‘Lahat posible sa Con-ass’: Arawang protesta hanggang Hunyo 10 itinakda


Itinakda sa Hunyo 10 ang malawakang kilos-protesta ng mga puwersang kumokontra sa Constituent Assembly (Con-Ass) na umano’y “pinakahuling maniobra ni Pangulong Arroyo na manatili sa puwesto.” Bago ito, aaraw-arawin ng militanteng mga grupo ang mga protesta sa Con-Ass, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na nanguna ng isang noise barrage sa Welcome Rotonda, Quezon City […]

Itinakda sa Hunyo 10 ang malawakang kilos-protesta ng mga puwersang kumokontra sa Constituent Assembly (Con-Ass) na umano’y “pinakahuling maniobra ni Pangulong Arroyo na manatili sa puwesto.”

Bago ito, aaraw-arawin ng militanteng mga grupo ang mga protesta sa Con-Ass, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na nanguna ng isang noise barrage sa Welcome Rotonda, Quezon City noong Hunyo 5 bilang panimula.

Mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi sa Hunyo 10 magtitipun-tipon ang mga grupong oposisyon kabilang ang Bayan, United Opposition (UNO), the Association of Major Religious Superiors of the Philippines, Concerned Citizens Movement, Black and White Movement, Union of Masses for Democracy and Justice,  Liberal Party, Change Politics, Artists Revolution, Pagbabago, Bangon Pilipinas, at Movement for Good Governance.

Mangunguna rin ang mga grupong kaanib ng Bayan sa mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

“Kapag na-convene na ang Constituent Assembly, mawawalang-saysay ang pahayag ng mga alyado ni Arroyo na hindi magkakaroon ng term extension. Lahat ay posible…Susuwayin ng administrasyon ang batas at lohika para lamang masunod ang adyenda niyo sa kapangyarihan,” sabi ni Reyes.

Ngunit sinabi rin ni Reyes na “Hindi tanga ang tanga ang taumbayan. Nakikita nila ang tunay na dahilan ng pagratsada sa Con-Ass. Hindi nila hahayaang makapanatili si Arroyo sa poder.”

Samantala, sinabi ng UNO na muling nabubuo ang pagkakaisa ng oposisyon dahil sa pagpasa ng mga alyado ni Arroyo sa House Resolution 1109.

“Nagkakaisa na ngayon ang CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines), Jesus is Lord Movement, El Shaddai, at kung totoo ang natatanggap naming ulat, maging ang Iglesia ni Cristo at Makati Business Club ay kumokondena sa Con-Ass,” ayon sa UNO sa isang pahayag.

Noong Hunyo 6, umapela na ang CBCP sa Kamara na huwag ipagpatuloy ang HR 1109 o idaos ang Con-Ass.

Idiniin ni Iloilo Archbishop Angel Lagdameo, presidente ng CBCP, ang naunang posisyon ng Simbahang Katolika na “ipagpaliban ang Charter Change pagkatapos ng halalan sa 2010 at gawin ito sa pamamagitan ng constitutional convention na ang mga delegado ay inihalal ng taumbayan.”

Nanawagan din ang CBCP ng “mapayapang” mga kilos-protesta laban sa Con-Ass para diumano’y hindi mahikayat ang pagdedeklara ng batas militar.

Samantala, nagbabala naman si Sen. Rodolfo Biazon na magiging reaksiyon ng militar sa tumitinding oposisyon sa Con-Ass ng iba’t ibang sektor ng lipunan na handang dumagsa sa lansangan.

“Kapag nangyari ito, baka mapilitan ang mga sundalo na protektahan ang taumbayan at Estado para resolusyunan ang kontrobersiya…Ang problema, kapag nangyari ulit [ang kagaya ng EDSA 1 at 2], sa pagkakataong ito baka hindi na ibalik ng militar ang awtoridad sa sibilyan,” sabi ng senador.

Nanawagan si Biazon sa liderato ng Kamara na bawiin ang HR 1109 bago pa umano lumala ang sitwasyon.