Piling pamimilian


Hindi nakapagtataka: Ipinapasa ng mga negosyante sa mga manggagawa ang buong bigat ng pandaigdigang krisis pampinansiya, sa pamamagitan ng pagpataw ng flexible work arrangement sa natitira nilang mga empleyado.

NOONG Enero 30, naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang advisory hinggil sa flexible work arrangement na maaari umanong ipatupad ng mga kompanya bilang “coping mechanism” at “remedial measure” sa kasagsagan ng pandaigdigang krisis pampinansiya.

Ayon sa kagawaran, “mas mahusay na alternatibo” ito sa tanggalan ng mga manggagawa. Maaari umano itong maging bahagi ng pagbabawas ng gastos sa produksiyon at iba pang pagtitipid sa operasyon ng mga kompanya.

Dahil dapat sang-ayunan di lamang ng manedsment kundi ng mga manggagawa ang pagpapatupad nito, kailangan ang konsultasyon sa pagitan ng dalawang panig. At bago tuluyang maipatupad, kailangan itong ipaalam ng kompanya sa rehiyonal na tanggapan ng DOLE.

Kabilang naman sa mga mekanismo ng panukalang ito ang forced leave, compressed work-week, relyebo ng mga manggagawa, broken-time schedule at pagbabawas ng oras ng paggawa.

Ngunit ayon sa DOLE, pansamantala lamang o habang may krisis ang pagpapatupad ng mga ito.

Sa kasalukuyan, marami nang kompanya sa mga export processing zone at industrial park sa Calabarzon, Gitnang Luzon at Cebu ang nagpapatupad ng iba’t ibang iskema ng flexible work arrangement.

Ngunit ano nga ba ang maitutulong nito sa mga kompanyang isa-isang nagdedeklara ng umano’y pagkalugi bunsod ng paghagupit ng pandaigdigang krisis pampinansiya sa lokal na ekonomiya? At ano naman ang idinudulot nito sa mga obrerong una’t higit sa lahat ay apektabo ng kasalukuyang krisis at lalo pang lumulubog sa kahirapan?

Bawas sa paggawa, bawas sa sahod

Ayon sa DOLE, liban sa 3,368 manggagawang natanggal sa trabaho, mayroong 5,065 apektado ng pagpapatupad ng flexible work arrangement ng mga kompanya sa Gitnang Luzon. Malaking bahagi sa bilang na ito ang nanggaling sa mga pagawaan sa Subic Bay Free Port sa Zambales, Clark Free Port sa Pampangga at Luisita Industrial Park (LIP) sa Tarlac.

Ang LIP ay isang 120 ektaryang lupain sa San Miguel, Tarlac kung saan nakatayo ang malalaking planta at pagawaan ng mga korporasyon tulad ng Purefoods, Universal Robina Corporation, Sanyo at International Wiring System (IWS).

Isa sa pinakamalaking pagawaan sa loob ng LIP ang IWS. Pag-aari ito ng mga Hapon na gumagawa ng wiring harness ng sasakyan. Kabilang naman sa umaangkat na mga kompanya ng sasakyan ng produkto ng IWS ang Toyota Motors.

Ayon sa manedsment ng IWS, lubhang apektado ang wiring industry ng pagbagsak ng automotive industry dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya. Bumaba umano ang demand ng kanilang produkto dahil sa pagbaba ng benta ng mga sasakyan. Bunga naman umano nito ang pagbaba ng kinakailangang workload ng mga manggagawa. Kung dati’y umaabot ang kanilang produksiyon sa 300-350 kilo man-hour (kmh), ngayon ay pumapalo na lamang ito ng 150 kmh, pahayag ng manedsment.

Kaya naman tinugunan nila ang “suliranin” na ito sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga manggagawa. Umabot ng 1,875 o halos lahat ng kontraktuwal na mga manggagawa nito ay kaagad na natanggal sa trabaho, ayon ulat ng manedsment.

Samantala, halos lahat ng iskema ng flexible work arrangement ay ginamit ng kompanyang ito. At ayon sa IWS Workers Union (IWSWU), pinatupad ang mga ito nang walang konsultasyon sa pagitan ng manedsment at mga manggagawa, taliwas sa ibinigay na alituntunin ng DOLE.

Ayon pa rin sa IWSWU, umabot ng 50 porsiyento ng mga manggagawa ang sumailalim sa forced leave. Sa ilalim ng iskemang ito, umaabot ng isa hanggang tatlong araw na patitigilin sa pagpasok sa trabaho ang mga manggagawa. Sa bawat araw na hindi sila papasukin ng manedsment ay mababawasan rin ang kanilang buwanang sahod.

Ipinapatupad din sa IWS ang pagbabawas ng oras ng paggawa. May mga pagkakataong kalahating araw lamang ang trabaho ng mga manggagawa. Mayroon din sa kanila na pinapauwi bago pa man matapos ang kanilang shift.

Sa compressed work-week naman, kailangang magtrabaho ng mga manggagawa ng lampas walong oras habang babawasan ang kanilang araw ng paggawa. Bagamat hindi bawas ang araw ng paggawa, apektado naman ang kanilang kalusugan dahil sa haba ng oras ng pagtatrabaho sa loob ng isang araw.

Napakarami pang ibang kompanya sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang kasalukuyang ngapapatupad ng iba’t ibang iskema ng flexible work arrangement gaya ng kalapit na kompanya ng IWS sa LIP na Sanyo. Ayon sa mga ulat, ang mga manggagawa nito ay nagtatrabaho na lamang ng apat na araw habang may overtime na walang bayad.

Epekto sa manggagawa

Halos isang dekada nang nagtatrabaho sa IWS si Irene Dayao, na dumanas ng forced leave at pagbabawas ng oras ng paggawa. “Malaking kawalan sa mga manggagawa ang bawat oras na binabawas sa kanilang trabaho,” aniya.

Paliwanag ni Irene, umaabot lamang ng humigit-kumulang P44 ang kinikita niya. Bagamat wala pa siyang asawa at anak, siya naman ang breadwinner ng kanilang pamilya. Dahil sa kasalukuyang kalagayan sa pagawaan, hirap siyang suportahan ang kanyang kapatid at mga magulang na pawang may edad na.

Ang mag-asawa namang Jessie at Maricel Mendoza, na parehong manggagawa sa IWS, ay apektado rin. Ayon kay Jessie, hirap na hirap silang tustusan ang pangangailangan ang pamilya lalu pa’t sa ngayon ay tatlong araw na lamang pinapapasok si Maricel.

Mas mahirap naman ngayon ang pamilya ni Santos Asilo. Dating nagtatrabaho sa ibang bansa, wala ngayong trabaho ang kanyang asawa. Kaya naman mag-isa niyang itinataguyod ang kanilang tatlong anak. Kuwento ni Santos, dati’y sa pribadong paaralan nag-aaral ang kanyang dalawang anak ngunit napilitan silang ilipat ang mga ito sa isang public school.

Sa kalagayang apektado rin siya ng mga iskema ng flexible work arrangement, hirap si Santos na pagkasyahin ang sahod sa mga pangangailangan ng pamilya.

Ayon sa National Statistics Coordinating Board, umaabot na sa mahigit P800 ang daily cost of living sa Gitnang Luzon. Kaya naman hirap ang mga manggagawa ng rehiyong ito lalu pa’t may mga katulad na iskemang nagpapasahol ng kanilang kalagayan.

Tuloy, napipilitan ang mga manggagawa na mangutang. Anila, dito umiikot sa kanilang pinansiya. Ang mas masaklap, ubos na ito sa pambayad sa utang sa kooperatiba, kantina ng kanilang pagawaan, at sa kanilang mga kakilala – bago pa man sumahod.

‘Pagsamantala sa krisis’

Kalakhan sa mga kompanyang nagtanggal ng mga manggagawa at nagpatupad ng flexible work arrangement ay nagsasabing apektado ang kita ng kanilang negosyo ng pandaigdigang krisis pampinansiya. Ayon sa mga ito, bumababa ang demand sa kanilang produkto at bunsod nito’y ang kanilang tuluy-tuloy na pagkalugi.

Ngunit sa pagsusuri ng IWSWU, hindi naman nalulugi ang mga kompanyang tulad ng IWS. Ayon kay Dexter Datu, presidente ng IWSWU, bagamat may epekto ang krisis sa lokal na mga negosyo, hindi ito nagdudulot ng aktuwal na pagkalugi. “May epekto ang krisis sa tubo ng negosyo pero wala sa kapital ng mga kompanya,” ani Datu. Ibig sabihin, bagamat hindi tumutubo nang malaki ang mga kompanya dahil sa krisis, hindi pa rin masasabing nalulugi ang mga ito.

Dagdag pa ni Datu, tantiya nilang sinasamantala lamang ng mga negosyante ang krisis para bigyan ng batayan ang malawakang tanggalan at mga iskemang ginawa para bawasan ang dati nang maliit na sahod ng mga manggagawa.

May naiulat ding mga kaso kung saan nag-aanunsiyo ang kompanya ng temporary shutdown at aktuwal na closure. Matapos umanong magsara ng pagawaan ay magbubukas muli ito – bagong pangalan. Sa paraang ito, mapapalitan ng kompanya ang regular na mga manggagawa ng kontraktuwal na mas mababa ang sahod at walang benepisyo.

Sa ISW, halimbawa, ginagamit din umano ang pahayag ng pagkalugi upang “ikondisyon” ang isipan ng mga manggagawa na tunay ngang nalulugi ang kompanya. Nalalapit na kasi ang collective bargaining agreement (CBA) sa pagitan ng unyon at manedsment. Kabilang sa CBA na ito ang pagtataas ng sahod, rice subsidy, kaseguraduhan sa trabaho at hospitalization benefits ng mga manggagawa.

