Perlas: Automated na halalan, mabilis pero di mapagkakatiwalaan
Tumangging mag-concede o tumanggap ng pagkatalo ang kandidato sa pagkapangulo na si Nicanor Perlas dahil sa umano’y “partial failure” ng automated na halalan bunga ng disenfranchisement, di paggana ng mga makina, at kawalan ng transparency sa pagbilang ng mga boto na nakaasa sa source code at programming na hindi indipendiyenteng naberipika. Binatikos din ni Perlas […]

Tumangging mag-concede o tumanggap ng pagkatalo ang kandidato sa pagkapangulo na si Nicanor Perlas dahil sa umano’y “partial failure” ng automated na halalan bunga ng disenfranchisement, di paggana ng mga makina, at kawalan ng transparency sa pagbilang ng mga boto na nakaasa sa source code at programming na hindi indipendiyenteng naberipika.
Binatikos din ni Perlas ang maagang pagkilala sa mandato ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, gayong hindi pa tapos ang bilangan at maaaring humabol pa ang kasunod nito sa karera na si dating pangulong Joseph Estrada.
“It is premature to say that the elections were fair and honest. Fast returns? Yes. Relatively peaceful? Yes. But accurate, clean and honest? Doubtful,” aniya sa isang pahayag.
Pinunto ni Perlas ang pag-disenfranchise ng lima hanggang walong milyong botante dahil sa mahahabang pila at di paggana ng mga makina sa mga presinto noong Mayo 10.
“Comelec has a lot of explaining to do regarding the large amounts of disenfranchised voters,” aniya.
Hindi pa rin umano nakukumpleto ang random manual audit na magdedetermina kung tumutugma ang resulta na inilbas ng makina sa aktuwal na mga boto. Masyado rin umanong maliit ang sample size sa isinasagawang audit na ito ng Comelec.
Sinabi ni Perlas, tumakbong indipendiyente, na hindi siya umaasang mananalo. Pero nais lamang umano niyang masigurong naging malinis ang halalan bago tumanggap ng pagkatalo. Nasa ika-pitong puwesto lamang si Perlas batay sa inisyal na talaan ng mga boto.
“I do not mind if Filipinos want to put a traditional politician in office as long as this reflects the true will of the majority of Filipinos,” sabi ni Perlas.
Aniya pa, dahil mayroon ang 7.63 hanggang 15.23 milyong boto (batay sa 75 porsiyento hanggang 90 porsiyento na voter’s turnout) na hindi pa nabibilang, may posibilidad pang humabol si Estrada at ibang kandidato sa pagkapangulo.
CenPeg ‘di rin tiwala sa mabilis na bilangan
Samantala, sinabi rin ng grupong Center for People’s Empowerment and Governance (CenPeg) na hindi rin ito kumpiyansa sa kondukta ng automated na halalan, sa kabila ng pagdeklara ng Comelec at iba’t ibang grupo dito bilang “matagumpay.”
Sa isang pahayag, sinabi ni Prop. Bobby Tuazon, policy director ng CenPeg, na kaduda-duda ang pagsasapubliko kaagad ng mga resulta ng halalan noong gabi ng Mayo 10. Sa panahong ito, marami pa umanong mga erya sa Kordilyera, Abra, Ilokos, Masbate, Samar, at mga probinsya ng Mindanao ang hindi pa nakakapagpadala ng mga resulta.
“There is no basis for publicizing national election results when votes from the provinces remained un-transmitted and incomplete,” sabi ni Tuazon.
Sinabi rin ng grupo na hindi ginamit ng Comelec ang UV scanners para sa pagberipika ng authenticity ng mga balota sa maraming mga presinto sa bansa.
Ipinunto pa ni Tuazon na halos imposible na indipendiyenteng maberipika ang mga resulta ng halalan dahil sa nilampasang mga ligal na rekisito ng Comelec.
Kabilang dito ang pagsasapubliko ng source code o koda na ginagamit ng makina para basahin ang mga resulta, at pag-deactivate sa voter’s verification o paraan para malaman ng botante kung binasa nang tama ng makinang Precinct Count Optical Scan ang kanyang boto.
“A process that is inherently flawed, is infirmed, and compromised cannot make the election results accurate let alone credible,” pagtatapos ni Tuazon.