Eleksiyong 2010: Sino ang may pinakaberdeng plataporma?


Lahat nangangakong may pagmamahal sila sa kalikasan. Pero kung bubulatlatin ang rekord at plataporma ng mga kandidato, makikita na iba-iba ang pamamaraan nila ng sinasabing pagmamahal. Iba-iba rin ang aktuwal na implikasyon sa kalikasan ng mga paninindigang ito.

Ito ang ikawalo sa serye ng mga artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa mga isyung bayan at ang mga paninindigan ng mga kandidato sa pagkapangulo hinggil dito. Maglalabas kami ng serye ng mga artikulong tulad nito hanggang sa bisperas ng eleksiyon sa Mayo 10, 2010. Layunin ng seryeng ito na ilantad sa publiko ang paninindigan at rekord ng bawat kandidato sa pinaka-mahahalagang isyu ng bansa. Batay dito, maaaring mahusgahan natin ang pipiliing kandidato para mamuno sa atin sa sunod na anim na taon.

***

Mga biktima ng bagyong Ondoy: biktima rin ng maling mga polisiya sa pangangalagan ng kalikasan. (Jeffrey Ocampo/PW File Photo)
Mga biktima ng bagyong Ondoy noong Setyembre 2009: biktima rin ng maling mga polisiya sa pangangalagan ng kalikasan. (Jeffrey Ocampo/PW File Photo)

Sariwa pa sa isip ng bansa ang hagupit ng mga bagyong Ondoy at Pepeng noong nakaraang taon. Ilang oras nang tuluy-tuloy na ulan na nagresulta sa pag-apaw ng mga ilog at pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkamatay ng ilandaang bilang ng mga tao. Isa ang climate change sa itinuturong mga dahilan sa mga kalamidad na ito, na dahil na rin sa pag-abuso ng tao sa kapaligiran.

Kabilang dito ang malakihang pagmimina, malawakang pagkakalbo ng mga bundok dahil sa pagtotroso, nakalalasong kemikal na ibinubuga ng mga industriya at iba pa. Kasabay din nito ang pagpagkasira ng kalikasan at buhay at kabuhayan ng mga mamamayang nakatira sa mga bundok o dagat, lalo na ang mga katutubo. Nitong mga nakaraang taon, naging saksi ang ilang residente sa Albay sa pagkalason ng kanilang ilog at pagkamatay ng mga isda dahil sa pagtagas ng kemikal mula sa isang minahan doon.

Kaya bilang isa sa pinakabulnerableng bansa sa sinasabing mga mga epekto ng climate change, at kaalinsabay na rin ng pagsisimula ng isang linggong aktibidad ng mga aktibistang pangkalikasan ng sa pagdiriwang ng Earth Day, nararapat lamang na bigyang-pansin ng mga tumatakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas ang usapin ng pagharap sa krisis ng kalikasan.

Tutol sa Mining Act of 1995

Manny Villar ng Nacionalista Party (Kontribusyon)
Manny Villar ng Nacionalista Party (Kontribusyon)

Naniniwala si si JC De Los Reyes na dapat kanselahin ang Mining Act of 1995 at dapat magkaroon ng istriktong mga polisiya partikular sa malawakang pagmimina para maiwasan ang pagkawasak ng kalikasan. Nangangako siya ng isang ligtas, malinis, malusog at kaaya-ayang kapaligiran sa pamamagitan ng zero waste management at pagpapaunlad ng mga parke sa buong bansa.

Dapat wakasan na ang pagwasak sa kagubatan, kalupaan, karagatan at himpapawid ng Pilipinas para sa pagtotroso, pangingisda para sa eksport at pagtambak ng nakalalasong mga agro-kemikal, petrolyo at produktong uling sa bansa at kalikasan, kung si Sen Jamby Madrigal ang tatanungin. Isinusulong ni Madrigal na parusahan ang mga dayuhang kompanya at gobyerno gayundin ang mga pulitikong nagpoprotekta sa mga nauna sa pagwasak sa likas na yaman ng bansa sa mahabang nakalipas.

Naniniwala si Madrigal na dapat itaguyod ng gobyerno at mga mamamayan ang isang tunay, at hindi pabalat-bungang, paglipat sa renewable energy, tunay na konserbasyon ng kagubatan, organikong pagsasaka at zero waste management. Dapat din aniyang pangunahan at suportahan ng gobyerno ang industriya at mga proyekto sa enerhiyang nanggagaling sa hangin at araw at dapat na pag-aari at pinatatakbo ng mga Pilipino.

Bilang senador, naghain si Madrigal ng panukalang batas para ipawalang-bisa ang Mining Act of 1995 at nagpanukalang ipataw ang total log ban.

Pabor naman sa pagpasa ng Alternative Ming Bill si Nicanor Perlas at tumutuligsa rin sa Minig Act of 1995. Nangangako rin siyang ireregularisa ang pagmimina sa bansa para hindi ito makasira sa kalikasan at mga mamamayan. Bibigyan din niya ng prayoridad ang mga maliitan at pag-aari ng komunidad na pagmimina na ligtas para sa ekolohiya at responsable sa lipunan.

Naniniwalang dahil sa bulnerabilidad ng Pilipinas sa climate change, nais ni Eddie Villanueva na magkaroon ng komprehensibong istratehiya sa climate change sa lalong madaling panahon. Kabilang sa estratehiyang ito ang komprehensibong pagpigil sa baha sa Metro Manila at iba pang sentrong siyudad, modernong mga kagamitan at karagdagang tauhan ng Pagasa o Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Ipinapangako rin ni Villanueva na magpapatupad ng moratorium sa malawakang pagmimina hanggang handa na ang mga Pilipino na magkaroon ng sariling mga proyektong pagmimina na magpoprotekta sa kalikasan.