mga papogi, hindi nito mapagtakpan ang nananatiling sistema ng korupsiyon at kickback sa pambansang badyet sa 2027. Sa kabila ng napakarami pa rin mga hindi maipaliwanag o nawawalang proyektong pang-imprastraktura, lumobo pa ang badyet nito ng P2 bilyon sa 2027!
Matapos malantad ang matinding korupsiyon at sistematikong pagtitiyak ng kickback ng mga kongresista, kontratista at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa pambansang badyet, may nagbago nga ba?
Isang taon na ang nakalipas mula nang simulan ni Ferdinand Marcos Jr. ang huwad na krusada kontra-korupsiyon. Ang naratibo ng Malacañang, may nanagot na. Kinastigo na ni Marcos Jr. ang sariling pinsang si Martin Romualdez; ikinulong ang mga kurakot na senador; kinasuhan sa Ombudsman ang mga opisyal ng DPWH; ipinakulong ang mga Discaya; at tinutugis na si Zaldy Co sa ibayong dagat.
Sa kabila ng mga papogi, hindi nito mapagtakpan ang nananatiling sistema ng korupsiyon at kickback sa pambansang badyet sa 2027. Sa kabila ng napakarami pa rin mga hindi maipaliwanag o nawawalang proyektong pang-imprastraktura, lumobo pa ang badyet nito ng P2 bilyon sa 2027!
Sa huling pagsusuri ng Ibon Foundation sa panukalang pambansang badyet, pinakamalaki pa rin ang alokasyon para sa mga proyektong pang-imprastruktura. Higit na mas malaki ito kaysa sa pondong nakalaan para sa edukasyon, kalusugan at pabahay. Mayorya o halos P907 bilyon ng P1.7 trilyong pondo ay nakalaan sa mga proyekto ng pambansang pamahalaan.
Sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), kailangan ang mas mataas na alokasyon para sa imprastruktura para mapanatili ang pag-unlad ng ekonomiya, makalikha ng trabaho, mabawasan ang gastos transportasyon ng mga kargamento at mapagtibay ang dugtungan ng iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang mga priyoridad na proyekto ay nasa ilalim ng Build Better More Infrastructure Program ng administrasyon.
Habang ginigipit ng mga Marcos ang kanilang mga kaaway sa politika, unti-unti nilang nililinis ang kanilang mahabang kasaysayan ng pagtatraydor sa mga Pilipino. Lalong nagiging malinaw na ang pananagutang gusto ng taumbayan ay mula sa pinakatuktok.
Sino pa ba ang maloloko ng ganitong pahayag ng DBM? Sa mga nakaraang taon, hindi ba ito rin ang mga pangako ng mga kumag na ito. Pero imbis na pag-unlad, ibayong paghihirap at malaganap na pagnanakaw ang ginawa ng gobyernong ito.
Ang ahensiyang DPWH na batbat ng anomalya, kaysa higpitan at bawasan ang pondo, dinagdagan pa ito ng P113 bilyon sa susunod na taon. Muli, inilalantad ng pambansang badyet sa 2027 kung sino talaga ang utak sa likod ng sistematikong pangungurakot sa kabang bayan, walang iba kung hindi si Marcos Jr. mismo.
Sa kabila ng mga pagpapabango ng administrasyong Marcos Jr. sa kunwaring pagpapanagot niya sa mga nakinabang sa trilyong pisong flood control projects, muli na namang ginagamit ng Marcos Jr. ang pondo ng bayan para manuhol ng mga politiko at tiyakin ang kanilang katapatan para sa nalalapit na halalan sa 2028.
Sa kabila ng sumambulat na laki ng ninanakaw na pondo ng taumbayan, ipinagapapatuloy pa ng administrasyong Marcos Jr. ang sistemang pork barrel at congressional insertions, pabor sa mga kaalyado mula lokal hanggang pambansa.
Ang mga kongresista, tikom muli ang mga bibig at nagbubulag-bulagan. Natapos na ang pagpapanggap nilang sila rin ay kontra-kurakot. Wala na silang pagdadalawang-isip na iusad ang pambansang badyet sa kanilang deliberasyon kapalit ang tiyak na pondo at pampolitikang suporta sa darating na eleksiyon.
Sa pagkakataong ito, hindi dapat muling palagpasin ng taumbayan ang harap-harapang pagnanakaw muli ng rehimeng ito. Ang buwis na hinuhuthot ng gobyerno mula sa mga karaniwang na mamamayan ay hindi man lang maibalik para sa pagbibigay ng mas makataong serbisyong panlipunan.
Habang itinataas nang itinataas ang pondo sa kickback at pork barrel, pabawas nang pabawas naman ang pondo para sa benepisyo ng taumbayan.
Habang ginigipit ng mga Marcos ang kanilang mga kaaway sa politika, unti-unti nilang nililinis ang kanilang mahabang kasaysayan ng pagtatraydor sa mga Pilipino. Lalong nagiging malinaw na ang pananagutang gusto ng taumbayan ay mula sa pinakatuktok.
Walang pananagutan hanggang namamayagpag ang rehimeng Marcos Jr.