A(H1N1) panakot sa magpoprotestang kabataan?


Sa gitna ng pagpapaliban ng pasukan sa mga kolehiyo at unibersidad sa susunod na linggo, nanawagan ang iba’t ibang grupong pangkabataan sa mga estudyante na dumalo sa “street classes” o mga klaseĀ  sa lansangan bilang protesta sa Charter Change. Kasabay nito, nangangamba ang mga grupo na posibleng ginagamit ng gobyernong Arroyo ang takot ng publiko […]

Sa gitna ng pagpapaliban ng pasukan sa mga kolehiyo at unibersidad sa susunod na linggo, nanawagan ang iba’t ibang grupong pangkabataan sa mga estudyante na dumalo sa “street classes” o mga klaseĀ  sa lansangan bilang protesta sa Charter Change.

Kasabay nito, nangangamba ang mga grupo na posibleng ginagamit ng gobyernong Arroyo ang takot ng publiko sa A (H1N1) virus para mapigilan ang mga estudyante na lumahok sa mga kilos-protesta.

Sa isang memorandum, ipinagpaliban ng Commission on Higher Education sa Hunyo 15 ang unang araw ng pasukan, na dapat sana sa Hunyo 8, dahil sa pag-iingat umano sa pagkalat ng A (H1N1) virus.

Napabalitang may mga estudyante ng De La Salle University sa Maynila ang nahawaan ng nasabing virus.

Pero ayon kay Alvin Peters, pambansang tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), “Kung kailangan ng quarantine para hindi mahawaan ng sakit ang mga estudyante, bakit nakapokus lamang sa mga estudyante ng kolehiyo? Hindi ba’t mas bulnerable sa sakit ang mas nakababatang mga estudyante?”

“Hindi dapat maging balakid ang pagpapaliban ng mga klase para tayo’y magsama-sama at ipahayag ang ating pagtutol sa Constituent Assembly,” sabi naman ni Ma. Cristina Guevarra, tagapagsalita ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).

Kabilang ang SCMP, NUSP, Anakbayan, College Editors Guild of the Philippines at League of Filipino Students sa mga grupong pangkabataang na sasama sa kilos-protesta kontra Cha-cha sa Hunyo 10.