Pinoy Weekly

Pananagutan ng kapitalista sa sakuna

Ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Tmog Silangang Asya na pinakabulnerable sa epekto ng climate change, ayon sa Intergovernmental Panel on Climate Change.

Ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Timog Silangang Asya na pinakabulnerable sa epekto ng climate change, ayon sa Intergovernmental Panel on Climate Change.

Bukambibig ngayon ang salitang climate change para ipaliwanag ang makasaysayang kalupitan ng dalawang pinakahuling bagyong dumating sa bansa.

May isang buwang halaga ng tubig-ulan ang ibinagsak ng bagyong Ondoy noong umaga ng Setyembre 26, na nagdulot ng matinding pagbaha sa Kamaynilaan at kumitil sa buhay ng daan-daan. Makaraan ang wala pang isang linggo, rumagasa naman ang bagyong Pepeng. Nagdulot ito ng malawakang pagbaha at landslides na ikinamatay din ng daan-daang katao sa Gitna at Hilagang Luzon. Tatlong beses nagpabalik-balik ang nasabing bagyo—abnormal at mapangwasak, gaya ni Ondoy.

May dahilan para mabahala. Hindi lamang ang gobyerno ang masisisi sa kakulangan sa pananagutan at pagtugon sa mga problemang dulot ng nagbabagong klima. Masisisi rin ang mga kapitalistang bansa na pinakaresponsable sa tinatawag na “istorikal na kawalang-hustisya” laban sa mahihirap na mamamayan.

Sa balikat ng mauunlad na bansa

Noon pang 1990, idineklara na ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na ang mga aktibidad ng tao ang pangunahing nagdulot sa nakakaalarmang pag-init ng mundo. At sa sumunod na mga dekada,  lalo pang uminit ang mundo kasabay ng paghagupit ng malalakas na bagyo at iba pang abnormalidad sa klima na epekto nito.

Sa Pilipinas na lamang, tumaas ang bilang ng mga bagyong pumapasok sa bansa ng 4.2 porsiyento mula 1990 hanggang 2003. Naitala rin ang pagdami ng bumabagsak na tubig-ulan, at pagtaas ng sea level sa pangunahing mga siyudad na malapit sa karagatan.

Malagim ang prediksiyon sa pinakahuling ulat ng IPCC noong 1997. Umano’y pagsapit ng 2050, may 250 milyong katao sa buong mundo ang permanenteng mawawalan ng tahanan dahil sa mga sakuna dulot ng climate change gaya ng bagyo, tagtuyot, at pagbaha.

Tinukoy ng IPCC ang Pilipinas na isa sa mga bansa sa Timog Silangang Asya na pinakabulnerable sa sakuna. Partikular na bulnerable ang National Capital Region, Timog Katagalugan, Cagayan Valley, Gitnang Luzon, Kordilyera, at Bikol, ayon sa IPCC.

Atrasadong mga bansa gaya ng Pilipinas ang tinutukoy na pinakabulnerable sa mga epekto ng climate change dahil sa geograpikal nitong lokasyon at kahirapan na nagpapalala ng kanilang bulnerabilidad at kawalang-kapasidad na tumugon sa sakuna.

Kinikilala naman na nasa balikat ng mauunlad ng bansa ang responsabilidad na magbawas ng carbon emissions at tumulong sa pandaigdigang mga hakbang para matugunan ang epekto ng climate change.

Nagmula sa mauunlad na kapitalistang bansa ang 80% ng karbon sa ating atmospera. Pinakamalaki ang kontribusyon ng Estados Unidos sa carbon emissions, na bumubuo sa 23% ng carbon emissions sa daigdig at 42% naman o halos kalahati ng carbon emissions ng mauunlad na bansa.

Ayon sa ulat ng grupong Christian Aid, may utang ang mauunlad na bansa na mahigit $600 Bilyon sa mga atrasadong bansa para sa mga kaukulang gastos na may kinalaman sa epekto ng climate change. Ang halagang ito ay tatlong beses ng laki ng utang ng mga atrasadong bansa sa mauunlad na bansa.

Sa Rio Earth Summit noong 1992, pinirmahan ng mahigit 150 bansa ang United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC). Noong 1997, nagresulta ang kumbensiyon sa pagpirma ng isang pandaigdigang kasunduang tinatawag na Kyoto Protocol.
Sa ilalim nito, obligado ang lahat ng umaayon, lalo ang mauunlad na bansa, na magbawas ng carbon emissions at mag-ambag sa mga hakbang para maibsan ang epekto ng climate change sa mundo.

Pagsalaula sa Kyoto Protocol

Pero sa ilang taon negosasyon ng Kyoto Protocol, 39 bansa pa lamang ang pumayag na bawasan ang kanilang carbon emissions ng 5% mula 2008 hanggang 2010. Mababa ito sa target ng IPCC na 60% hanggang 70% na pagbabawas sa carbon emissions sa unang kalahati ng ika-21 siglo para maiwasan ang pinakamalulupit na epekto ng pag-init ng mundo.

Gayundin, hindi niratipika ng gobyerno ng US ang Kyoto Protocol na umano’y “makakasira sa pang-ekonomiyang interes ng bansa.” Nagpahayag nga ito suporta sa UNFCCC, pero sa kondisyong dapat naaayon pa rin ang kumbensiyon sa takbo ng malayang merkado.

Bilang resulta, inalis sa kumbensiyon ang mga panukalang imonitor at limitahan ang mga aktibidad ng malalaking korporasyon na numero unong nagpapakawala ng carbon emissions. Napilitan din ang UN Council on Economic and Development na ideklarang dapat sumunod ang UNFCCC sa General Agreement on Tariff and Trade o kasunduang pangkalakalan sa ilalim ng World Trade Organization.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=4481

Posted by on Oct 11 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes