Eleksiyong 2010: Sino ang tunay na para sa mga OFW?
Kung ilang dekada na ang labor-export policy ng gobyerno sa bansa. Pero hangad pa rin ng malawak na bilang ng mga mamamayan ang disente, nakabubuhay at makataong trabaho sa bansa. Samantala, sa ibayong-dagat, patuloy na inaabuso at minamaltrato ang mga OFW. Ano ang masasabi ng mga kandidato sa pagka-presidente hinggil dito?
* * *
Hindi dapat makalimutan ng mga tumatakbo sa pagkapangulo na mahigit 10 porsiyento ng populasyon ang nagtatrabaho sa ibayong-dagat, malayo sa kani-kanilang mga pamilya, dahil sa kabiguan ng nakaraang mga administrasyon na gawin ang bagay na ngayo’y kanilang ipinapangako: ang masugpo ang kahirapan, at magkaroon ng disenteng trabaho ang bawat Pilipino.
Usaping higit na lumalaki ang mga problemang kinakaharap ng mga overseas Filipino worker (OFW). Lumolobo nang lumolobo ang kanilang bilang—tinatayang nasa 4,500 ang nangingibang-bansa kada araw—kaya’t natural lamang na dumarami rin ang mga OFW na humaharap sa samu’t saring panloloko at pang-aabuso, mula sa kamay ng kanilang rekruter hanggang sa amo.
Rekord at pangako ng pagkalinga
Isa sa pinakatampok na mga pangako ni Manuel Villar ng Nacionalista Party ang pagkalinga diumano sa inabusong mga OFW na ito. Bago pa man nagdeklara ng kanyang kandidatura, inilaman na ng mga balita ang kanyang mga hakbang para pauwiin at tulungan ang inaabusong mga OFW, na personal pa niyang isinusundo mula sa airport (siyempre pa, sa harap ng kamera). Sa lahat ng mga tumatakbo sa pagkapangulo, siya nga naman ang may pinakakonsistent na rekord ng pagtulong sa mga OFW.
Ayon kay Villar, sa nakaraang tatlong dekada, nakapagpauwi na siya ng mga OFW mula sa mga bansang Riyadh, Jeddah, Abu Dhabi, Amman, Kuwait, Qatar, Oman, at Malaysia. Itinayo rin niya ang hotline na Sagip OFW na maaaring tawagan ng mga OFW na nangangailangan ng tulong.