Pinoy Weekly

Rep. Neri Javier Colmenares ng Bayan Muna

pw-neri-colmenares

Si Atty. Neri Colmenares, sa isa sa mga kilos-protesta ng mga abogado noong 2005. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)


Tinaguriang people’s lawyer dahil sa matagal nang rekord ng pagdedepensa niya sa mahihirap at pinagsasamantalang mga kliyente, si Neri Javier Colmenares na ngayon ay pangatlong representante sa partidong Bayan Muna sa Kamara. Beterano ng Batas Militar, naging tanyag din siya bilang abogadong nagdepensa sa mga nilalabag ang karapatang pantao ngayong kasalukuyang rehimen. Eksperto rin sa mga usaping konstitusyonal, nilabanan ni Colmenares ang panukalang Charter Change at iba pang aniya’y mga hakbang ng kasalukuyang pamahalaan na manatili sa poder at supilin ang mga lumalaban dito.


PW: Ano ang pakiramdam ninyo sa pag-upo bilang kinatawan ng Bayan Muna Party-list?

Sa bahagi namin, nakuha na ng Bayan Muna ang mga boto noong 2007. Sa ilalim ng normal circumstances, nakaupo na ako noon. Indignant talaga kami na hindi nakaupo, sa kabila ng mga boto. Kaya noong nagdesisyon yung Korte Suprema, siyempre ito ay vindication doon sa posisyon ng Bayan Muna na matagal na niyang iginigiit. Pero higit pa doon, natuwa kami na nasawata na naman yung isang pakana ni GMA na mabawasan yung Left sa pamamagitan ng first-party rule. Kasi yung first party rule matagal na ’yon diba, hindi lang nila pinapatupad. Ipinatupad nila noong 2007, ang tingin namin doon purposely para mapilayan sana talaga yung Bayan Muna. Natuwa kami na nasawata yung ganoong plano. At natuwa pa lalo dahil nakasama yung Anakpawis at Kabataan Party-list. Malaking bagay yon kasi, yung Kabataan had the vote as early as 2004 and 2007, kaya lang dahil sa electoral fraud at terrorism, hindi nakapasok. Ganon din sa Anakpawis. Kaya sa personal level, may kasiyahan na nadagdagan kami.

Bilang abogado ng bayan (people’s lawyer), ano ang maiaambag ninyo sa trabaho ng Bayan Muna sa loob ng Kongreso?

Sa bansa natin grabe yung impunity. Sa Kongreso, minamali ang paggamit sa legal processes and rules para sa dalawang bagay. Sa isang banda, inaabuso siya para sikilin yung kanilang mga kaaway. Sa kabilang banda, inaabuso rin siya para depensahan ang guilty o may-sala. Mahahalata mo yan sa impeachment, doon sa mga argumento nila na walang batayan sa batas, walang logic. Kaya isa sigurong maitutulong ko diyan, lalo bilang abogado, makakaambag ako doon sa pag-debunk doon sa misuse nila ng legal processes o kung di man ma-debunk, ma-expose nga na minamali ang paggamit nito. Kasi nga they get away with things like prejudicial question, probable cause, ultimate fact—yung mga ganoon na kung sa mga abogado, walang batayan talaga yon, kaya lang kapag hindi ka abogado minsan hindi ka confident. Kaya tutulong ako doon, bilang abogado.

Siyempre, may advocacy ako na yung justice system ay maging accessibile sa mahihirap, sa marginalized and underrepresented. Isa rin yan sa puwede kong mai-contribute. Pero sa tingin ko isa sa mga main function ko, yung Kongreso kasi may oversight function siya, may investigative powers. Hopefully makakapagambag din ako doon. Ibig sabihin, kung may imbestigasyon o impeachment, sa mga komite na may oversight function sa gobyerno, tutulong talaga ako doon na mapalalim yung imbestigasyon.

Yung iba pa, yung trabaho na bahagi na talaga ng trabaho ng Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela, yung pagsusulong ng legislative agenda na pro-people at nationalist, ng mga democratic forces sa loob ng gobyerno. Hindi naman mag-iiba yung aking legislative agenda kumpara doon sa iba.

