Pinoy Weekly

Zero Remittance Day ipinanawagan laban sa Con-Ass

Isang Zero Remittance Day ang itutugon ng mga migrante sa sandaling magpulong ang Con-Ass o constituent assembly para baguhin ang Konstitusyong 1987.

Sa kanilang pagpapapirma kamakailan sa mga seaman sa Kalaw, Maynila laban sa pagpapalawig ng termino (ni Pangulong Arroyo) at panawagan para sa isang Zero Remittance Day, binalaan ng Migrante International ang taumbayan na desperado na ang pangulo na manatili sa puwesto at may kakayahang gumawa ng mga hakbang na maihahalintulad bago ibinaba ni dating pangulong Ferdiand Marcos ang Martial Law.

Tinutukoy ng grupo ang serye ng pambobomba at pagbabanta na naganap, partikular sa Mindanao na kumitil na sa buhay ng maraming sibilyan.

“Ang administrasyong Arroyo lamang ang makikinabang kung ang mga pambobombang ito ay humantong sa state of emergency. Nanawagan kami sa taumbayan na maging mapagbantay at ipakita na hindi natin papayagan si Pangulong Arroyo na takasan ang kanyang mga krimen sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kanyang termino,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Dagdag ni Martinez, sisikapin nilang maabot ang pinakamalaking bilang ng OFW at kanilang mga pamilya na huwag muna silang magpadala ng remitans sa unang araw ng pagpupulong ng Con-Ass. Naghahanda na rin umano ang kanilang mga tsapter sa ibayong-dagat sa pagtutol sa pagpapalawig ng termino ng pangulo.

Balak ng Migrante na dalhin ang kanilang petisyon kung saan nagtitipun-tipon ang mga OFW. Titipunin naman nila ang mga nakalap na pirma at isusumite sa Kongreso kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo sa Hulyo 27, 2009.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2596

Posted by on Jul 9 2009. Filed under OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes