Eleksiyon 2010: Umaasa pa rin sa ekonomiyang nakaasa sa dayuhan


Nakalulungkot na wala pa ring plano ang karamihan pa rin sa mga kandidato sa pagkapangulo na lumihis sa dati nang palpak na pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa batay sa dependensiya sa dayuhang kapital at kawalan ng pag-unlad ng lokal na mga industriya.

Ito ang ikalima sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

***

Ekonomiyang Pilipino: Nananatiling nakatali sa dayuhang kapital, samantalang hindi napauunlad ang sariling mga industriya.
Ekonomiyang Pilipino: Nananatiling nakatali sa dayuhang kapital, samantalang hindi napauunlad ang sariling mga industriya.

Usung-uso ngayon ang pagiging makabayan at maka-Pilipino, lalo sa mga tumatakbo sa pagkapangulo. Pero hindi ibig sabihin nitong babanggain nila ang mga polisiyang sumasagka sa kaunlaran ng pambansang ekonomiya at nagbubukas sa batayang mga industriya sa kontrol ng mga dayuhan.

Ayon sa Business World, kinokopo ng mga dayuhang korporasyong transnasyunal ang 60 hanggang 70 porsiyento ng mga benta sa sektor ng manupaktura ng Top 1000 Corporations sa bansa. Samantala, paliit nang paliit ang naiaambag ng lokal na pagmamanupaktura sa Gross Domestic Product ng bansa, nasa 23.1 porsiyento, kapareha lamang ng antas nito noong dekada ‘50.

Maiuugat ang mahinang industriyang lokal sa mga polisiya ng globalisasyon na ipinataw ng International Monetary Fund at World Bank simula pa noong dekada ’70 at pinagting ng gobyerno ng Pilipinas noong dekada ’90. Itinayo ang special economic zones para sa dayuhang mamumuhunan, na magdudulot umano ng kaunlaran. Pero sa aktuwal, taga-assemble lamang ang mga manggagawang Pilipino ang inangkat na mga materyales, para muling i-eksport. Ispekulatibo rin ang karamihan sa dayuhang pamumuhunan, kaya’t hindi direktang nakakapag-ambag sa pagtatayo ng mga pagawaan at trabahong lokal.

Gayundin, niliberalisa ang sektor ng agrikultura kaya’t dumagsa ang inangkat na mga produktong agrikultural. Napag-iwanan ang lokal na agrikultura, na pinasok din ng mga dayuhang korporasyon nakatuon sa mga produktong agrikultural na pang-eksport sa halip na pang-lokal na konsumpsiyon.

Sa makatuwid, sa deka-dekadang polisiya ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon, naitaguyod na ang kontrol ng mga dayuhang kompanyang transnasyunal sa mga batayang sektor ng ekonomiya—pagmamanupaktura, parmasyutikal, pinansiya, langis, enerhiya, at maging ang agrikultura. Seryoso ba itong kukuwestiyunin ng kasalukuyang presidentiables?

Bukas sa dayuhang pagmamay-ari

Sen. Noynoy Aquino, sa kanyang pangangampanya sa Bataan. (Kontribusyon)
Sen. Noynoy Aquino, sa kanyang pangangampanya sa Bataan. (Kontribusyon)

Si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III, walang binabanggit hinggil sa pagpapaunlad ng mga lokal na industriya. Pabor ito sa kompetisyong “malaya” at “patas” ng mga negosyo—na siya ring bigong pangako ng globalisasyon—nang hindi nagtatangi sa pagitan ng lokal at dayuhan, maliit o malaki. Sa talumpati sa harap ng Makati Business Club, sinabi rin nitong “hindi makikialam” ang kanyang gobyerno sa takbo ng mga negosyo, at hindi gagamitin ang kapangyarihan nitong pangregulasyon.

Sa kabilang banda, may rekord naman si Aquino ng pagboto laban sa Japan-Philippine Economic Partnership Agreement (Jpepa), kasunduang pang-ekonomiya na tinitingnang makaisang-panig para sa mga Hapon. Noong 2001, bumoto rin siya laban sa Electric Power Industry Reform Act na isinuko sa pribadong sektor—kabilang ang mga dayuhang mamumuhunan—ang kritikal na industriya ng enerhiya.

Pero bukas si Aquino sa mga pagbabago sa probisyon ng 1987 Konstitusyon, kabilang ang mga pagtanggal ng restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at pagmamay-ari sa lupa.