Bagong tawag ng pakikibaka kay Satur Ocampo
Nagtagumpay din si Ocampo at iba pang progresibong kongresista ng party-list laban sa panunupil ng gobyernong Arroyo. Noong 2007, ibinasura ng Korte Suprema ang kasong multiple murder laban sa kanya.
Satur sa Senado?
Sa haba ng panahong ginugol ni Ocampo sa pakikibaka, maraming panahon rin na hindi niya nakasama ang kanyang asawa’t anak. Sa edad na 70, maaari na sana siyang magpahinga para makasama ang kanyang pamilya. Pero kumakatok na naman ang tawag ng paglilingkod—sa pagkakataong ito’y sa pagiging senador naman. Nakatatlong termino na si Ocampo bilang kinatawan ng Bayan Muna.
“Gusto nga sana naming makasama si Tatay, pati ng kanyang mga apo. Matanda na siya pero naniniwala kami na ito ang pinili niyang buhay. Mas maraming pamilya ang mas nangangailangan ng tulong,” ayon kay Anto Ocampo, anak ni Satur.
Marami pang bumati kay Ocampo nang gabing iyon. Kabilang dito sina Louie Jalandoni at Coni Ledesma. Nasorpresa ang lahat ng nagpaabot din ng pagbati ang megastar na si Sharon Cuneta. Maging sina Armando Doronila, isang batikang kolumnista, at Komisyuner Leila de Lima ng Commission on Human Rights, nagpaabot din ng kanilang paghanga.
Tinulaan siya ni Joel Lamangan na siya ring nagdirek ng okasyon. Dumating din sa okasyon sina dating bise presidente Teofisto Guingona, Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera at ilang kinatawan ng embahada ng Cuba at Venezuela.
Hinarana rin si Ocampo ng People’s Chorale, Dap-ayan iti Kultura ti Kordillera, Aqua Band, Manila City Band, The Jerks, Brownman Revival at nina Aiza Seguerra, Bituin Ecalante, John Lesaca (biyulin), Rep. Ed Zialcita, Rep. Nonoy Libanan, at Armida Siguion Reyna.
Sa lahat ng ito’y tampok ang panghihimok, pag-eendorso at pagpapahiwatig ng kagustuhang mailuklok si Ocampo sa Senado. Ayon kay Tañada, “panahon na upang magkaroon tayong muli ng isang makabayang senador.” Sabi naman ni Maglipon, ang mga taong katulad ni Ocampo ay “tiyak na magtatagumpay.”
Sa dulo ng okasyon, nagsalita rin ang pinararangalan.“Punung-puno ng pasasalamat ang aking puso at umaapaw sa kagalakan,” ani Ocampo.
Inamin niyang matanda na siya at gusto sanang magsulat ng mga gusto niyang sulatin, katulad na lamang ng kanyang memoir. Gusto rin niyang makapiling ang kanyang mga anak at apo. Pero nandiyan pa rin, aniya, ang tawag ng pakikibaka. Kaya sa harap ng maraming nanghihimok at sumusuporta sa kanya para tumakbo sa Senado, sinabi niyang: “Sino ako para biguin kayong lahat?”
Gayunman, nilinaw ni Ocampo na limitado pa rin ang kanyang magagawa kung sakaling mauupo siyang senador. Batid niyang bahagi lamang siya ng mas malawak pang kilusan ng mga mamamayan. “Lahat tayo rito’y nakikibaka, at alam natin na mas marami tayong magagawa kung tayo’y sama-samang kikilos para magkaroon ng tunay na pagbabago sa ating bayan,” aniya.
Tinugunan ito ng mas malakas na palakpakan at sigawan: “Mabuhay si Ka Satur!”
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1591