Ano ang inyong isusulong na legislative agenda sa maikling panahon na nalalabi sa inyong termino?

Yung sagot ko nga, contextualized sa kalagayan na maiksi na lang ang panahon. Yung filing ng mga bill, medyo hirap na ngayon kasi una, palaging walang quorum sa Kongreso so wala talagang patutunguhuan yung bill mo maliban na lang may hatak ka sa mga congressman, at alam mo naman yung sino lang ang humahatak sa mga iyan. Kaya basically doon ako sa oversight and investigation kasi yun na lang naman yung natitira nila eh, without of course relinquishing yung legislative agenda. Mag-uusap pa kami kung papaano ang hatian kasi major impact itong pagpasok nitong tatlo eh, so may hatian yun sa komite. Yung sa akin siguro kasama yung committee on human rights, justice, at constitutional amendments. Pero bilang counsel din sa ilang kaso tulad ng laban sa Visiting Forces Agreement, siguro bahagi rin ng legislative agenda ko siyempre yung anti-imperialist na legislative work, sa porma man yan ng panukalang batas o imbestigasyon, sa implementasyon ng VFA, sa pagpasok ng mga transnational companies sa bansa, sa usapin ng World Bank at World Trade Organization, at iba pa. Heto yung nakikita kong channels na puwede kong pagtrabahuan sa natitirang isang taon at dalawang buwan sa termino namin.

Ano ang masasabi ninyo sa pag-upo rin bilang kinatawan ng party-list ni Hen. Jovito Palparan?

Wala sana kaming problema na papasukin yung maliliit na partido, kasi kapag marginalized and underrepresented hindi necessarily na malaki yung partido mo. Wala kasing problema na pumasok ang genuine na maliliit na party-list groups. Pero dapat they genuinely belong to and represent the marginalized and underrepresented. Importante yung belong and represent. Meron naman kasi diyan, belongs to the marginalized and underrepresented, pero pagdating sa Kongreso, will not represent. So importante din yung represent. Si Palparan, para sa akin, ay isang insulto sa party-list system. Pinapasa siya ng Comelec at naging nominee siya ng partido niyang Bantay, na dating KBL na diniskuwalipika noon ng Comelec, tapos ngayon naging congressman na siya. Hindi sinabi ng kung sinu-sino – yung United Nations, Commission on Human Rights, Alston Report, at kahit yung Melo Commission ng gobyerno – na accountable siya sa mga human rights violations.

So para sa akin, ang isang mayor na isyu ng marginalized ay yung human rights. So how can a violator of the human rights of the marginalized represent the marginalized? Doon sa interview sa aming dalawa, binanggit niya na mga magsasaka yung nire-represent niya kasi magsasaka yung mga CAFGU. Pero noong tinanong siya kung ano yung legislative agenda ng mga magsasaka, natameme siya. Ang sabi niya, “Siguro dagdagan ko yung suweldo ng CAFGU.” Any peasant leader worth his salt would know that the main issue of peasants is land reform. Kaya ipinapakita lang nito na wala siya sa Kongreso para katawanin ang marginalized and underrepresented, pero pinakawalan ng gobyerno sa progresibong mga party-list groups para harangin ang tunay na pag-represent naming sa marginalized and underrepresented.

Para sa akin, hindi mo puwede gamitin yung party-list system para doon. Sabi nga ng Korte Suprema, ang party-list system ay isang social tool para makatulong doon sa pagbigay ng boses doon sa marginalized. Bibigyan lamang ni Palparan ng mas malaking boses ang militar at makapangyarihang elite sa bansa. It is a bastardization of what the entire party-list system should be. At hindi na siya dapat magtagal ng isang minuto kung madi-disqualify siya.

