Bagong tawag ng pakikibaka kay Satur Ocampo

Sa parangal kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo noong Mayo 28, inendorso ng iba't ibang indibidwal ang pagtakbo niya bilang senador sa halalang 2010.
Buhay na buhay ang Bahay ng Alumni noong gabi ng Mayo 28.
Hindi-magkamayaw ang mga taong nasa loob at labas ng naturang gusali. Hindi mapakali ang direktor at iba pang abala sa naturang okasyon. Naghihintay na ring bumunghalit ang mga instrumento ng banda ng musiko. Paroo’t parito ang mga tao, panay ang bulungan at kuwentuhan tungkol sa isang taong inaasahang darating anumang sandali.
Maya-maya’y nagpulasan ang mga nasa bunganga ng malaking bulwagan. Halos sabay-sabay namang napalingon ang mga taong naghihintay. Masigabong palakpakan. Pumailanlang ang isang malakas na hiyaw: “Mabuhay si Ka Satur!”
Sinalubong siya ng mga kaanak, kaibigan, kakilala, kasama sa pakikibaka, at iba pang makabayang puwersa kabilang na ang ilang makabayang pulitiko. Walang paglagyan ang galak niya sa maalab na pagtanggap ng mga tao. Noong gabing iyon, pinarangalan si Satur Ocampo sa kanyang 45 taon na paglilingkod sa bayan.
Ilang minuto rin bago nakaupo si Ocamposa kanyang dapat upuan, napakarami kasing gustong bumati at makipagkamay. Maya-maya pa’y nagsimula niyang balikan ang mga alaala sa mga salaysay ng kanyang mga bisita.
Masikhay, matalino
Ito palang si Satur, kuwento ni Fr. Herminio Ricafort, kaklase ni Ocampo noong elementarya at hayskul, ay mapagkumbaba na noon pa man. Mahinay magsalita, matulungin at higit sa lahat, matalino. Valedictorian siya noong elementarya, salutatorian naman noong hayskul.
Panlima sa 12 magkakapatid, isinilang si Ocampo sa Sta. Rita, Pampanga noong Abril 7, 1939. Bagama’t sa pagsasaka nabuhay ang kanilang pamilya, wala silang sariling lupa gaya ng napakarami pang magsasakang Pilipino. Nagsikhay siya sa pag-aaral hanggang magkolehiyo siya sa Philippine College of Commerce (PCC, ngayong Politektnikong Unibersidad ng Pilipinas).
Nang umalis sa kolehiyo noong 1963, nagsulat si Ocampo para sa pahayagang Manila Times hanggang natigil ang sirkulasyon nito nang ibaba ang batas militar noong 1972. Sa panahong ito, nagsilbi din siyang bise presidente ng National Press Club.
Ang pagkamulat ni Satur
Mauugat ang pampulitikang “pagkamulat” ni Ocampo sa tindi ng kahirapan, pagsasamantala, at panunupil sa taumbayan noong dekada ’60. Naging bahagi siya ng pagbubuo noong 1964 ng Kabataang Makabayan, ang pinakamilitanteng organisasyon ng mga kabataan ng panahong iyon. Noon namang 1967, naging kasapi siya ng pambansang konseho ng Movement for the Advancement of Nationalism.
Nang ibaba ni Pangulong Marcos ang batas militar, sumapi si Ocampo sa rebolusyonaryong kilusang lihim at tuluy-tuloy na kumilos laban sa diktadurya. Noong 1973, naging bahagi siya ng pagtatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Kuwento ni Joan Maglipon, dating nakasama ni Ocampo sa isang ‘safehouse’ noon, siya ang nagsisilbing ‘hair stylist’ ni Ka Satur kapag ito’y nagbabalat-kayo para makaiwas sa mga ahente ng estado.
Noong 1976, nadakip si Ocampo. Sa Kampo Bagong Diwa sa Bicutan, sumailalim siya sa iba’t ibang porma ng tortyur, kabilang ang pangunguryente sa maseselang bahagi ng katawan. Ayon kay Bonifacio Ilagan, beterano ng Sigwa ng Unang Kuwarto ng 1970 at katuwang na direktor ng naturang parangal, isa si Ocampo sa pinakagrabe ang inabot na tortyur.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1591













