86 dayuhan bibisita sa election hotspots para mag-obserba
Bibisita sa election hotspots sa iba’t ibang panig ng bansa ang 86 international observers na kalahok sa People’s International Observers Mission (PIOM). Nagmula sa mga bansang Australia, Canada, United States, United Kingdom, Japan, Hongkong, Taiwan, France, Germany, Denmark at The Netherlands ang mga dayuhan na dumating kahapon para bantayan ang unang automated elections sa bansa. Kabilang […]

Bibisita sa election hotspots sa iba’t ibang panig ng bansa ang 86 international observers na kalahok sa People’s International Observers Mission (PIOM).
Nagmula sa mga bansang Australia, Canada, United States, United Kingdom, Japan, Hongkong, Taiwan, France, Germany, Denmark at The Netherlands ang mga dayuhan na dumating kahapon para bantayan ang unang automated elections sa bansa.
Kabilang sa mga lugar na bibisitahin nila ang probinsiya ng Pampanga, kung saan tumatakbo si Pangulong Macapagal-Arroyo bilang kongresista sa ikalawang distrito.
“I would like to see how people from her [Arroyo] own district feel about her performance as president of the Philippines and her candidacy for Congress, ” ayon kay Rev. Larry Emery, miyembro ng pangkat ng PIOM na umalis sa Maynila kayninang umaga papuntang Pampanga. “Arroyo is so unpopular in the whole country. Is it any different from her own district?” aniya.
Pupunta rin ang misyon sa Tarlac, probinsiya ng mga kandidato sa pagkapangulo na sina Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. at Benigno “Noynoy” Aquino III.
Bibisitahin din ng PIOM ang Abra, na kinakitaan ng maraming mga insidente ng karahasan na may kaugnay sa halalan.
Imomonitor din ng mga dayuhang observer ang militarisadong mga probinsya na Cavite at Quezon sa Timog Katagalugan.
Samantalang sa National Capital Region, pupunta ang PIOM sa mga komunidad ng maralitang lungsod sa Tondo sa Maynila at Payatas sa Quezon City. Noong halalang 2007, dineploy sa mga lugar na ito ang mga sundalong militar para i-harass ang mga kasapi ng progresibong mga party-list.
May pangkat din na tutungo sa mga probinsya ng Albay at Sorsogon sa Bikol; sa Iloilo kung saan may mga ulat na sinunog na ilang Precinct Count Optical Scan; at sa mga rehiyon ng Davao at Caraga sa Mindanao.
Pupuntahan din ng mga dayuhang observer ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), kung saan naitala ang maraming mga kaso ng pandaraya noong nakaraang halalan.