QCPD, nandahas, binaklas ang kampuhan ng magsasaka


“Dahas at pagpapalayas ang nararanasan ng mga magbubukid sa kanayunan, at hanggang dito ay marahas pa ring pinalalayas ang mga magsasakang nagsusulong sa kanilang mga karapatan,” sabi ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women.

Sugatan ang aabot sa 20 delegado ng kampuhan ng mga magbubukid sa harapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Elliptical Road, Quezon City matapos baklasin ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga itinayong toldang nakapatong sa kawayan at agawin ang kagamitan nitong Okt. 19.

Higit 400 magsasaka mula Cagayan Valley, Gitnang Luzon, Bikol, Negros at Timog Katagulagan ang kasalukuyang nagkakampo sa Metro Manila para irehistro ang pagtutol sa ‘di makataong trato sa mga magsasaka, pangangamkam ng mga korporasyon sa lupa at para singilin ang gobyerno sa kawalan suporta habang papalapit ang “super” El Niño.

“Dahas at pagpapalayas ang nararanasan ng mga magbubukid sa kanayunan, at hanggang dito ay marahas pa ring pinalalayas ang mga magsasakang nagsusulong sa kanilang mga karapatan,” sabi ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women.

Ayon sa Amihan at mga organisasyong naroon, nagbigay ang DAR at pamahalaang lokal ng Quezon City ang permiso para magtayo ng kampuhan.

Sa kabila nito, pilit na binaklas ng pulisya ang mga tolda habang abala sa pakikipagdiyalogo sa mga opisyal ng DAR ang mga magsasaka mula Bikol, Bulacan at Tarlac. Ganito rin ang ginawa noong gabi ng Okt. 16 nang subukan ng mga magsasaka magtayo ng kampuhan sa Department of Environment and Natural Resources sa Visayas Avenue. 

Nagtamo ng sugat sa kamay at katawan ang mga magsasaka, tanggol-karapatan at pati midya na naroon. Kasama na dito sa Ernest Cruz ng Bulatlat na halos mahubaran sa pangangaladkad ng pulis.

Kinondena ng Bulatlat, Altermidya Network at National Union of Journalists of the Philippines ang nagyari kay Cruz na paulit-ulit na nagpakilalang alagad na midya habang kinakaladkad ng mga pulis. Iginiit nila na panagutin ang mga pulis na nandahas kay Cruz.

Liban kay Cruz, isa ring mamamahayag pangkampus mula sa Far Eastern University ang nasaktan sa kaguluhang bunga ng marahas na pagbaklas ng pulisya sa kampuhan.

Ngayong gabi, muling itinayo ang mga tolda’t kawayan na sinabayan ng dulaan sa pagtatanghal ng Tiempo Muerto ng grupong Sinagbayan.