Mabilis kumalat ang balita tungkol sa iyong planong pagtakbo sa darating na halalan, kasing-bilis ng paggamit ng midya sa katagang “David at Gloriath” para lalo pang kilitiin ang diwa ng mamamayan.
Sa wakas, may katapat na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung sakaling totoo ang plano niyang tumakbo bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa House of Representatives. Tama ka, hindi na isyu kung malaki ba ang tsansa mong manalo laban kay “Gloriath” na inaasahang gagawin ang lahat para makakuha ng pinakamaraming boto.
Bilang propesor ng sosyolohiya, hindi mo kailangan ng “reality check” na sinabi ni Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo na tatambad sa iyo oras na magdesisyon kang labanan ang kanyang ina (o kahit siya). Sa dami ng iyong naisulat sa mga dekadang nagdaan (bukod pa sa iyong trabaho sa akademya’t midya), sigurado akong mas marami kang alam tungkol sa realidad ng ating lipunan kumpara sa mag-inang iyan.
Alam mo ang realidad na lalabanan mo ang isang Pangulong makapangyarihan subalit hindi popular, isang kandidatong hindi mananalo sa malinis na paraan sa pambansang antas o sa labas ng kanyang balwarte sa Pampanga. At mas lalong alam mong hindi magiging patas ang laban, kaya malaki ang posibilidad ng iyong pagkapanalo sa botohan pero pagkatalo sa bilangan.
Sabi mo sa isang panayam sa midya, “Nakakahiya naman yata ang mga Kapampangan kung walang ni isang hahamon, tatayo at hahadlang sa kanyang mga balakin.” Malaking sakripisyo man ito sa iyo at sa iyong pamilyang ayaw kang patakbuhin, nakita mong ito ang hamon sa iyo ng panahon.
Kung gaano kabilis ang pagbuhos ng suporta mula sa oposisyon at iba pang indibidwal (kahit na hindi Kapampangan) ay kasing-bilis din ng pagbatikos sa iyo ng mga nasa pamahalaan. Kahit na wala pang bukas na pag-amin si Pangulong Arroyo tungkol sa kanyang plano sa 2010, nagbigay na ng prediksiyon si Cabinet Secretary Silvestre Bello III ng iyong pagkatalo. Isang “rude awakening” sa pulitika ang naghihintay sa iyo, ani Rep. Mikey Arroyo.
Mapanglait din ang pahayag ni House Speaker Prospero Nograles: “I got surprised that it’s only because he disliked PGMA and not the usual reason for running, which is public service. Anyway, the very big question is if at all he wins a seat, he will have first-hand experience in … Congress and may suddenly find that some of his public criticisms might not be correct or justified at all.”
Sa unang tingin, tila may katwiran si Nograles, gayundin ang iba pang opisyal, na punahin ang iyong intensiyon sa pagtakbo. Bakit ka nga naman magdedesisyong tumakbo dahil galit ka lang sa iyong katunggali? Hindi ba’t serbisyo publiko ang dapat na isaisip ng sinumang tatakbo?
Ang tanong sa puntong ito, ano ba ang intensiyon ni Pangulong Arroyo kung sakaling matuloy ang plano niyang tumakbo sa mas mababang posisyon sa 2010? Ayon mismo kay Presidential Legal Counsel Raul Gonzalez, “(T)here are so many threats against her…Every announced candidate said he will prosecute her…(T)hat’s a factor, of course.”
Madaling sabihing gusto lang ipagpatuloy ni Pangulong Arroyo ang pagsisilbi sa publiko kaya siya magpapakumbaba’t tatakbong muli. Pero dalawang tanong ang kailangang sagutin. Una, kung gusto niyang magkaroon ng impluwensiya sa pambansang antas, bakit hindi na lang siya tumakbo sa Senado? Ikalawa, kailangan ba ng isang taong manalo sa isang eleksiyon para makapagsilbi sa mamamayan?
