Tunay na pagpapanagot, di nagtatapos kay Corona


Bagamat natuwa ang mga progresibong grupo sa paghatol ng maysala kay Chief Justice Renato Corona sa paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko, naniniwala ang mga ito na mahaba pa ang lalakbayin kung “tunay na pagpapanagot” ang pag-uusapan. “Hindi ito nagtatapos kay Corona. Malalaman natin kung ang katapusan ng prosesong ito ay magbibigay-daan […]

Rodelson Mesa ng United Luisita Workers Union: Tinugis lamang ng administrasyong Aqiuno matapos ang desisyon ng Korte Suprema pabor sa mga manggagawang bukid. (KR Guda)
Rodelson Mesa ng United Luisita Workers Union: Tinugis lamang ng administrasyong Aqiuno matapos ang desisyon ng Korte Suprema pabor sa mga manggagawang bukid. (KR Guda)
Dapat maging mapagbantay ang mga manggagawa at ang sambayanang Pilipino sa desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita. Dapat agad na ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema.(KR Guda)

Bagamat natuwa ang mga progresibong grupo sa paghatol ng maysala kay Chief Justice Renato Corona sa paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko, naniniwala ang mga ito na mahaba pa ang lalakbayin kung “tunay na pagpapanagot” ang pag-uusapan.

“Hindi ito nagtatapos kay Corona. Malalaman natin kung ang katapusan ng prosesong ito ay magbibigay-daan sa pagpapanagot kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at iba pang opisyal na maysala ng pandarambong at malalang paglabag sa mga karapatang pantao,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Sinabihan pa ng grupo ang administrasyong Aquino na tama na ang pagpapalusot. Dapat umanong itigil na ng gobyerno ang paggawa ng mga dahilan sa pagkabigo nitong panagutin si Arroyo sa kasong pandarambong, paglabag sa karapatang pantao at malawakang pandaraya sa eleksiyon. Dapat din umanong panagutin ng gobyerno ang mga sariling opisyal nito na inaakusahang nagkamali. At dapat ding itigil na ang paggawa ng dahilan sa pagkabigo nito na harapin ang problemang pang-ekonomiya at mga isyung pambansa.

Inaasahan na ng Bayan na itatampok ng administrasyong Aquino ang pagkakahatol kay Corona bilang “crowning glory” sa tinatawag nitong “daang matuwid”. Subalit labas sa impeachment, wala pa umanong nagagawa ang gobyerno sa usapin ng pampolitika at pang-ekonomiyang pagbabago, pagrespeto sa karapatang pantao at hustisya.

“Walang daang matuwid para sa marami sa ating kababayan na patuloy na dumaranas ng kahirapan, pang-aapi at kawalan ng katarungan. Sa katunayan, kahit nahatulan na si Corona, ang gobyerno ng Pilipinas ay nagpapalusot na naman sa United Nations Human Rights Council kung bakit patuloy na walang nananagot sa mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa.”

Nagbabala pa ang Bayan na dapat maging mapagbantay ang mamamayan sa pagtatangka ni Pangulong Aquino at ng Liberal Party na kontrolin ang hudikatura para sa sarili nitong kapakanan at adyendang pang-ekonomiya. Maaari umanong magamit ni Aquino ang bagong Korte Suprema para mabaligtad ang naunang desisyon nito na ipamahagi na ang Hacienda Luisita.

Patuloy naman ang paghamon ng Bayan sa lahat ng opisyal ng gobyerno na ibukas ang kanilang mga rekord sa bangko, lokal man o dayuhan. Naniniwala ang Bayan na hindi lamang si Corona ang gumagamit ng foreign currency deposit para itago ang kanilang nakaw na yaman.

Samantala, inasahan naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hahatulan ng Senado na maysala si Corona. Ginamit umano ni Pangulong Aquino ang buong kapangyarihan ng gobyerno para ito mangyari, mula sa niratsadang impeachment complaint sa Kamara hanggang sa paglulunsad ng malawakang propaganda laban sa punong mahistrado.

Nanawagan din ang KMU ng agarang pagpapanagot kay dating Pangulong Arroyo at mga kasapakat nito.

“Dapat ding maging mapagbantay ang mga manggagawa at ang sambayanang Pilipino sa desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita. Dapat agad na ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema. Lahat ng asyenda sa bansa ay dapat na ipamahagi sa mga magsasaka,” pahayag pa ng KMU.

Nangangamba ang KMU na sa pagkakatanggal kay Corona, makokontrol na ni Pangulong Aquino ang Korte Suprema. “Mangangahulugan ito na maipapatupad na ng gobyernong Aquino ang mga anti-manggagawa at anti-mamamayang mga polisiya nito.”

Nanawagan pa ang grupo sa mga mangagawa at mamamayang Pilipino na paigtingin ang laban para sa pagpawi ng lumalalang kahirapan, kawalan ng trabaho, at kahirapan sa bansa.

Dapat din anilang palakasin ang laban para sa P125 across-the-board na dagdag sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P6,000 dagdag sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno at pagbasura sa kontraktuwalisasyon.

“Ang paghatol kay Corona ay hindi magdudulot ng signipikanteng pagbabago sa buhay ng mga manggagawang dumaranas ng gutom at kahirapan. Ipagpatuloy natin ang laban para sa lipunang ang kalayaan at ang kagustuhan ng taumbayan ang nasusunod,” pagwawakas ng KMU.