Kaninong pagkukulang, kaninong pananagutan?
Ang mga kakayahang taglay natin ay hindi lang para sa sariling kapakinabangan, kundi maaari ring magamit upang makatulong sa iba.
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon – Kawikaan 31:10–13, 19–20, 30–31 | Salmo 127 | 1 Tesalonica 5:1–6 | Mateo 25:14–30 [o 25, 14-15, 19-21]
Sa pilosopiya, mayroon tayong konsepto na tinatawag na telos. Mula sa wikang Griyego, tumutukoy ito sa layunin o hantungan ng isang bagay. Para kay Aristoteles, hindi sapat na malaman kung ano ang isang bagay, mahalaga ring maunawaan kung para saan ito. Halimbawa, ang panulat ay ginawa upang makapagsulat, samantalang ang kutsilyo ay upang makahiwa.
Ngunit paano kung hindi makapagsulat ang isang panulat? Masasabi ba nating hindi nito natupad ang kanyang layunin? At kung gayon, kanino ang pagkukulang? Sa panulat bang hindi makapagsulat o sa gumawa nito? Mukhang simpleng tanong lang, ngunit nagiging masalimuot kapag inilapat natin ito sa tao.
Madalas nating marinig na may dahilan kung bakit tayo narito sa mundo. May mga kakayahan tayong kailangang linangin at mga pangarap na nais abutin. Ngunit paano kung, sa kabila ng lahat ng pagsisikap, hindi natin maabot ang mga ito? Nangangahulugan ba itong nabigo tayo sa ating layunin? At kung naniniwala tayong nilikha tayo ng Diyos na may layunin, maaari ba nating itanong kung kanino ang pananagutan kapag hindi natin ito natupad?
Sa Mabuting Balita, ikinuwento ni Hesus ang talinghaga ng tatlong alipin na pinagkatiwalaan ng kanilang panginoon ng magkakaibang halaga ng salapi. Ang unang dalawa ay nangalakal at nadoble ang kanilang natanggap, samantalang ibinaon naman ng ikatlo ang salaping ipinagkatiwala sa kanya.
Pagbalik ng panginoon, pinuri niya ang unang dalawang alipin dahil sa kanilang katapatan. Kapansin-pansin na bagaman magkaiba ang kanilang natanggap at kinita, pareho ang papuring ibinigay sa kanila. Samantala, ang ikatlong alipin ay pinagsabihan dahil ibinalik lamang niya ang salaping kanyang itinago.
Kung tutuusin, hindi naman nawala ang salaping ipinagkatiwala sa ikatlong alipin. Natakot lang siya sa kanyang panginoon, kaya pinili niyang itago ito upang matiyak na wala siyang mawawala. Ngunit ang kanyang takot ang naging dahilan upang hindi niya magamit ang ipinagkatiwala sa kanya. Sa halip na gumawa ng anumang hakbang, pinili niyang walang gawin.
Ang mga biyayang ipinagkatiwala sa atin ay hindi lang para ingatan o palaguin para sa sarili. May pananagutan din tayong gamitin ang mga ito upang ang iba ay makapamuhay nang may dignidad.
Maaari nating unawain ang talinghaga bilang paalala tungkol sa ating pananagutan sa mga kakayahang ipinagkaloob ng Diyos. Gayunman, hindi ito nangangahulugang nasusukat ang ating halaga sa dami ng ating nagagawa o sa laki ng ating tagumpay. Sa katunayan, mahalagang pansinin na hindi pare-pareho ang natanggap ng tatlong alipin. Binigyan sila ng kanilang panginoon ayon sa kani-kanilang kakayahan.
May pagkakahawig ito sa isang katotohanang madalas nating nakakalimutan na hindi lahat ay nagsisimula sa parehong kalagayan. May mga taong ipinanganak na maraming oportunidad, samantalang ang iba ay kailangang magsumikap nang higit pa upang magkaroon lang ng pagkakataong umunlad. Kaya hindi rin makatarungang husgahan ang lahat gamit ang iisang pamantayan ng tagumpay.
Ngayong Linggo, ginugunita rin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Dukha. Magandang pagkakataon ito upang balikan ang ating mga palagay tungkol sa kahirapan. Madalas nating marinig na basta magsikap lang ang isang tao ay makaaahon siya sa buhay. Ngunit sapat ba ang pagsisikap kung kulang ang oportunidad, hindi sapat ang sahod, o maging ang pangunahing edukasyon ay hindi makamit?
May mga taong nagsusumikap araw-araw ngunit nananatiling kapos. May mga kabataang may kakayahang mag-aral ngunit napipilitang tumigil upang maghanapbuhay. Sa ganitong mga kalagayan, maaari ba nating sabihin na sila lang ang may pagkukulang? O kailangan din nating tingnan ang mga sistemang humahadlang sa kanilang pag-unlad?
Sa Unang Pagbasa, inilalarawan ang isang babaeng masipag at karapat-dapat papurihan. Ngunit hindi lang sa kanyang kasipagan nakikita ang kanyang kabutihan. Bukas din ang kanyang palad sa mahihirap at nangangailangan. Ipinapaalala nito na ang mga kakayahang taglay natin ay hindi lang para sa sariling kapakinabangan, kundi maaari ring magamit upang makatulong sa iba.
Balikan natin ang telos. Kung ang tao ay nilikha upang magmahal at makibahagi sa kabutihan ng Diyos, hindi maaaring ihiwalay ang katuparan ng ating buhay sa ating pananagutan sa kapwa. Hindi rin natin maaaring basta sisihin ang mga hindi nakaaabot sa kanilang mga pangarap nang hindi kinikilala ang mga kalagayang humahadlang sa kanila.
Sa halip na agad nating itanong kung bakit may mga taong hindi natutupad ang kanilang mga pangarap, kailangan din nating itanong kung ano ang ating nagagawa upang magkaroon sila ng pagkakataong maabot ang mga ito. Ang mga biyayang ipinagkatiwala sa atin ay hindi lang para ingatan o palaguin para sa sarili. May pananagutan din tayong gamitin ang mga ito upang ang iba ay makapamuhay nang may dignidad.