Ilang beses nang nabanggit ang pangangailangang mapanatili sa puwesto si Pangulong Arroyo para maiwasan ang mga demandang ihahain laban sa kanya. At dahil patapos na ang kanyang termino bilang Pangulo, ang isang komplikadong paraan para maibalik siya sa puwesto ay ang pag-upo niya bilang miyembro ng House of Representatives sa 2010. At dahil kailangang mahalal siya bilang House Speaker, lubos ding kinakailangang ang mayorya ay alyado niya. Oras na mangyari ang dalawang bagay na ito, maaari nang ituloy ang balak na baguhin ang Saligang Batas para mabago sa parlamento ang sistema ng gobyerno. Inaasahan ang muling panunungkulan ni Arroyo bilang Punong Ministro, at sa puntong ito’y wala nang limitasyon sa haba ng kanyang panunungkulan.
Malinaw na hindi normal ang pulitikal na kalagayan ng ating bayan, at inaasahan ang mas madugo pang labanan para hadlangan ang binabalak ng mga nasa kapangyarihan. Ang sinumang nagnanais na labanan ang maitim na balak ni Pangulong Arroyo at ng mga alyado niya ay nagsisilbi sa interes ng nakararami. Tunay na nabubuhay tayo sa isang pambihirang pagkakataong ang pagmamahal sa bayan ay naipapakita sa ating pagkamuhi sa mga nanunungkulan.
Kaya alam mo, Propesor David, na ngayon pa lang ay nagsisilbi ka na hindi lang sa mga Kapampangan kundi sa lahat ng naghihirap na Pilipino. Hindi ako magugulat kung sa mga darating na buwan ay marami sa mga kapwa natin guro sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay mag-eendorso sa iyong kandidatura, pati na rin ang ating mga estudyante, alumni, kawani at residente.
Natatandaan mo pa bang magkasama tayo noong Pebrero 2002 sa isang pulong sa Malakanyang? Kasama ang iba pang taga-UP Diliman, sinabi natin kay Pangulong Arroyo ang marami nating hinaing, mula sa mga partikular na problema ng ating unibersidad hanggang sa mga pambansang isyu tulad ng Balikatan.
Makalipas ang apat na taon, idineklara ni Pangulong Arroyo ang state of national emergency noong Pebrero 2006. Inaresto ka sa isang kilos-protesta samantalang kinansela naman ang aking programa sa radyo. Dahil magkasama tayo sa isang komite ng konseho ng UP Diliman, nagtulungan tayo para maglabas ng malinaw na mensahe laban sa nangyayari sa ating bansa at ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Arroyo. Tandang-tanda ko pa ang iyong pagpapakumbaba at ang pakiusap na huwag nang ikaw ang humarap sa midya hinggil sa naging desisyon ng UP Diliman. Sinabi mo sa aking ako na lang o ang iba pang kasamahan ang magharap ng pahayag sa publiko, isang bagay na iginalang ko.
Sa darating na Pebrero 2010 (ang tinatayang simula ng kampanya), maaasahan mo ang pagbuhos ng suporta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kilala ka’t iginagalang, bagama’t hindi natin alam kung ang kasikatan mo’t panawagan para sa makabuluhang pagbabago ay magiging sapat para labanan ang makinarya ng administrasyon.
Kasama ba ako sa tutulong sa iyong kandidatura? Pasensiya na’t hindi ko pa sigurado.
Wala man tayong malalim na pinagsamahan at napakalaki ng agwat ng ating edad (sikat ka nang propesor nang maging estudyante ako sa UP Diliman noong kalagitnaan ng dekada 80), may maliit lang sana akong pakiusap na sana’y huwag mong masamain.
Hindi siguro alam ng maraming tao na ikaw ay kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Sosyolohiya ng UP Diliman. Para sa maraming estudyante’t gurong taga-UP, alam na alam nila ang kaso ni Prop. Sarah Raymundo, isang kasamahan mo sa departamento (at personal kong kaibigan) na pinagkaitan ng tenure kahit na nalampasan pa niya ang mga pangangailangan para dito.
Hanggang ngayon ay wala siyang pormal na sulat na nagsasaad kung ano ang kanyang naging pagkukulang, kung mayroon man. Ang tanging alam lang niya ay hindi niya nakuha ang boto ng 2/3 ng tenured faculty ng iyong departamento, kahit na mataas ang ebalwasyon sa kanya ng mga estudyante niya, nakuha niya sa itinakdang panahon ang kanyang master’s degree at nakapaglathala siya ng mga artikulo sa refereed journal.