Magiging kabilang ka na sa mga “sinisiraan” ni Palparan…

Hind naman umubra ’yon, ilang taon na nilang ginagamit ang linyang yan. Pero maski noong 2007, sa kasagsagan ng extra-judicial killings, hindi nila kinayang tanggalin ang Bayan Muna sa Number 2. Hindi ito umubra noon, hindi ito uubra ngayon. Ang panangga talaga kay Palparan, pag-usapan yung mga isyu at kongkretong nangyayari.

Sa tingin ko matatameme siya diyan kasi state the fact of human rights violations, of poverty, of injustice all over the country, and his anti-communist line will not hold water. Aksi alam ng tao na ang crucial na issue ay yung human rights, poverty, at injustice na nangyayari, at para sa kanila, them the mere fact na tinatawag yung tao na kominusta hindi ibigsabihin na masama yung tao o hindi na siya dapat suportahan. Napakita yan sa boto rin lang naman eh. Ang Bantay at Bayan Muna, malayo pa rin. Despite the fact na sinuportahan ang Bantay ng Armed Forces. Confident naman kami diyan na hindi ito uubra. And I will not stoop to his level of his type of name-calling. Para sa akin, useless na makipagdebate sa isang taong wala namang batayan yung argumento tapos wala naman ding moral high ground para i-criticize kami.

Ano ang adjustment sa inyo sa bagong trabaho?

Malaki ang adjustment. Una, nasanay kasi kami sa arena ng legal work, yung interpretasyon ng batas, ngayon ay paggawa ng batas. Although malaking bahagi doon sa sinasabi ko kanina ay oversight function pa rin, may adjustment akong gagawin sa nature ng trabaho. Tapos kasi sa Kongreso, mas kaharap ko palagi yung mga pulitiko na normal na binabatikos ko. Siyempre, may adjustment dahil bagong pasok ka diyan, hindi ka naman puwedeng you treat the things the same as before. Meron daw silang decorum na mine-maintain diyan, kaya siguro kailangan kong sumunod sa decorum, nang hindi sinusuko yung prinsipyadong posisyon ng Bayan Muna at prinsipyadong posisyon ng isang people’s lawyer. Hindi ibig sabihin that I will not criticize them, it would just mean that I will probably criticize them courteously. Tungkulin namin na ilantad at labanan ang mga polisiyang anti-mamamayan, katulad ng Charter Change. But this time around, rather than addressing them directly, we will have to address them in a third person manner, with Mr. Speaker. Yun na lang naman yung decorum diyan eh.

Siguro in terms of security may adjustment din. Mag-iingat ka lalo ngayon dahil tataas ang tangka na iharas ka, baka may kaso na rin silang inihahanda. Dahil nasanay naman ako na go anywhere, siyempre may kahirapan sa akin yung mag-iingat-ingat na, pero anyway siguro ganoon talaga yung adjustment na gagawin. In terms of work, mas maraming trabaho ang gagawin ngayon. Kahit hindi na ako practicing lawyer, dahil sa ilalim ng batas bawal na ito, may obligasyon pa rin ako na magbigay ng suportang legal, sa anumang paraan, sa aming mga kliyenteng marginalized and underrepresented. Kaya parang double tasking.

Excited ka na ba sa iyong termino?

Looking forward ako doon sa mga bagong pagsubok. Yung burden ng expectation mabigat din. May expectation yung constituency ng Bayan Muna. Looking forward sa challenges but at the same time feeling the weight of the expectation. Kaya hindi excited, kasi nag-iisip ka rin na, I should do well, I should perform well. Iba ito sa yung nanalo ka sa lotto, na wala ka nang iisipin pa. Naghanda na naman kami para dito, siyempre noong 2007, naisip namin sa papasok kaming lahat. Pero siyempre nagulat din ako doon sa desisyon. Although when we argued before the Supreme Court last year, ang assessment namin, mahusay ang aming mga argumento at kayang kumbinsihin ang isang non-biased justice na tama yung posisyon namin. Inihain naming yung kaso sa first-party rule precisely because hindi pinaupo ng Comelec yung third nominee. Hindi ko lang inasahan na ganoon kahaba yung pagdedesisyon, na umabot ng isang taon at sampung buwan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=933

Posted by on May 7 2009. Filed under Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes