OFW

OFW sa Australia nanawagan ng pagpapatalsik kay GMA

Nanawagan ang mga miyembro ng Migrante-Australia ng pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo dahil sa patuloy nitong pagtutulak sa Cha-Cha o Charter Change.

Sa isang 30 minutong programa sa isang istasyon ng radyo sa Sydney noong Hunyo 30, tinalakay ng Migrante kung bakit dapat nang makiisa ang mga OFW sa lumalakas na protesta laban sa balak ng administrasyong Arroyo.

Sinabi ni Jane Corpuz-Brock, kasapi ng Migrante at tagapangulo ng PAWA (Philippines-Australia Women’s Association), itinutulak ni Pangulong Arroyo ang Cha-Cha para makapanatili ito sa puwesto para matakasan ang mga umano’y krimen nito sa taumbayan, lalo na ang isyu ng extra-judicial killings at korapsiyon.

Idinagdag ni Corpuz-Brock na suportado ng US ang Cha-Cha ni Arroyo para maisulong ang mga pang-ekonomiyang interes nito kabilang na ang 100% pagmamay-ari ng lupa, pananatili ng mga base militar at pagtatambak ng sobrang produkto.

Tinalakay rin sa naturang programa ang umano’y pagdukot at pagtortyur ng pinaghihinalaang mga militar sa Filipino-Amerikanong si Melissa Roxas habang nasa isang medical mission sa Tarlac. Isa umano ito sa mga dapat sagutin ng administrasyon.

Ayon sa Migrante-Australia, naging aktibo ang mga organisasyon ng mga Filipino sa talakayan sa pamamagitan ng text at tawag sa telepono. Kabilang dito ang Migrante Sydney Neighbourhood Association, Lingap Migrante at iba pang grupo at indibidwal.

Marami rin umano ang nagpahayag ng pakikiisa sa panawagan ng Migrante na magprotesta laban sa Cha-Cha sa tanggapan ng konsulado ng Pilipinas sa Sydney, sa Hulyo 27, 2009 kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo.

No related posts.

Discussion

No comments for “OFW sa Australia nanawagan ng pagpapatalsik kay GMA”

Post a comment