Maaari mong ipagwalang-bahala ang isyung ito at sabihing ito ay internal sa inyong departamento. Pero kailangan mong malamang ito ay sumasagisag sa klase ng lideratong ikakampanya mo sa susunod na hinaharap at itataguyod mo kung sakaling manalo ka sa eleksiyon.
Kung ang isang kwalipikadong guro ay hindi mo mabigyan ng hustisya, paano pa kaya ang milyon-milyong pinagkaitan ng kasalukuyang rehimen? Nasaan ang panawagan mo para sa government transparency kung ang mismong departamento mo’y pinagkakaitan ng impormasyon si Prop. Raymundo kaya hindi niya masagot ang anumang paratang sa kanya? Bakit ang paninindigan ng Departamento ng Sosyolohiya tungkol sa kaso ni Prop. Raymundo ay hindi naiiba sa nakabibinging katahimikang ipinapakita ng Pangulong nais mong kalabanin?
Hindi pa huli ang lahat, Propesor David, para bigyan ng hustisya ang iyong kasamahan bago ka seryosong sumabak sa maruming daigdig ng pulitika.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
No related posts.
Read more articles written by this author. Click here: Danilo Araña Arao.Ito ang higanteng tarpaulin na magkabilaang bumabalandra sa mga dumadaan ng Commonwealth Avenue, patungong Quezon Memorial Circle. “Calling card” kumbaga ni Gloria Arroyo sa paghahanap ng legacy ng kanyang termino. Na kahit ang opisyal sa Quezon City na nagpagawa ng anunyso na bawal ang political propaganda sa mga lansangan nito ay tila nagkikibit-balikat na lamang.
[...] N.B. – This was published in the June 26-July 3, 2009 issue of Pinoy Weekly, the full text of which may also be retrieved from http://pinoyweekly.org/new/isang-pakiusap-kay-randy-david/. [...]
Bakit kailangan sakyan ng ibang isyu itong pagtakbo ni Randy David. At ano kung manalo o matalo, eh gusto ngang tumakbo. Karapatan ng tao ‘yun. At ano naman kung gustong tumakbo para kalabanin si gloria arroyo– (YUN ANG isang ehemplo ng TUNAY NA SERBISYO PUBLIKO sa panahong ito). At bakit kailangan i-bring up ‘yung kay Sarah Raymundo. Ang desperado naman ng tirang ‘yun. Ikakaladkad ba ninyo ang isyung ‘yan hanggang sa pahayagan. Huwag nang maging talangka, please. May mga taong may gustong mangyaring mabuti sa pilipinas, para sa ikabubuti ng lahat huwag na nating siraan. Kung may mga taong naapakan at nakakalimutan ng tao, hindi lahat ng araw pasko.
mr. cristobal, nabasa mo ba ang kolum? puro papuri nga si danny arao kay randy david. sa huli, nagtatanong lang siya, at valid na tanong ito, dahil usapin ito ng moral ascendancy. kasi sa moral ascendancy nakatuntong ang argumento ni david: malinis siya, walang kwestyon ang credibility niya, etc. pero paano nga kung sa isang pagkakataon, he was less than just, less than credible? paano kung minsan naging kasangkapan na siya ng injustice, sa kasong ito, sa tenure ng isang brilliant pero hindi nila katropa na sociology professor?
syempre may karapatan siya. pero may karapatan din ang tao na magduda sa kanya na malinis at kagalanggalang nga siya, kahit sa isang pagkakataon.
totoo, walang comparison, di hamak na mas marumi si gloria. and in infinitisimally grander scale. at kung tatakbo si randy david laban kay gloria, kay randy david na ako.
pero at the end of the day, ito lang ang masasabi ko: inhustisya ang ginawa ni randy david kay sarah raymundo.
Kung ang isang hardliner na RA na si Satur Ocampo, hayagang ibinigay ang suporta sa isang Akbayan officer na si Randy David, bakit kayo di niyo maibigay dahil sa kaso ni Sarah Raymundo?
kay paeng, pakibasa muli ang kolum. di naman sinasabi na di na pwedeng tumakbo si david, o di siya pwedeng suportahan ng mga aktibista. ang usapin lang ay sagutin ni david ang mga isyu ng panunupil daw kay sarah raymundo. pulitikal daw ang dahilan ng pagsupil kay sarah. kung transparency ang hanap mo kay gloria, ganun din dapat sa gustong tumalo sa kanya. yun lang yun.
Una, si Mr. David, naging department chair ng Socio ngayong schoolyear pa lang. Ikalawa, kung tama ang sources ko, di ba nirecommend na ng Socio Department ang tenure ni Sarah simula nung umupo si Randy na chair? ang humaharang na lang ngayon ay ang admin.
transparency lang ba ang hanap niyo kay Gloria? isipin niyo ito. you publish this column in the world wide web which can be accessed by anybody. indirectly, you are making readers judge Randy David based on this issue. as if the nontenureship of Sarah Raymundo is as “evil” as GMA’s crimes to the country. sasabihin niyo na naman na balikan ko at basahin ang article at hindi niyo naman kamo sinabi iyon. pero ang masasabi ko lang, hindi ba dapat naglabas na lang kayo ng article ng pakiusap sa pagtenure ni Sarah imbes na gumawa kayo ng article na iniugnay niyo pa ang isyung ito sa pagsuporta sa paglaban ni Randy kay GMA?
medyo kapos ang binbigay na info ng “sources” mo, dahil simula’t sapul si david isa sa mga pangunahing ang nagtutulak ng denial ng tenure ni sarah raymundo. reportedly, nagbanggaan pa sila ni walden bello, na sumuporta kay sarah. sa isang meeting — and i’m quoting my own sources here — tinawag niya si sarah na “ideologue” na di raw dapat iaprub ang tenure.
suggestion ko nga balikan mo ang kolum. o mas mabuti, balikan mo kung anong sulatin ito — isa itong kolum. ni danny arao. may privilege siyang magsulat kung ano ang gusto niyang topic bilang kolumnista. i just happen to agree with danny. kung ito ang gustong ihighlight ni danny arao sa kanyang column, prerogative niya ito.
hindi ba pwedeng batikusin si randy david, porke “tatakbo” (at this point, PR gimik pa lang ang deklarasyong yan, spin sa balita) laban kay gloria?
wala nga namang masama sa pagtakbo ni david. ako, personally, given the choice between david and gloria, i would choose david. pero di ibig sabihin di ko na siya pwedeng icriticize sa ginawa niya kay sarah.
Para sa lahat ng nagkomento, marami pong salamat.
Nais ko lang sagutin ang ilang punto ni Paeng (Hunyo 30 at Hulyo 3).
Una, hindi porke’t nagpahayag ng suporta si Rep. Satur Ocampo kay Prop. Randy David ay dapat nang ipagwalang-bahala ang anumang isyung kailangang malaman ng mamamayan tungkol sa huli. At hindi naman ako nananawagang huwag na siyang suportahan sa darating na halalan. Hindi nga ba’t pulos papuri ang ibinigay ko sa kanyang mga nagawa bago ko binanggit ang aking “pakiusap”?
Ikalawa, sa tingin ko’y tama lang na malaman ng publiko ang isyu tungkol kay Prop. Raymundo dahil sinasalamin nito ang madalas na pinagdaraanan ng mga progresibong guro sa UP at iba pang unibersidad. Sa ngayon, hindi dapat husgahan si David (may magagawa pa kasi siya) pero nararapat siyang singilin at paalalahanan (na siyang ginawa ko).
Mangyayari lang ang tuwirang panghuhusga kung patuloy siyang mananahimik at hindi isisiwalat ang mga tunay na dahilan ng pagkakait ng tenure kay Prop. Raymundo.
Hindi ko masisisi ang ibang tao kung ang tingin nila’y napakaliit nitong isyu at internal sa departamento. Pero ang pinag-uusapan natin dito ay ang propesyunal (at personal) na kinabukasan ng isang guro na sa tingin ko’y kwalipikadong magturo at maghubog ng kaisipan ng mga mag-aaral.
Kung patuloy na lalabagin ang kanyang karapatan, dapat lang na singilin ang mga may-sala, at isa na rito si Prop. David. Bakit? Mainam sigurong basahin ang kronolohiya ng nangyari para mas lalo pang maintindihan ang kaso ni Prop. Raymundo at ang direktang pagkakasangkot ni Prop. David (http://risingsun.dannyarao.com/2009/06/29/up-sociology-prof-sarah-raymundos-denial-of-tenure/).