Sa pamamagitan ng pagdedeklara ng pagkalugi, maaari umanong isipin ng mga manggagawa na walang kakayahan ang manedsment na ipagkaloob ang kanilang mga kahilingan.

Nakakatulong ba?

Ayon sa DOLE, makakatulong ang flexible work arrangement sa pagbabawas ng gastos ng mga kompanya at maiwasan ang tanggalan ng mga manggagawa habang nananatiling produktibo ang kanilang mga negosyo. Ngunit kung babalikan, marami nang mga kompanya ang nagpapatupad ng flexible work arrangement bago pa naman ang krisis na ito.

Kasabay nito, nagpanukala ang Malakanyang ng moratorium sa dagdag-sahod dahil pa rin umano sa krisis na mahigpit namang tinututulan ng mga manggagawa.

Ayon kay Datu, nararapat lamang na ibalik sa mga manggagawa ang kanilang ambag sa kompanya lalu pa’t sila ang pangunahing puwersang nagpapalago ng negosyo ng mga ito. At aniya, sa panahon ng krisis, hindi tanggalan o mga iskemang babawas sa sahod na lalo pang magpapasahol ng kabuhayan ang kailangan ng mga manggagawa.

Kailangan din umanong tulungan ng mga kompanya at ng pamahalaan ang mga manggagawa sa panahon ng krisis sa porma ng financial assistance. Pababa nang pababa na kasi ang purchasing power ng piso sa gitna ng pagtaas ng presyo ng batayang mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission, ang nominal na P382 na minimum wage ay may aktual na halaga na lamang na P267.77. Samantala, tuluy-tuloy naman ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Mataas pa rin ang presyo ng bigas at iba pang pagkain na sinabayan ng pagtaas ng presyo ng LPG o liquefied petroleum gas.

Kaya naman hindi nakakapagtaka na kasama ang pamilya ng mga manggagawa sa 4.3 milyong pamilyang nagugutom, ayon sa Social Weather Stations.

Ayon sa Ecumenical Institute for Labor Education and Research, kailangan ng kongkretong hakbang upang protektahan ang mga manggagawa sa gitna ng krisis. Isa umano sa maaaring gawin ng pamahalaan ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa halip na bawasan ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng flexible work arrangement na pumapabor lamang sa mga may-ari ng negosyo.

Sa isang pahayag, tinuligsa naman ng Kilusang Mayo Uno ang pamahalaang Arroyo at DOLE. Ayon sa tagapangulo nitong si Elmer Labog, malaki ang pananagutan ng dalawa sa malawakang tanggalan at “buktot na iskema” ng flexible work arrangement. Dagdag pa ni Labog, taliwas sa ipinangako nitong isang milyong trabaho bawat taon noong 2004, humaharap ngayon ang mga manggagawang Pilipino sa tanggalan at mga iskema ng pagbabawas sa sahod na “walang ibang idudulot kung di ibayong kahirapan.”

Padron ng pagsasamantala

Liban sa International Wiring System sa Luisita Industrial Park, marami pang ibang kompanya sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagpatupad ng flexible work arrangement. Kadalasang pagbabawas ng araw ng paggawa ang ipinapatupad ng mga kompanya. Mula karaniwang anim na araw sa isang linggo, nababawasan ito ng isa hanggang tatlong araw. Narito ang ilang halimbawa nito:
Calabarzon (Cavite, Laguna, Batanggas, Rizal at Quezon)
Kompanya Iskema ng flexible work arrangement
Toyota Motors Philippines “Monday-no-production day”
Keihin 4 araw ng paggawa
EDS Manufacturing Corporation-Yasaki 3 araw na paggawa
Integrated Microelectronics Inc. forced leave
Sanggunian: Pinagkaisang Lakas ng Manggagawa sa Timog Katagalugan
DO Apparel 4 araw ng paggawa
Headline 5 araw na paggawa
American Power Conversion 4 araw ng paggawa
Cebu
Pan Phil Sportswear, Inc. 4 araw na paggawa
Lear Automotive Services 4 araw na paggawa
Taiyo Yuden Philippines Corporation forced leave sa mga agency-hired na mga manggagawa
Maitland Smith Cebu, Inc. Planong magpatupad ng forced leave sa lahat ng manggagawa sa loob ng 3 buwan
Enomoto Phils, Manufacturing,Inc. ang dating 24 oras na operasyon ay pinaikli na lamang sa 16; 5 araw na paggawa at relyebo ng mga manggagawa
Mehitabel, Inc. 2 hanggang 3 araw na paggawa
Shemberg Marketing Corporation 3 araw na paggawa at job rotation
Metro Wear Inc. 5 araw na paggawa at planong magkaroon ng 1 buwan na holiday sa Marso
Sanggunian: Visayas Human Development Agency, Inc.
Gitnang Luzon
Subic Bay Freeport pagbabawas ng oras ng paggawa ng 2,836 na manggagawa
Clark Free Port pagbabawas ng oras ng paggawa ng 1,001 na manggagawa

Mga sanggunian: Tanggapan ni Sen. Manuel Villar at Department of Labor and Employment