Pinoy Weekly

Independiyenteng imbestigasyon sa mga pagbomba sa Mindanao hiniling

Itinulak ng isang grupo ng mga Moro ang pagsasagawa ng isang independiyenteng imbestigasyon sa serye ng mga pagbomba sa Mindanao sa harap ng paratang ng militar na mga rebeldeng Moro ang may pakana ng mga ito.

Sinabi ng Amirah Ali Lidasan ng Suara Bangsamoro, grupong nagtataguyod sa karapatan ng mga Moro, na kailangan ng isang kredible at independiyenteng grupo na mag-iimbestiga sa mga pagsabog sa Cotabato City, Sulu at Iligan City ngayong linggo.

Samantala, nagsampa ng House Resolution 1257 si Gabriela Rep. Liza Maza na humihiling din ng independiyenteng imbestigasyon sa mga pagsabog.

“Tila ang mensahe ng mga may pakana nito ay balutin tayo araw-araw sa takot at kaguluhan. Hindi natin papayagang magwagi sila at ang kanilang mga balak dahil buhay at pagkatao natin ang nasasakripisyo. Kailangang puksain ang mga utak sa likod ng walang saysay na karahasang ito,” ani Maza.

Matapos ang pagbomba sa isang tindahan ng letson sa harap ng isang simbahan sa Cotabato noong Hulyo 5, sinabi ni Col. Romeo Brawner, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na malamang na Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang may pakana sa pagsabog. Noong Hulyo 7, matapos sumabog ang isang bomba sa Jolo, Sulu, agad namang itinuro ng AFP ang Abu Sayyaf.

Sinabi ni Brawner na maaaring “test mission” diumano ang mga pagbomba dahil nakatanggap sila ng ulat na nakumpleto na ng MILF kamakailan ang “bomb-making training” sa hanay nito.

Nagbabala si Lidasan laban sa pagbintang agad sa MILF o anumang grupong Moro bilang responsable sa mga pagbomba. “Tutungo lang ito sa pagtindi ng diskriminasyon sa mga Muslim at maaapektuhan ang mga hakbang ng mga organisasyon at indibidwal para sa kapayapaan,” sabi ni Lidasan.

Sinabi pa ni Lidasan na kailangang magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon na di pamumunuan ng gobyernong Arroyo, ng militar o ng pulisya nito, tulad ng isinagawa ng Initiatives for Peace in Mindanao matapos ang serye ng pagbomba noong 2003.

Kabilang sa itinukoy ni Lidasan, pati ng MILF, sa website nito, na puwedeng pagsimulan ng independiyenteng imbestigasyon:

  • Itinuturing ng mga grupong Moro (kabilang ang MILF), si Bishop Orlando Quevedo — na siyang nagmimisa nang sumabog ang bomba sa harap ng kanyang simbahan sa Cotabato — bilang malapit na “alyado para sa kapayapaan” sa Mindanao;
  • May mga ulat, ayon kay Lidasan, na hindi mga Muslim kundi Kristiyano ang dalawang suspek na hinuli sa Cotabato matapos ang pagsabog;
  • Mariing itinatanggi ng MILF na may kinalaman sila sa pagbomba. Hindi umano nila polisiya ang pagbomba sa mga sibilyan at labag ito sa mga itinuturo ng Islam;
  • May mga namataang militar na umaali-aligid sa lugar ng pinagbombahan sa Cotabato ilang minuto bago ang aktuwal na pagbomba, ayon kay Lidasan at maging sa Luwaran.com;

Sinabi pa ni Lidasan na hindi maaaring isawalang-bahala ang pahayag ni Vidal Doble, dating ahente ng Intelligence Service of the AFP (Isafp) noong nakaraang linggo, na posibleng magsagawa ang AFP ng serye ng mga pagbomba para iligalig ang taumbayan na galit sa Constituent Assembly (Con-Ass). Pinangalann ni Doble ang naturang plano bilang “Oplan August Moon.”

Samantala, nanawagan din si Lidasan na huwag gawing dahilan ang mga pagbomba para maging batayan ng hidwaan ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao.

Sinabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na dapat maging mapagbantay ang taumbayan sa posibleng paggamit sa mga pagbomba bilang dahilan para magdeklara ng Batas Militar o state of emergency. Sa paraang ito, posibleng mapahaba lamang ang termino ni Pang. Arroyo.

“Nakakabahala ang tiyempo ng mga pagbombang ito, tatlong linggo bago ang SONA [State of the Nation Address]. Hindi natin maiwasang maalarma sa kapangahasan ng mga pag-atakeng ito,” sabi ni Reyes.

Nang tanungin ng midya kung magdedeklara ng state of emergency ang gobyernong Arroyo dahil sa mga pagbomba, sinabi ni National Security Adviser Norberto Nograles Jr., na “hindi pa.”

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2566

Kenneth Roland A. Guda Posted by on Jul 8 2009. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes