Uncategorized

Batibot ng pagkakaisa sa gitna ng sigwa


Kuwento ng isang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata hinggil sa pagkasirang ginawa ng bagyo sa isang day care center at komunidad ng mga maralita, at kung paano ito nagpupunyaging bumangon nang sarili.

Ngiti, sa kabila ng kalamidad: Isa sa mga bata ng Olandes, Marikina.  (Manny Veneracion / Salinlahi)
Ngiti, sa kabila ng kalamidad: Isa sa mga bata ng Olandes, Marikina. (Manny Veneracion / Salinlahi)

Mahigit isang linggo makalipas ang  mapaminsalang  bagyong Ondoy, kalakhan ng mga nabiktima ay hindi pa rin naabutan ng tulong  ng gobyerno, lalo na ang mga komunidad ng maralitang tagalungsod, tulad ng ibang mga komunidad sa Rizal, Marikina, Cainta at Pasig.  Sila ang mga maralitang tagalungsod na hindi lang isang beses pinaalis, dinemolis, at binansagang “kulang sa pansin o KSP.”

Kabilang na rito ang Sitio Olandes, Brgy. Industrial Valley Complex, Marikina. Hindi madaling maisip na isang komunidad ng maralita ang naturang lugar. Napapalibutan kasi ito ng mga subdivision tulad ng Blue Ridge B sa Libis, Cinco Hermanos at Montevista na kung saan nakatira Marikina Mayor Marides Fernando at ang asawa nitong si Chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority.

Abot tanaw din mula sa Olandes ang matayog na istruktura ng SM Marikina, na mistulang  isang palasyo sa kawalan. Ang masaklap, halos kadikit ng Sitio Olandes ang Camp Atienza, tahanan ng 51st Engineering Brigade at Research Development Center na saklaw ng Logistic Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa bahagi ng Santolan. Dito nakatira ang 3,000 pamilya – kalakhan ay ordinaryong mga manggagawa at ilang rank and file na empleyado ng gobyerno at pamilya ng mga kagawad ng militar.

Pagkakaisa vs Ondoy

Your browser may not support display of this image.Noong bumisita ang bagyong Ondoy sa Kamaynilaan, mabilis na tumaas ang tubig-baha sa lugar. Halos abutin na ang ikatlong palapag ng kanilang mga bahay. Walang rescue team na dumating. Ayon sa mga residente ng Olandes, may nabalitaan daw silang isang rubber boat na puwede sanang magamit, pero nabutas daw ito. Nagkasya na lamang ang mga residente sa pagsigaw ng tulong sa panaka-nakang pagdaan ng helicopter at rescue boat, at sinabayan ng malakas na panalangin para sa mabilis na paghupa ng bagyo at pagbaba ng tubig-baha. Nakakalungkot na sa gitna ng kalamidad, ang mga nasa kapangyarihan ay may pinipili pa ring iligtas.

Masama ang loob ng mga residente ng Olandes. Anila, tanging ang isang sikat na village na tahanan ng mga artista at maykayang pamilya ang  inunang sinaklolohan ng iilang rescue teams. Kahit na isang kilometro lamang ang layo ng Olandes sa village na ito.

“Noong kasagsagan ng bagyo, yung mga tao nasa bubungan na o sa mga third floor ng kani-kanilang bahay, panay ang text nila sa amin para saklolohan. Kami naman, tumatawag na sa lahat ng ahensiyang puwedeng tumulong, maging sa media. Pero hanggang sa humupa at bumaba ang tubig baha, walang rescue na dumating sa mga tao,” wika ni Bimbim dela Paz, executive director ng Children’s Rehabilitation Center o CRC.

Nanganganib din ang kalusugan ng mga residente ng Olandes dahil sa tambak na basurang hindi hinahakot ng  clearing operations ng gobyerno. Tanging ang C5 Highway at Riverbank ang nilinis at inalisan ng basura ng mga ito. Nagdudulot na ito ng mga sakit sa balat tulad ng alipunga at eksema, na nagnanaknak na lalo na sa mga paang nakababad sa marumi at kulay-putik na tubig-baha.

“Sila pa lang ang pumasok na nagbigay ng relief goods sa amin,” ayon kay Mang Manny, isang residente, ng abutan ng isang volunteer ng CRC ng stub ng relief goods.

Natuwa rin ang mga residente ng Olandes sa sistema ng pamamahagi ng mga boluntir ng CRC. “Mas maganda nga itong bahay-bahay ang pagbigay ng relief para hindi magulo,” sabi pa ni Mang Manny.