Kung nasa Pilipinas ang Blackwater…
Kasingdumi ng literal na pakahulugan ng kanyang pangalan ang reputasyon ngayon sa internasyunal na komunidad ng Blackwater, isang malaking private security company sa Estados Unidos at posible ang pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Noong nakaraang buwan lamang, dalawang malaking rebelasyon hinggil sa Blackwater ang nabunyag.
Inihabla ang Blackwater sa korte ng Virginia ng dalawang dating empleyado ng kompanya. Umano’y pinapatay ni Erik Prince, may-ari ng Blackwater, ang ilang mga indibidwal na nakikipagtulungan sa gobyernong pederal sa pag-iimbestiga ng kompanya. Namumuslit din umano ng armas ang Blackwater papasok ng Iraq, kung saan mayroon silang multi-milyong dolyar na kontrata sa US State Department. Isinasakay ang armas sa pribadong mga eroplano ni Prince, at itinatago sa mga sako ng dog food o pagkain ng aso. Ang mga armas na ito ang palihim na ginagamit ng mga mersenaryo ng Blackwater para likidahin ang mga Iraqi na pinagsususpetsahang terorista.
Samantala, sa ulat ng The New York Times, inamin ng dating mga opisyal ng Central Intelligence Agency (CIA) na palihim na kinontrata ng ahensiya ang Blackwater simula noong 2004 para hulihin o patayin ang pinaghihinalaang mga teroristang Al-Qaeda. Itinigil umano ni Leon Panetta, direktor ng CIA, noong Hunyo ang nasabing programa na ngayo’y iniimbestigahan ng US House Committee on Intelligence. (Lumalabas din na marami sa mga dating nakatataas na opisyal ng CIA, gaya ni J. Cofer Black, dating hepe ng Counter-terrorism Center, ang inempleyo ng Blackwater.)
Malayo sana sa Pilipinas ang iskandalong ito. Pero sa isang ulat na inilabas ng Russia Today noong Agosto 28, ibinunyag ng investigate reporter na si Wayne Madsen na isa ang Pilipinas sa mayor na sentro ng operasyon ng Blackwater. Gamit umano ang subsidaryong Satelle Solutions, inookupahan ng kompanya ang limang acre sa Subic Bay, dating base ng mga tropang Amerikano sa bansa. Dito, nagsasanay at nagrerekruta umano sila ng mga mersenaryo na ipinapadala sa Iraq, Afghanistan, at iba pang bansang ginigiyera ng Estados Unidos.
Itinanggi ito agad ng Malakanyang at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA). Ayon sa SBMA, hindi nila inaprubahan ang proyekto ng Blackwater na magtayo ng sentro ng operasyon sa Pilipinas, na inanunsiyo ng kompanya noong 2006 kasabay ng pagtatayo ng isa pang sentro sa California.
Tama ang SBMA sa puntong ito. Noong 2007, inabandona na diumano ng Blackwater ang pagtatayo ng sentro sa California at Pilipinas, at sa halip ay nagtayo ng bagong sentro sa Illinois.
Pero lumalabas na sadyang tuso ang Blackwater. Ayon sa testimonya ng dating empleyado ng Blackwater, nagtayo ang kompanya ng mahigit isang dosenang lihim na mga subsidaryo sa iba’t ibang bansa “para maitago ang kanilang mga krimen.” Mismo nga ang pangalan nito, pinalitan ng Blackwater sa Xe Services LLC matapos masangkot sa pagpatay ng 17 inosenteng Iraqi sa Baghdad noong 2007.
Malawak ang pandaigdigang galamay ng kompanya, at kung tutuusin, dati nang nababanggit na abot nito ang Pilipinas. Sinabi noong 2007 ni Jeremy Scahill sa librong Blackwater: The Rise of the World’s Most Powerful Mercenary Army, na nagrerekruta ang kompanya mula sa mga bansa na malalapit na alyado ng US gaya ng Pilipinas, Columbia, Ecuador, El Salvador, Honduras, Panama, Peru, at Chile. Ayon din sa ulat ng grupo ng mga eksperto sa United Nations (UN) noong 2007, nagrerekruta ang mga kompanya gaya ng Blackwater mula sa hanay ng mga dating pulis at militar sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Labag sa isang kumbensiyon ng UN ang paggamit ng pribadong mga mersenaryo. Hindi nakapirma ang US sa kumbensiyong ito.
Nakapagtataka pa ba, kung gayon, na itinatago ng Blackwater ang operasyong labag sa 1987 Konstitusyon ng bansa hinggil sa pagrespeto sa pambansang soberanya? Mas matindi pa nga, sa isang antas, ang implikasyon ng presensiya ng sikretong mga operatibang ito kaysa sa mainit ding tinututulan at pinagdedebatihang presensiya ng mga tropang Kano sa ilalim ng Visiting Forces Agreement.
Kaya naman may punto si Madsen nang sabihing imposible na hindi alam ng pangulo ang hinggil sa sentro ng Blackwater sa Subic Bay. Kung paniniwalaan pa si Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines, mismong ang Malakanyang ang nagpadala ng isa sa mga istap nito para masigurong maaaprubahan ng SBMA ang proyekto.
Sinabi rin ni Rosal na posibleng nagrerekruta ang Blackwater ng mga mersenaryo dito dahil mas mababa ang bayad sa mga Pilipino—$60,000 hanggang $80,000—o kalahati lamang ng ibinabayad sa mga mersenaryong Amerikano.
Inihayag din niya ang dalawang pangamba: posibleng maging target ang Pilipinas o mga Pilipino ng mga kaaway ng Amerika dahil sa ating pakikisangkot sa mga giyerang agresyon nito; at posibleng gamitin ng US ang mersenaryo laban sa lokal na puwersang rebolusyonaryo at mga tagasuporta nito. Mismong ang Union of Filipino Foreign Service Officers, isang grupo ng mga diplomatiko, sang-ayon na posibleng italaga sa lokal na “giyera kontra terorismo” ang mga sinasanay ng Blackwater.
Magdiriwang, tiyak, ang mga lokal na mersenaryo ng Armed Forces of the Philippines at si Pangulong Arroyo, na gaya ng Blackwater ay hindi napipigilan ang mga paglabag sa karapatang pantao ng marumi nang reputasyon.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=3756













