Ang pilit pagbuhay sa nakamamatay


Sa kabila ng mga mapanganib sa pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant, hindi pa rin matitinag ang mga nagsusulong nito. Kahungkagan ng pamahalaang Marcos noon, bubuhayin at aakuin ng pamahalaang Arroyo ngayon.

Pilit inihabol na maisalang sa huling sesyon ng Kamara noong Hunyo 3 ang House Bill (HB) 6300, o ang An Act Mandating the Immediate Rehabilitation, Commissioning and Commercial Operation of the Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Layon ng panukalang batas na ito na buksan ang BNNP, na itinayo mula 1976 hanggang 1984 at pinagkagastusan ng pamahalaang Marcos ng halagang $2.3 Bilyon. Isang taon matapos ang pagtatayo, napigil ang pagpapatakbo nito dahil sa usapin ng kaligtasan ng taumbayan.

Ayon kay Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, na pangunahing nagsusulong ng HB 6300, matutugunan ng naudlot na pagbubukas ng BNPP ang napipinto umanong kakulangan ng enerhiya sa bansa pagpatak ng 2012. Gayundin, ayon sa kinatawan, mababawasan ang pagsandig ng bansa sa coal power plants na nagbubuga ng nakalalasong kemikal. Binanggit din niyang makakaakit ang BNPP ng dayuhang mamumuhunan. At ito umano ang “pinaka-ekonomikal at pinakaligtas na pamimilian” sa paglikha ng karagdagang enerhiya para sa pangangailangan ng bansa. Kaya napapanahon daw ang “kagyat na rehabilitasyon” nito.

At ang mga tumututol dito, nagpapalaganap lamang ng takot sa taumbayan.

Ngunit bago maisalang ang HB 6300 kasama ng ilinatag na mga priority bill bago magtapos ang sesyon ng Kamara, hinarang ito ni Bataan Rep. Albert Garcia. Hindi pa raw inaaprubahan ng House Energy Commitee ang nasabing panukalang batas. Gayundin, nagpahayag na ng mahigpit na pagtutol dito ang Bataan Provincial Board noon pang Marso.

Ayon sa mga kritiko ng BNPP, lubha itong mapanganib. Paano ba’y nakatayo ito sa Bundok Niyag sa “geologically active” na bahagi ng Bataan, ang Morong. Kung tututuusin, may ganitong katangian ang buong kapuluan.

Gayundin, hindi malinaw kung magkano ang halagang kakailanganin para mabuksan at mapatakbo ang BNPP. Sa mga pag-aaral, lumalabas na 30 taon lamang ang itinatagal ng mga plantang nukleyar. Sa kalagayang halos tatlong dekada nang nakatayo ang BNPP, tiyak na kakailanganin ng napakalaking halaga upang mapatakbo ito. Uupa din ang pamahalaan ng mga dayuhang may kaalaman sa rehabilitasyon ng planta. Malaki ding halaga na kakailanganin para sa pag-angkat ng uranium para sa pagpapatakbo nito.

Kinomisyon na rin ng National Power Corporation (o Napocor) ang Korea Electric Power Corporation (o Kepco) upang magsagawa ng feasibility study upang malaman kung ligtas at kakayanin ng bansa ang pagpapatakbo ng plantang nukleyar. Kaugnay nito, naglaan naman ang pamahalaan ng halagang P100 Milyon para sa nasabing pag-aaral.

Ngunit matagal nang napatunayan ang mga panganib na kakambal na ng pagtatayo ng plantang nukleyar sa Bataan. Matatandaang iginiit ng Puno Commission, na inatasan ng pamahalaang Aquino na magsagawa na pag-aaral sa BNPP, na hindi ito ligtas. Tinungtungan ng pahayag na ito ang panganib na idudulot nito sa kalusugan at kaligtasan ng taumbayan. Ayon pa sa komisyon, “lumang disenyo” na ang BNPP at hitik sa di-resolbadong usaping pangkaligtasan. Kinakailangan umano ng “pundamental na mga pagbabago” sa disenyo nito upang maiwasan ang posibleng mga sakunang idudulot nito. Nakapagtukoy din ang National Union of Scientists Corporation ng 4,000 na “teknikal na depekto” sa disenyo ng planta. Hindi din umano malinaw kung saan itatambak ang nuclear waste na lilikhain nito – bagay na kung tutuusi’y suliranin ng buong mundo. Sa kaso ng BNPP, tinatayang aabot ng 20 tonelada ang lilikhain nitong high level radioactive nuclear waste kada taon.

At ayon mismo kay Angelo Reyes, Kalihim sa Enerhiya, “hindi pa handa” ang bansa sa pagkakaroon ng plantang nukleyar. Kinakailangan pa umano ng 15 taon para mapaghandaan ito ng pamahalaan.

Kung paglilimian, marami namang alternatibong pagkukunan ng enerhiya ang bansa gaya ng mula sa lakas ng tubig, hangin, lupa, natural na langis at iba pa. Kaya’t hindi rin kailangang pagkagastusan ng pamahalaan, gamit ang kaban ng bayan, ang isang bagay na walang pakinabang at magdududlot pa nga ng peligro sa taumbayan.

Kaya’t ano nga ba ang dahilan kung bakit isunusulong ni Cojuangco at ng pamahalaang Arroyo ang pagbubukas ng BNPP? Ano ang pakay sa pagsulong ng BNPP ni Cojuangco na supling ng kilalang kroni ni Marcos at ng isang pamahalaan na kawangis ng nagdaang diktadura. Ano man iyon, masisiguro nating hindi interes ng taumbayan ang nasa isip ng mga tulad nila.

Sa Hulyo 27, nakatakdang inihapag muli ni Cojuangco ang HB 6300 sa pagbubukas ng Kamara. At ayon sa pinuno ng House Energy Committee, na anak ng pangulo, walang dahilan upang hindi ito ipasa.

Kahunkagan ng pamahalaang Marcos ang paggastos at pagtatangkang buksan ang BNPP. At mas higit na kahungkagan ng pamahalaang Arroyo ang muling paggastos at pagtatangkang buksan ito.