Ang mukha
Sa mundong madaling humanga sa mga makapangyarihan, kaninong mukha nga ba ang higit nating pinahahalagahan?
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 45:1, 4–6 | Salmo 95 | 1 Tesalonica 1:1–5b | Mateo 22:15-21
Noong nag-aaral ako ng pilosopiya sa seminaryo, isa sa kinahumalingan kong konsepto ay nagmula sa pilosopong Pranses na si Emmanuel Levinas, ang kanyang pagpapalalim sa face of the other.
Mahalaga para kay Levinas ang mukha dahil sa pagharap natin sa mukha ng iba, ipinakikita nito ang vulnerability ng kapwa. Para bang nangungusap ito, “Ako ay buhay, huwag mo akong wasakin o saktan.”
Mas naging makabuluhan ito para sa akin nang iugnay ko sa ating pagtingin sa ibang tao bilang ating kapwa. Ano nga ba ang meron sa mukha ng ating kapwa na nangungusap sa atin? Sa kabila ng ating mga pagkakaiba, kinikilala natin na ang bawat tao ay may likas na dignidad sapagkat siya rin ay nilikha sa wangis ng Diyos.
Sa ating Ebanghelyo, nilapitan si Hesus ng mga alagad ng mga Pariseo at mga tauhan ni Herodes. Magkaiba man ang kanilang paninindigan sa pamamahala ng mga Romano, nagkasundo sila sa paghahanap ng paraan upang masilo si Hesus. Tinanong nila kung naaayon sa Kautusan ang pagbabayad ng buwis kay Cesar. Anuman ang isagot niya, umaasa silang magkakaroon sila ng dahilan upang paratangan siya.
Ngunit batid ni Hesus ang kanilang layunin. “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin?” Sa halip na mahulog sa kanilang patibong, humingi siya ng isang denaryo at nagtanong, “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” Sumagot sila, “Sa Cesar po.” Kaya sinabi niya, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
Pero ano nga ba ang meron sa tanong tungkol sa larawan? Noong panahon ng Imperyong Romano, may mga emperador na iniuugnay sa pagkadiyos at tumanggap ng mga parangal na panrelihiyon. Kaya ang larawan ni Cesar sa salapi ay tanda rin ng kapangyarihang tila umaabot maging sa larangan ng kabanalan. Gayunman, may hangganan ang kapangyarihan ng sinumang pinunong makalupa. Kung kay Cesar ang salaping may larawan niya, ang buong buhay at sangnilikha naman ay nagmumula sa Diyos.
Sa bawat mukhang ating nakakaharap, may dignidad na dapat igalang at buhay na dapat pahalagahan. Huwag nating kalilimutan na ang pagkilala sa Diyos ay hindi lang nasusukat sa pagtingala natin sa Kanya, kundi sa pagtingin din natin sa mukha ng taong nasa ating harapan.
May pagkakahawig din ang salitang “siluin” sa paulit-ulit na pagsubok ng mga Israelita sa Panginoon matapos silang iligtas mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa halip na magtiwala sa Diyos, patuloy nila siyang hinamon.
Ngayon, sa harap ni Hesus, tila nauulit ang ganitong asal. Masyado silang nakatuon sa kanilang sariling interes upang makilala kung sino ang kaharap nila. Sa pananampalatayang Kristiyano, si Hesus ang Anak ng Diyos, ang ganap na kapahayagan ng Ama.
Ating narining mula sa Unang Pagbasa mula kay propeta Isaias tungkol kay Ciro, hari ng Persia. Bagaman hindi niya lubos na kilala ang Panginoon, hinirang siya upang maging kasangkapan sa pagliligtas sa Israel.
Ipinakikita nito na kayang gamitin ng Diyos maging ang mga pinunong hindi kabilang sa Kanyang bayan upang maisakatuparan ang Kanyang layunin. Hindi nangangahulugang lahat ng ginagawa ng isang pinuno ay kalooban ng Diyos. Sa halip, ipinapaalala nito na walang kapangyarihang makalupa ang nakahihigit sa Kanya.
Sambit rin ng Mag-aawit sa Salmo, “Dakilang kapangyarihan ng Panginoo’y idangal.” Ang Panginoon ang tunay na hari na hahatol sa sanlibutan nang may katarungan. Kaya ang kapangyarihan, katungkulan at impluwensiya ay hindi dapat maging dahilan upang yurakan ang dignidad ng iba.
Balik tayo sa mukha. Sa salaping ipinakita kay Hesus, naroon ang larawan ni Cesar, isang makapangyarihang pinunong makalupa. Ngunit ang mukha ni Hesus na kaharap ng mga Pariseo ay hindi nila tunay na nakilala.
Kung ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos, ang mukha ng ating kapwa ay hindi dapat ituring na isang larawang maaari nating gamitin, husgahan o balewalain. Bawat tao ay may dignidad na hindi nababawasan dahil sa kahirapan, katayuan sa lipunan o pagkakaiba sa paniniwala.
Pinasasalamatan naman ni San Pablo, sa Ikalawang Pagbasa, ang mga taga-Tesalonica dahil sa kanilang mga gawang bunga ng pananampalataya, pagpapagal na udyok ng pag-ibig at matibay na pag-asa kay Hesukristo.
Ang kanilang pananampalataya ay nagiging buhay na patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gayundin, ang pagkilala natin sa Diyos ay dapat makita sa paraan ng pakikitungo natin sa kapwa, lalo na sa mga taong madalas hindi napapansin.
Sa mundong madaling humanga sa mga makapangyarihan, kaninong mukha nga ba ang higit nating pinahahalagahan? Kilala natin ang mga pinunong laman ng balita at social media, ngunit nakikita rin ba natin ang mga manggagawang halos hindi napapansin, ang mga taong nasa laylayan at ang mga kapwang naghahangad lamang ng makataong pagtrato?
Maaaring may larawan ni Cesar sa salapi, ngunit ang Diyos ang tunay na Panginoon ng buhay at kasaysayan. Kung nais nating ibigay sa Diyos ang sa Diyos, magsimula tayo sa pagkilala sa Kanyang wangis sa ating kapwa.
Sa bawat mukhang ating nakakaharap, may dignidad na dapat igalang at buhay na dapat pahalagahan. Huwag nating kalilimutan na ang pagkilala sa Diyos ay hindi lang nasusukat sa pagtingala natin sa Kanya, kundi sa pagtingin din natin sa mukha ng taong nasa ating harapan.