Bagong tawag ng pakikibaka kay Satur Ocampo
Sa edad na 70, hindi pa rin pala makapagreretiro sa aktibismo si Satur Ocampo. Panahon na, ayon sa kanyang mga tagahanga at tagasuporta, para magkaroon ng isang tunay na makabayan sa Senado.
Sa pagkakaalala naman ni Nelia Sancho, isa ring bilanggong pulitikal noong 1976 hanggang 1978, dinadagsa noon si Ocampo ng dalaw mula sa mga kaibigan at mga lokal at dayuhang mamamahayag. Nakita rin ni Sancho ang buong suporta ng pamilya ni Satur habang nakapiit.
Nanatiling nakapiit si Ocampo hanggang 1985. Sa kabila nito, mula sa loob ng bilangguan ay nanguna siya sa mga protesta laban sa tortyur at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Nilitis siya sa military court para sa salang rebelyon, na kailanman hindi napatunayan.
Matapos ang halos isang dekada, nakatakas si Ocampo at bumalik sa kilusang lihim. Sa pagbagsak ng pamahalaang Marcos, pinamunuan ni Ocampo ang peace negotiating panel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng pamahalaang Aquino.

Nadiskaril ang usapang pangkapayapaan nang barilin ang pitong magsasaka sa tinaguriang Mendiola Massacre noong Pebrero 1987. Dahil sa kanyang pagtingin ay walang pinagkaiba sa diktadurya ang bagong gobyerno, nagpasya si Ocampo na muling bumalik sa kilusang lihim.
Noong 1989, muli siyang nadakip, at sa pagkakataong ito, kasama niya ang kabiyak. Sinampahan sila ng iba’t ibang kasong kriminal. Nakalaya si Ocampo noong 1992 nang hindi napapatunayan ang ni isa sa mga paratang.
Bago siya naging kinatawan ng Bayan Muna Party-list, pinamunuan at naging kasapi siya ng iba’t ibang makabayang organisasyon. Nagsulat din siyang muli ng mga artikulo sa maraming pahayagan.
Bilang kongresista
Nanguna ang Bayan Muna nang unang ipakilala ang sistemang party-list sa halalan ng 2001. Nakuha nito ang 11.7 porsiyento ng kabuuang boto ng taumbayan. Si Ocampo ang pangunahing nominado ng nasabing party-list na walong taon nang nagsusulong ng tinaguriang “pulitika ng pagbabago.”
Sa ika-13 Kongreso, pinamuuan ni Ocampo ang House Special Committee on Peace Unity and Reconciliation at naging pangalawang tagapangulo ng House Committee on Human Rights. Nang humiwalay ang progresibong mga party-list sa mayorya sa Kamara upang bumuo ng indipendiyenteng bloke, hinalal siya bilang Deputy Minority Leader.
Ayon kay Gabriela Rep. Liza Maza, isa sa mga “nagpapakulo sa diwa at damdamin” ni Ocampo ang mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao. Kaya naman isinulong niya ang mga panukalang batas para sa pagpaparusa sa mga nasa likod ng tortyur at pagdukot, kompensasyon ng mga biktima ng diktaduryang Marcos, at pagdidiin ng “command responsibility” ng Estado.
Ibinahagi naman ni Quezon Rep. Erin Tañada at apo ng makabayang senador na Lorenzo Tañada, una niyang narinig ang pangalan ni Ocampo nang nakabilanggo rin ang kanyang lolo: “Laging kabilang ang pangalan ni Ka Satur sa mga bumabati tuwing kaarawan ni Lolo.”
Minsa’y nasubukan din ng batang Tañada ang ‘wisyo’ ni Ocampo. Nang maupo si Tañada sa Kongreso, ninais umano niyang sumapi sa minorya, pero inaalok siya ng mayorya na maging tagapangulo House Committee on Human Rights. Ang sabi sa kanya ni Satur, “mas malaki ang papel na gagampanan mo kung mananatili kang tagapangulo ng komite.”
Sa kanilang pagtutulungan, naipasa ng Kamara ang ilang panukalang batas na nagtataguyod ng karapatang pantao.