Eleksiyon 2010: May tsansa ba ang pambansang soberanya?


Walang pang administrasyon ang bumangga sa panghihimasok ng Estados Unidos sa Pilipinas. Sa mga kumakandidato ngayon, mayroong may gusto ng mas mahigpit pang ugnayang militar, mayroon din namang kumukuwestiyon na rito.

Ito ang ikaanim sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

***

Pabor si Gilbert Teodoro (kanan) sa mas mahigpit pang relasyong militar ng Estados Unidos at Pilipinas. Kasama niya sa litratong ito si US Defense Secretary Robert Gates (kaliwa) na bumisita sa bansa noong nakaraang taon. (World Military Forum)
Pabor si Gilbert Teodoro (kanan) sa mas mahigpit pang relasyong militar ng Estados Unidos at Pilipinas. Kasama niya sa litratong ito si US Defense Secretary Robert Gates (kaliwa) na bumisita sa bansa noong nakaraang taon. (World Military Forum)

Sa isang bansang “neokolonyal” tulad ng Pilipinas, sentrong usapin pa rin ang pambansang soberanya. Sa mahabang panahon, aktibong nanghihimasok ang makakapangyarihang bansa tulad ng US, Japan at iba pa sa isyung pang-ekonomiya at pangmilitar. Nakapasok at patuloy na pumapasok, halimbawa, ang mga tropang Amerikano sa anyo ng VFA (Visiting Forces Agreement).

Malapit na malapit na ang eleksiyon, suriin natin ang plataporma at pananaw ng mga presidentiable sa usapin ng pambansang soberanya. Sisilay na kaya ang liwanag sa Perlas ng Silangan, o mananatili tayo sa mga kuko ng dayuhan?

Pabor sa presensiya ng tropang US sa bansa si Sen. Benigno Aquino III. Susuporta siya sa pagrepaso sa VFA, pero para lamang sa ilang pagbabago sa probisyon nang sa gayo’y tiyak na magpatuloy ang naturang kasunduan.

Naniniwala naman siya na mas kapaki-pakinabang sa Japan kesa sa Pilipinas ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (Jpepa). Umano’y dapat muling pag-usapan ang nasabing kasunduang pang-ekonomiya.

Tutol sa presensiya ng tropang US sa Mindanao si JC delos Reyes at kiling sa pagrepaso sa VFA. Kinukuwestiyon rin niya ang espesyal na pagpapahalaga ng Pilipinas sa kasunduang militar. Nagtataka siya kung bakit VFA ang tawag sa Pilipinas habang SOFA o Status of Forces Agreement naman sa lahat ng bansang nakikipagtratado sa US. Naniniwala rin siya na ang sampung taong presensiya ng tropang Kano sa bansa ay hindi maaaring tawaging “pagbisita” lamang.

Bilang dating pangulo ng bansa, walang naipakitang independiyenteng polisiyang panlabas si Joseph Estrada. Bagamat bumoto si Estrada para sa pagpapalayas ng baseng militar ng US noong senador pa lang siya noong 1991, nabaligtad naman ito ng naratipikahan ang VFA sa panahon ng kanyang panunungkulan. Ang dahilan ni Estrada, hihina ang kapabilidad ng sundalong Filipino sa pagresponde sa anumang pangangailangan na mangyayari sa hinaharap kung hindi maaaprubahan ang VFA.

Bilang tagapamahala ng Subic Bay Metropolitan Authority noong panahon ng pananatili ng baseng militar ng US sa bansa, buo ang suporta ni Sen. Richard Gordon sa VFA. Isa si Gordon sa mga nangampanya para sa pananatili ng US bases noong 1991. Sa katunayan, naniniwala siyang mas marami pang pakikipagtulungan sa US ang kailangan ng Pilipinas.

Nakatulong umano ang tropang Kano halimbawa na lamang sa panahon ng pananalanta ng bagyong Ondoy. Magagamit din ng bansa, aniya, ang mga tropang Kano, kanilang kagamitan at helikopter. Iginiit naman niya na dapat irespeto ng US ang hurisdiksiyon ng Pilipinas lalo na sa usapin ng kustodiya ng mga sundalong Amerikano na lumabag sa batas.

Batay sa plataporma ni Sen. Jamby Madrigal, dapat malaya ang Pilipinas sa dayuhang panghihimasok at armas nukleyar, at itigil ang pakikialam ng anumang dayuhang puwersang militar. Kakanselahin din niya ang mga dayuhang tratado tulad ng VFA, Mutual Logistics Support Agreement at military assistance pact. Iginigiit din ni Madrigal na tunay siyang para sa pambansang soberanya sabay pasaring sa ilang mga kumakandidatong pangulo na bumoto para sa Jpepa at malamang na pabor sa VFA.